Skip to main content

PUMAPATOL SA “FAKE PRIESTS?”

 



 

Eksena sa isang elevator ng isang malaking funeral chapel. Pumasok ang tatlong kamag-anak ng isang yumao at natagpuan nilang may nauna na sa kanila na isang lalaki sa loob ng elevator. Ang lalaking ito ay nakasimpleng T-shirt lamang at may malaking kuwintas na krus at may dalang isang bag. Mabait na inalam ng taong ito sa mga bagong sakay sa elevator kung sino ang namatay sa kanilang pamilya. Pagkatapos, ipinahayag niya ang kanyang pakikiramay at nagparinig na kulang na kulang ang mga pari ngayon na maaaring magmisa sa mga lamayan sa patay. Pagkatapos naglabas ang lalaki ng isang calling card at sinabing kung kailangan ng tulong sa Misa, tawagan lamang ang numero dito.

 

Unang-una, walang matinong paring Katoliko ang tatambay sa mga funeral chapels dahil mas marami pang ibang gawain sa mga parokya o misyon nila. Ikalawa, wala lalong matinong paring Katoliko ang magpapamigay ng calling card o tarheta niya para sa pagkontak tungkol sa Misa. Ginagawa ito sa pagtawag o pagdalaw sa opisina ng simbahan upang magpa-schedule ng blessing man o Misa para sa isang yumao (at nakalulungkot at nakahihiya na minsan, sa opisina din malalaman ang "rate" o presyo ng pamisa o blessing; kapag hindi kaya ng namatayan, baka lay minister lang ang papuntahin). 


Nabanggit ng isa sa mga kamag-anak ang insidente sa kanyang parish priest. Galit na galit ang parish priest at sinabing sobra na ang ginagawa ng mga “fake priests” na nag-aalok ng serbisyo sa mga namatayan. Aniya, dapat iyang ipagbawal at huwag nang patulan pa ng mga Katoliko.

 

Tama ang opinyon ng parish priest na ito. Ang mga tinaguriang “fake priests” ay nakakapanlinlang sa mga tao dahil nagpapakilala silang mga paring Katoliko na handang mag-Catholic Mass para sa mga lamay. Ginagawa nila ito bilang paraan ng pagkita ng salapi upang suportahan ang kanilang sarili o ang kanilang organisasyon na mistulang Roman Catholic pero walang kinalaman sa institusyon ng simbahan. Kaya madalas, nababasa nating may babala ang isang diocese laban sa mga “fake priests” na nagmimisa sa mga patay, nagbabahay-bahay para sa house blessing at family blessings, nanghihingi ng abuloy para sa mga anila ay pagawain nila o proyekto, at iba pang mga gawaing espirituwal na kinasasabikan naman ng mga ordinaryong Katoliko. Isang dahilan dito, ang pari na (kahit pa siya “fake”) ang siyang lumalapit sa mga tao.

 

Kaya bukod sa pagtuligsa sa mga tinaguriang fake priests, maganda din itanong kung bakit pumapatol ang maraming tao sa kanila? Bakit nagtitiwala? Bakit nag-aanyaya? Bakit tinatangkilik, kahit minsan alam din ng mga tao o may kutob sila na hindi mga lehitimong paring Katoliko ang kaharap nila?

 

