Skip to main content

MALI BA SI CARDINAL AMBO DAVID?

 



 

Nagkagulo na naman ang mga Katolikong mabilis mataranta at ito ay dahil sa pahayag ni Cardinal Ambo David sa isang panayam na ibinigay niya sa isang conference. Nasabi kasi ng Cardinal ang ganito: “Huwag kayong maniniwala na ang kaligtasan ay para sa mga Katoliko lamang. Hindi ka Katoliko kung ang iniisip mo na ang maliligtas ay Katoliko lamang. Ang kaligtasan ay laan para sa lahat… sa buong sangkatauhan.”

 

Nag-alala ang ilan at naisip na baka daw maraming magsi-alisan sa pagiging Katoliko dahil maliligtas naman pala kahit hindi Katoliko. Baka din daw isipin ng ilang nagbabalak maging Katoliko na huwag ituloy dahil hindi naman pala ganoon kahalaga maging Katoliko. May mga nagalit, may mga nasaktan, may mga nagbintang na mali ang turo ng Cardinal tungkol dito.

 

Pero tingnan natin kung ganito ang sinabi ng Cardinal, magiging tama kaya ang lahat? Halimbawa ganito niya sinabi: “Maniwala kayo na tayong mga Katoliko lamang ang maliligtas. Katoliko ka kung iniisip mo na tayo lang ang maliligtas. Ang kaligtasan ay hindi para sa lahat, Kundi para sa atin lamang.” Mababanaag mo ba diyan ang mensahe ng Mabuting Balita ng Panginoon? O ang mensaheng baluktot ng mga sekta at maling pananampalataya?

 

Bagamat ang Iglesia Katolika ang “universal sacrament of salvation,” – ang pangkalahatang kasangkapan ng kaligtasan, hindi sinasabi ng aral Katoliko na dahil Katoliko ka, matik na mapupunta ka na sa langit, na ikaw lang at wala nang iba ang makakapasok sa Paraiso. Hindi sinasabi ng simbahan na lahat ng hindi niya kasapi ay mapupunta sa kapahamakan. Isipin ninyo na lang, na sa dami ng Katoliko sa Pilipinas, sa bawat kulungan ilang porsyento ang Katoliko doon; hindi ba majority sila doon? Matik ba sa langit ang tuloy nila?

 

Ang simbahan ang siyang tunay na kasangkapan ng kaligtasan dahil kumpleto ang sangkap ng kaligtasan na taglay nito – ang Salita ng Diyos, ang pitong sakramento, ang kalipunan ng mga banal, ang saligan ng Tradisyong Kristiyano, ang kabutihang taglay na pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, at iba pa. Subalit hindi madamot ang Diyos. Bagamat ang ibang pamayanang Kristiyano ay hindi kumpleto sa sangkap ng kaligtasan, maraming sangkap na naroroon din sa kanila, tulad na lamang ng mga Protestante na grabe ang pagmamahal sa Salita ng Diyos (daig pa nga tayo), o ng mga Orthodox Christians na hubog sa Tradisyon ng pananampalataya (muli, na higit pa sa ating kamulatan). Ayon sa aral ng simbahan sa Vatican II, sila din ay may pagkakataong maligtas.

 

Paano ang ibang relihyon na hindi Kristiyano? Dito kumikilos ang Espiritu Santo sa paraang hindi natin malirip. May mga taong hindi naman nila pagkukulang na hindi makilala si Kristo dahil sa kanilang kinalakihang kalagayan, subalit sumusunod naman sa utos ng Diyos batay sa kanilang minanang pananampalataya. Ang mga Hudyo ay mga matatandang kapatid natin dahil sa Lumang Tipan. Ang mga Muslim ay mga kapatid natin kay Abraham. Kung sa kanilang budhi, tapat silang nagmamahal sa Diyos at sa kapwa, sa tingin ba natin, hanggang pintuan lang sila ng langit?

