Skip to main content

ANG “UNANG KALIS”

 


 

Sa tuwing dumarating ang buwan ng Hulyo, naaalala ko ang kuwento ng aking “unang kalis.” Bawat pari ay may unang kalis, iyong gamit sa Misa na sisidlan ng alak na magiging Dugo ng ating Panginoong Hesukristo sa sandali ng Konsegrasyon. Isa sa mga simbolo sa ordinasyon ng isang pari ang pag-aalay ng paten (lalagyan ng tinapay) at ng kalis (lalagyan ng alak) sa obispo na siya namang nag-aabot nito sa bagong pari kalakip ang paalala na isapuso ang pagdiriwang ng mga misteryo ni Kristo. Kaya, bawat pari ay may sari-sariling kalis na karaniwan ay natatanggap niyang regalo sa araw ng kanyang ordinasyon.

 

Ang iba ay tumatanggap ng kalis mula sa kanilang mga magulang na nag-iipon para sa pagbili ng mahalagang gamit na ito sa Misa, dahil hindi mura ang kalis, lalo na dito sa Pilipinas. Kalimitan sa mga kalis dito sa atin ay imported mula sa Italy o sa USA. Ang mga gawa naman dito ay magaganda din subalit hindi kasing husay ang mga materyal na gamit.

 

May ibang pari na nireregaluhan ng kalis ng kanilang paborito o kaibigang pari na nagsilbing inspirasyon o kalakbay nila sa bokasyon. Minsan, mga mabubuting benefactors o sponsors ang nagbibigay ng kalis sa kanilang sinuportahang seminarista na naging pari na. May mga pagkakataon na ang kalis ay pamana ng isang kamag-anak na pari, na maaaring matanda na o yumao na; parang isang yaman na isinasalin sa pamilya.

 

Kakaiba ang kasaysayan ng aking unang kalis. Nagkataon na ang aming high school batch ay napakaganda ng samahan. At minsang nagkatipon kami, tinanong ako ng ilang mga kaklase tungkol sa napipintong ordinasyon at sa mga kakailanganing paghahanda dito. Nabanggit ko ang kalis na isang mahalagang gamit ng pari. Sa puntong iyon, ilan sa mga kaklase ko sa high school ang nagkusa na bilang mga magkakaklase, sasagutin ng buong batch ang aking kalis. Sila daw ang bibili nito para sa akin. Noong panahong iyon, marami na sa kanila ang nakatapos ng pag-aaral at naghahanap-buhay na, bagamat mayroon ding hindi nagtapos at nagpamilya agad, at may mga nag-aaral pa din na mangilan-ngilan. Nagulat ako sa kanilang mungkahi at nalugod sa kanilang kabutihan. Subalit hindi ko alam kung paano nila isasagawa ang pag-iipon ng pondo para dito dahil kalat-kalat na kami at maraming sections sa aming batch, higit sa limang sections.

 

Lingid sa aking kaalaman, mula pala noong mangako sila sa akin, linggu-linggo, tuwing mag-uuwian sila sa probinsya o magpapahinga nang weekend sa pamilya nila, ilan sa aking mga kaklase ang naglilibot sa bahay-bahay ng ibang mga ka-batch naming para mangolekta ng kanilang kontribusyon para sa aking kalis. Ilang linggo o buwan din nila itong pinagtiyagaang gawin habang ako naman ay walang malay sa nagaganap dahil nakadestino ako bilang isang diyakono malayo sa aming probinsya.

 

At nang malapit na ang aking ordinasyon, ang mga lider ng aming batch ay nagpunta sa akin at nag-abot ng nalikom nilang salapi sa pagbili ng aking kalis. Nagulat ako dahil sa panahong iyon, napakalaki ng kanilang ambagan para dito. Buong puso ko itong tinanggap at may kababaang-loob na ipinangakong tuwing magmimisa ako, aalalahanin ko ang lahat ng aking batchmates sa panalangin, at lalo na kung gamit ko ang aking kalis, ang “kanilang” kalis na regalo sa akin. Hanggang ngayon buhay pa sa puso ko ang kabutihan ng aking mga batchmates sa high school.

 

Dahil masyadong malaki ang halagang ipinagkatiwala sa akin, kalahati lamang dito ang aking nagamit upang bilhin ang aking unang kalis. Ang kalahati ay itinago ko sa bangko, at nang sumunod na taon, nagamit ko pa ito para bumili naman ng kalis para sa isang matalik kong kaibigan para sa kanyang ordinasyon. Kung tutuusin, dalawang pari ang nabiyayaan ng kabutihan ng aking mga batchmates.