Halimbawa, gaano ba kabilis makiramay sa mga namatayan ang mga “genuine priests” natin? Nagbo-boluntaryo ba silang magmisa sa mga parishioners nilang namatayan? Dumadaan man lamang ba sila sa bahay o sa funeral chapel ng namatayang parishioner upang makiramay tulad ng ibang tao? Minsan may isang seminaristang nagtanong sa parish priest kung hindi ba sila sisilip man lang sa patay na nasa harap lamang ng simbahan ang burol. Ang sagot ng pari ay madiing “Hindi! Hayaan mong sila ang lumapit dito at magpa-schedule.” Nadarama ba ng mga tao ang mainit na pakikiramay ng mga pari, kund hindi man ang kusang-loob na pagmimisa sa lamay, ay pagdaan man lamang sa pamilya upang mag-abot ng pakikiramay? Napakaganda ng payo ng isang dating Monsenyor (ngayon ay isang Archbishop na) sa mga oordenahang pari. Sabi niya, “Kapag may namatay kayong parishioner at nabalitaan ninyo, puntahan ninyo agad ang pamilya. Basbasan man lamang ang patay at makiramay sa kanila. Huwag na huwag tatanggap ng stipend sa mga namatayan dahil marami na silang alalahanin; at kung mahirap ang pamilya, kayo mismo ang mag-iwan ng abuloy sa patay. Magugulat ang mga tao dahil sanay sila na ang pari ay laging tanggap lang nang tanggap ng pera mula sa kanila at hindi sanay magbigay sa kapwa.” Sa una ko pa lamang na assignment, ginawa ko ito; nag-abuloy ako sa patay matapos basbasan ang bangkay sa bahay nila. Ilang taon ang lumipas nang bumalik ako sa bahay din iyon at ipinakita sa akin ng pamilya ang album kung saan nakalagay kasama ng mga litrato ang pera na inabuloy ko sa kanila ilang taon na ang nakalilipas. Inilagay daw nila ito sa album kasi first time nila makatanggap ng pera mula sa isang paring nakiramay sa kanila.

 

Marami din sa mga “genuine priests” ang mahirap kaladkarin sa pagmimisa sa patay. Para sa kanila, tila ba secondary ang ganitong gawain at kung maaari ay ipasa na sa guest priest, sa assistant priest o sa kabilang parokya. Kung alam lang nila ang sobrang kasiyahan ng mga tao kapag nakita nilang nakiramay, dumalaw, nagbless o nagmisa mismo ang kanilang pari. Sabi nga ng parehong Monsenyor na binanggit kanina, kapag dinalaw mo daw ang maysakit at mga naulila, hinding-hindi ito malilimutan ng pamilya at joke pa niya, kahit ipakulam pa ang mga ito, hindi sila magpapalit ng relihyon dahil sa pagmamahal na nadama nila sa pari.

 

May mga “genuine priests” na ayaw dumalaw, mag-bless o magmisa sa patay dahil marami daw schedule kahit mas marami pang oras na nanonood sila ng Netflix, o kaya dahil mahirap puntahan dahil traffic. Sabi pa ng isang pari, hinding-hindi daw siya maiimbita na pumunta sa isang lugar dahil talamak ang traffic dito, kahit pa malapit na parishioner ang namatayan o kahit pa nga kamag-anak niya. Ayaw na ayaw daw niyang maipit sa traffic. Dito maitatanong natin, araw-araw ba namamatayan ang mga tao  na kahit kapirasong traffic ay hindi natin maituring na sakripisyo ng pagmamahal para sa kanila. Ang Panginoong Hesukristo nga ay bumagtas mula langit patungo sa lupa; ang pari ay tatawid lang ng kalsadang ma-trapik sa downtown paminsan-minsan pero ayaw mahirapan (kahit hindi naman siya ang tsuper).

 

Kaya, bakit nga pa pumapatol sa mga “fake priests” ang mga Katoliko? Dahil ba bobo sila o tamad o hindi nag-iisip? Si Saint John Paul II ang nagturo sa atin na kapag may mga problema sa pananampalataya, hindi sapat na tuligsain at ikondena lang ang problema kundi tanungin muna natin ang ating sarili kung ano ang ating pagkukulang na naging bahagi ng problema. Baka kasi sa mga “fake priests” nadarama ng mga tao ang paglapit ng Diyos sa kanila, ang availability (kahit sabihin pang may kalakip na bayad iyan), ang pakikiramay, ang walang pahirap na pagpapa-schedule o pag-iimbita. Kung kabayaran ang pag-uusapan, napaka-generous ng mga tao sa mga paring generous din maglingkod at magmahal. At kung kulang man ang generosity ng mga tao dahil sa kahirapan o kakuriputan, hindi ba Diyos ang bahalang magbalik ng biyaya? At hindi ba, ang pagpapari ay hindi naman tungkol sa salapi – lalo na sa mga naulila at mga maysakit – na mismong ang Panginoong Hesukristo ang unang nagpakita ng halimbawa kung paano alagaan at kalingain at tradisyong ipinasa mula pa sa simula ng simbahan (cf. James 1:27)?