 

Nagpahayag si Cardinal David ng isang paghimok upang maantig ang puso ng mga Katoliko at hindi upang libakin ang pananampalataya natin. Hindi naman lecture o klase sa doktrina ang isinagawa niya Kundi ilang minuto lamang na talk sa isang conference; kumbaga, pampukaw atensyon iyon at hindi paglalahad ng mahabang discussion sa kaligtasan. Walang taliwas sa sinabi niya sa turo ng ebanghelyo, ng Tradisyon, ng Magisterium, at ng Vatican II – kahit saliksikin pa natin lahat iyan.

 

Ang kaligtasan ay unang-una, biyaya at paanyaya ng Diyos. At kailangan ng malayang pagtanggap ng bawat isa sa kanilang puso. Ang kaligtasan ay dumarating sa atin mula sa Ama, sa pamamagitan ni Hesus na kanyang Anak at Manunubos nating lahat, sa kapangyarihan at gabay ng Espiritu Santo. Kailangan nating tanggapin ang alok na ito, isabuhay, ibahagi, at gawing batayan ng ating buhay. Kung ang isang Katoliko ay nasa tama ngang pananampalataya, at kumpleto ang sangkap na nakahain para sa kaniyang paglago, subalit hindi naman nagkakaroon ng buhay na ugnayan sa Panginoon na kanyang isinasapuso at isinasabuhay, ay tama nga ang sabi ng Panginoon na ““Tandaan ninyo: ang mga maniningil ng buwis at ang mga bayarang babae ay nauuna pa sa inyo na makapasok sa kaharian ng Diyos.”

 

 

 

 

 image, salamat sa https://foresightarch.com/two-decades-of-baptismal-fonts/

 

 

 

Popular posts from this blog

Wala Ka nang Pag-asa?

    May mga pagkakataon bang nasabi mo sa sarili mo: Wala na akong pag-asa! Huli na ang lahat! Hindi na ako makakahabol! Wala nang magagawa pa! Hopeless situation na!   Subalit ang ganitong pakiramdam ay hindi tunay na pagkawala ng pag-asa. Natural sa mga tao ang manlumo (ma-depress sabi natin ngayon), dahil sa panghihinayang at pagkukulang. At sa mga panahong ganito ang damdamin natin, mas matingkad ang katotohanan na darating muli ang pag-asa at papalitan nito ang mga huwad na nagpapanggap na pag-asa – ang “sana” at ang “ok lahat.”   Ang “sana” (o mas palasak ngayon, “sanaol” ay katumbas ng tinatawag sa Ingles na “wishful thinking.” Ito iyong hinagap na makakamtan mo lahat ng hangarin mo; wala itong kinalaman sa pag-asa. “”Sana” tumama ako sa lotto; “sana” gumanda ang buhay ko ngayon.” Wala itong batayan sa katotohanan dahil ito ay isang guni-guni lamang. Mapalad ka kung maganap ang “sana” sa buhay mo.   Ang “ok lahat” ay katu...

MGA AKLAT SA LUMANG TAHANAN

    Madaling araw nang umalis ng probinsya ang aking inaanak at ang aking kaibigan gamit ang sasakyan na lulan ang aking sangkatutak na koleksyon ng mga aklat o libro. Karamihan sa mga librong ito ay pinag-ipunan ko at pinagsikapang bilhin sa ibang bansa lalo na sa Europa noong nag-aaral pa lamang ako doon. Kaya mahalaga sa akin at hindi ko agad mabitiwang ipamigay ang mga ito kahit ang mga iba dito ay luma na dn. Subalit kailangang ilipat na sa bago kong tirahan ang mga aklat dahil ang tahanang kinalakihan ko, ang tahanang puno ng kasaysayan ng aking Kabataan ay ipinagbili na at iba na ang nagmamay-ari nito.   Dahil wala na akong mga magulang, ang tanging kaugnayan ko na lamang sa dating bahay naming ay ang mga librong nakalagak doon. Ngayon sa wakas, masasabi kong naputol na, napatid na ang kahuli-hulihang pisi na humahatak sa akin paminsan-minsang umuwi sa tahanan ng aking mga nasirang magulang.   Ano ba ang tahanan? Karaniwang iniis...