Nagkagulo na naman ang mga Katolikong mabilis mataranta at ito ay dahil sa pahayag ni Cardinal Ambo David sa isang panayam na ibinigay niya sa isang conference. Nasabi kasi ng Cardinal ang ganito: “Huwag kayong maniniwala na ang kaligtasan ay para sa mga Katoliko lamang. Hindi ka Katoliko kung ang iniisip mo na ang maliligtas ay Katoliko lamang. Ang kaligtasan ay laan para sa lahat… sa buong sangkatauhan.” Nag-alala ang ilan at naisip na baka daw maraming magsi-alisan sa pagiging Katoliko dahil maliligtas naman pala kahit hindi Katoliko. Baka din daw isipin ng ilang nagbabalak maging Katoliko na huwag ituloy dahil hindi naman pala ganoon kahalaga maging Katoliko. May mga nagalit, may mga nasaktan, may mga nagbintang na mali ang turo ng Cardinal tungkol dito. Pero tingnan natin kung ganito ang sinabi ng Cardinal, magiging tama kaya ang lahat? Halimbawa ganito niya sinabi: “Maniwala kayo na tayong mga Katoliko lamang ang maliligtas...