 

 

8/14/24

photo:https://www.theguardian.com/global-development/2023/jun/21/taqueria-garibaldi-labor-department-violations-false-priest

 

 

 

 

Popular posts from this blog

MALI BA SI CARDINAL AMBO DAVID?

    Nagkagulo na naman ang mga Katolikong mabilis mataranta at ito ay dahil sa pahayag ni Cardinal Ambo David sa isang panayam na ibinigay niya sa isang conference. Nasabi kasi ng Cardinal ang ganito: “Huwag kayong maniniwala na ang kaligtasan ay para sa mga Katoliko lamang. Hindi ka Katoliko kung ang iniisip mo na ang maliligtas ay Katoliko lamang. Ang kaligtasan ay laan para sa lahat… sa buong sangkatauhan.”   Nag-alala ang ilan at naisip na baka daw maraming magsi-alisan sa pagiging Katoliko dahil maliligtas naman pala kahit hindi Katoliko. Baka din daw isipin ng ilang nagbabalak maging Katoliko na huwag ituloy dahil hindi naman pala ganoon kahalaga maging Katoliko. May mga nagalit, may mga nasaktan, may mga nagbintang na mali ang turo ng Cardinal tungkol dito.   Pero tingnan natin kung ganito ang sinabi ng Cardinal, magiging tama kaya ang lahat? Halimbawa ganito niya sinabi: “Maniwala kayo na tayong mga Katoliko lamang ang maliligtas...

Wala Ka nang Pag-asa?

    May mga pagkakataon bang nasabi mo sa sarili mo: Wala na akong pag-asa! Huli na ang lahat! Hindi na ako makakahabol! Wala nang magagawa pa! Hopeless situation na!   Subalit ang ganitong pakiramdam ay hindi tunay na pagkawala ng pag-asa. Natural sa mga tao ang manlumo (ma-depress sabi natin ngayon), dahil sa panghihinayang at pagkukulang. At sa mga panahong ganito ang damdamin natin, mas matingkad ang katotohanan na darating muli ang pag-asa at papalitan nito ang mga huwad na nagpapanggap na pag-asa – ang “sana” at ang “ok lahat.”   Ang “sana” (o mas palasak ngayon, “sanaol” ay katumbas ng tinatawag sa Ingles na “wishful thinking.” Ito iyong hinagap na makakamtan mo lahat ng hangarin mo; wala itong kinalaman sa pag-asa. “”Sana” tumama ako sa lotto; “sana” gumanda ang buhay ko ngayon.” Wala itong batayan sa katotohanan dahil ito ay isang guni-guni lamang. Mapalad ka kung maganap ang “sana” sa buhay mo.   Ang “ok lahat” ay katu...

MGA AKLAT SA LUMANG TAHANAN

    Madaling araw nang umalis ng probinsya ang aking inaanak at ang aking kaibigan gamit ang sasakyan na lulan ang aking sangkatutak na koleksyon ng mga aklat o libro. Karamihan sa mga librong ito ay pinag-ipunan ko at pinagsikapang bilhin sa ibang bansa lalo na sa Europa noong nag-aaral pa lamang ako doon. Kaya mahalaga sa akin at hindi ko agad mabitiwang ipamigay ang mga ito kahit ang mga iba dito ay luma na dn. Subalit kailangang ilipat na sa bago kong tirahan ang mga aklat dahil ang tahanang kinalakihan ko, ang tahanang puno ng kasaysayan ng aking Kabataan ay ipinagbili na at iba na ang nagmamay-ari nito.   Dahil wala na akong mga magulang, ang tanging kaugnayan ko na lamang sa dating bahay naming ay ang mga librong nakalagak doon. Ngayon sa wakas, masasabi kong naputol na, napatid na ang kahuli-hulihang pisi na humahatak sa akin paminsan-minsang umuwi sa tahanan ng aking mga nasirang magulang.   Ano ba ang tahanan? Karaniwang iniis...