Ipagpaumanhin ninyong tila nagiging serye ito ng mga “una” sa buhay ng pari. Subalit kung masarap balik-balikan ang mga unang karanasan para sa lahat ng tao – unang crush, unang akbay, unang halik, unang sayaw at marami pang iba – ang mga pari ay may nililingon ding mga “una” sa kanilang buhay. Malamang sa malamang, para sa karamihan, isa na dito ang “unang Misa” na dati kung tawagin sa aming probinsya ay “Misa Cantada,” dahil dito maririnig ng mga taong aawitin ng pari ang mga mahahalagang bahagi ng kanyang unang Misa.
Nang ordinahan kami, ay may namumuong bagyo sa bansa noon kaya hapon pa lamang ay tila ang dilim na sa labas ng katedral. Nakatulong naman ang makulimlim na panahon upang maging malamig ang paligid at solemne ang pagdiriwang. Dalawampu kaming sabay-sabay naging pari noon kaya ang biruan ay paano dadapa sa harap ng altar na hindi magsisiksikan. Ang isang mungkahi ay kung hindi magkakasya sa semento, dumapa na magkakapatong daw na parang mga librong nakasalansan sa library ng seminaryo! Mabuti na lang at nagkasya pa rin sa espasyo ng semento ng simbahan.
Dahil may bagyo, pag-uwi namin sa probinsya mula sa lungsod, matapos ang handaan para sa mga bisita sa Fr. Blanco’s garden sa tabi ng San Agustin Church, grabe na ang trapiko. Hindi halos makausad ang mga sasakyan dahil sa mga lugar na baha. Halos madaling araw na nang makarating kami sa aming bahay sa probinsya. Pagod at puyat ako, ang aking mga magulang at mga kamag-anak. Nakasakay nga pala kami noon sa dyip, at magkatabi kami ng tatay ko sa harap ng dyip katabi ng tsuper. Maraming nagtanong bakit hindi ako sumakay sa kotse ng aking mga kamag-anak at kaibigang mayayaman na nag-alok na makisabay ako sa kanila pauwi.
Sa buong buhay ko, ang aking mga magulang ay nakita kong sa dyip lamang sumasakay at ang aking ama ay matagal na panahong tsuper ng pampasadang dyip na luma at mabagal. Nang dumalo sila sa aking ordinasyon, mula Bulacan, dyip ang dala nilang sasakyan. Kaya minabuti kong sumakay sa dyip pauwi sa bahay upang bigyang dangal ang trabaho ng aking ama at ang kasimplehan ng aking mga magulang. Yakap ko ang aking kasulya at alba, nakabarong naman ang ama ko, at taas-noo kaming nasa unahan ng dyip. Kahit trapik, pagod, puyat at gutom na, walang nagsasalita nang reklamo dahil punung-puno ang aming puso.
Nang dumating kami sa bahay, hindi makatulog ang aking ama sa tuwa. Bakit daw binigyan siya ng Diyos ng isang regalo na hindi ibinigay sa sinumang mayayaman niyang kamag-anak? Bakit daw sa kanya na simpleng dating tsuper at ngayon ay simpleng empleyado? Medyo madrama siya noong gabi, este madaling araw na iyon. Ako naman, nakatulog na sa pagod. Natulog ako sa folding bed kung saan naman talaga ako natutulog kapag nasa bahay ako; iyong folding bed na bakal ang frame at plastic ang siyang higaan. Doon ako lumaking natutulog tuwing uuwi minsan isang buwan mula sa seminaryo para sa tinatawag na home-weekend.
Kinabukasan, sinundo ako ng aking mga kaibigang katekista mula sa kabilang baryo. Ang mga kaibigang ito ang mga matatalik at matatapat kong kaibigan bilang seminarista, at marami sa kanila ang nagsilbing huwaran sa paglilingkod para sa akin dahil sa kanilang mga sakripisyo sa paglilingkod sa Diyos at sa kapwa. Ang iba sa kanila ay mananahi, magsasaka, estudyante, mga simpleng tao. Nagpasya akong parangalan ang kanilang kabutihan sa pamamagitan ng pag-aalay ng aking “unang Misa” sa piling nila. Idinaos ang Misa sa munting bisita na noon ay sentro ng bagong parokya dahil wala pang naitatayong malaking simbahan. Ang mga katekista at mga kasama nila ang nagsilbing koro sa Misang ito.
Wala akong masyadong maalala sa naganap dahil wala namang letratista na kumuha ng letrato, walang ding video, at lalong wala pang cell phone tulad ngayon. Napakasimple ng Misa. Ang mahalaga ay ang pagtitipon ng mga magkakaibigang nagkakilala sa pagmamahal ni Kristo.
Isang bagay ng hindi ko malilimutan; sa simple at pribadong pagdiriwang na ito, maraming bahagi ng Misa ang tumulo ang aking luha dahil sa kadakilaan ng biyayang makapagmisa sa unang pagkakataon, sa pasasalamat sa kabutihan ng Diyos sa isang makasalanang tulad ko, sa presensya ng mga kaibigang nagtaguyod sa aking bokasyon sa pamamagitan ng kanilang mga panalangin at pangga-ganyak sa tuwing kami ay magkakatipon. Agosto 1, 1996 nang maganap ito, kinabukasan matapos ang ordinasyon.
Nasa langit na ang ilang katekistang nakasama ko sa aking Unang Misa, tulad ng aking mga kaibigang katekista na tawagin nating Danny at Pepeng, na ang impluwensya sa aking buhay ay hindi matatawaran. Salamat Panginoong Hesus, sa mga ala-alang ito. Purihin Ka magpakailanman!
7/26/24