 

Sa tulong ng ilang kaibigan sa parokya, nagpunta kami sa isang lugar sa lungsod na kilala sa mga antiques. Sa isang tindahan doon, nakakita kami ng ilang mga kalis na ipinagbibili nila. Doon ko napili ang ang kalis, na nang tingnan ko ang ilalim ay may nakatatak pang pangalan at petsa ng ordinasyon ng unang pari na dating may-ari nito. Napag-isipan naming baka ito ay ninakaw kaya nakarating sa tindahan. Ayaw sana naming bilhin ang kalis kung mula sa ganitong paraan ito nakuha ng tindero. Subalit nang malaman namin na may balak silang tunawin ito (gawa ito sa sterling silver at mula sa ibang bansa pa) at gawing flower vase, napagpasyahan naming bilhin na ito upang maipagpatuloy ng kalis na ito ang kanyang tunay na layunin sa mundo – ang magamit sa pagdiriwang ng Misa. Mahal na mahal ko ang aking unang kalis – tanda ng pagmamahal at sakripisyo ng aking high school batchmates, mga simpleng tao na nagkusang magkaloob ng kanilang handog para sa isang pari at para sa Banal na Eukaristiya. Pagpalain nawa lagi sila ng Panginoon.

 

 

7/ 24/ 2024

 

photo: https://www.churchtimes.co.uk/articles/2023/10-march/news/uk/roman-catholic-priests-can-choose-to-offer-chalice-from-maundy-thursday

Popular posts from this blog

MALI BA SI CARDINAL AMBO DAVID?

    Nagkagulo na naman ang mga Katolikong mabilis mataranta at ito ay dahil sa pahayag ni Cardinal Ambo David sa isang panayam na ibinigay niya sa isang conference. Nasabi kasi ng Cardinal ang ganito: “Huwag kayong maniniwala na ang kaligtasan ay para sa mga Katoliko lamang. Hindi ka Katoliko kung ang iniisip mo na ang maliligtas ay Katoliko lamang. Ang kaligtasan ay laan para sa lahat… sa buong sangkatauhan.”   Nag-alala ang ilan at naisip na baka daw maraming magsi-alisan sa pagiging Katoliko dahil maliligtas naman pala kahit hindi Katoliko. Baka din daw isipin ng ilang nagbabalak maging Katoliko na huwag ituloy dahil hindi naman pala ganoon kahalaga maging Katoliko. May mga nagalit, may mga nasaktan, may mga nagbintang na mali ang turo ng Cardinal tungkol dito.   Pero tingnan natin kung ganito ang sinabi ng Cardinal, magiging tama kaya ang lahat? Halimbawa ganito niya sinabi: “Maniwala kayo na tayong mga Katoliko lamang ang maliligtas...

Wala Ka nang Pag-asa?

    May mga pagkakataon bang nasabi mo sa sarili mo: Wala na akong pag-asa! Huli na ang lahat! Hindi na ako makakahabol! Wala nang magagawa pa! Hopeless situation na!   Subalit ang ganitong pakiramdam ay hindi tunay na pagkawala ng pag-asa. Natural sa mga tao ang manlumo (ma-depress sabi natin ngayon), dahil sa panghihinayang at pagkukulang. At sa mga panahong ganito ang damdamin natin, mas matingkad ang katotohanan na darating muli ang pag-asa at papalitan nito ang mga huwad na nagpapanggap na pag-asa – ang “sana” at ang “ok lahat.”   Ang “sana” (o mas palasak ngayon, “sanaol” ay katumbas ng tinatawag sa Ingles na “wishful thinking.” Ito iyong hinagap na makakamtan mo lahat ng hangarin mo; wala itong kinalaman sa pag-asa. “”Sana” tumama ako sa lotto; “sana” gumanda ang buhay ko ngayon.” Wala itong batayan sa katotohanan dahil ito ay isang guni-guni lamang. Mapalad ka kung maganap ang “sana” sa buhay mo.   Ang “ok lahat” ay katu...

MGA AKLAT SA LUMANG TAHANAN

    Madaling araw nang umalis ng probinsya ang aking inaanak at ang aking kaibigan gamit ang sasakyan na lulan ang aking sangkatutak na koleksyon ng mga aklat o libro. Karamihan sa mga librong ito ay pinag-ipunan ko at pinagsikapang bilhin sa ibang bansa lalo na sa Europa noong nag-aaral pa lamang ako doon. Kaya mahalaga sa akin at hindi ko agad mabitiwang ipamigay ang mga ito kahit ang mga iba dito ay luma na dn. Subalit kailangang ilipat na sa bago kong tirahan ang mga aklat dahil ang tahanang kinalakihan ko, ang tahanang puno ng kasaysayan ng aking Kabataan ay ipinagbili na at iba na ang nagmamay-ari nito.   Dahil wala na akong mga magulang, ang tanging kaugnayan ko na lamang sa dating bahay naming ay ang mga librong nakalagak doon. Ngayon sa wakas, masasabi kong naputol na, napatid na ang kahuli-hulihang pisi na humahatak sa akin paminsan-minsang umuwi sa tahanan ng aking mga nasirang magulang.   Ano ba ang tahanan? Karaniwang iniis...