Ipagpaumanhin ninyong tila nagiging serye ito ng mga “una” sa buhay ng pari. Subalit kung masarap balik-balikan ang mga unang karanasan para sa lahat ng tao – unang crush, unang akbay, unang halik, unang sayaw at marami pang iba – ang mga pari ay may nililingon ding mga “una” sa kanilang buhay. Malamang sa malamang, para sa karamihan, isa na dito ang “unang Misa” na dati kung tawagin sa aming probinsya ay “Misa Cantada,” dahil dito maririnig ng mga taong aawitin ng pari ang mga mahahalagang bahagi ng kanyang unang Misa. Nang ordinahan kami, ay may namumuong bagyo sa bansa noon kaya hapon pa lamang ay tila ang dilim na sa labas ng katedral. Nakatulong naman ang makulimlim na panahon upang maging malamig ang paligid at solemne ang pagdiriwang. Dalawampu kaming sabay-sabay naging pari noon kaya ang biruan ay paano dadapa sa harap ng altar na hindi magsisiksikan. Ang isang mungkahi ay kung hindi magkakasya sa semento, dumapa na magkakapatong daw na pa...