Madaling araw nang umalis ng probinsya ang aking inaanak at ang aking kaibigan gamit ang sasakyan na lulan ang aking sangkatutak na koleksyon ng mga aklat o libro. Karamihan sa mga librong ito ay pinag-ipunan ko at pinagsikapang bilhin sa ibang bansa lalo na sa Europa noong nag-aaral pa lamang ako doon. Kaya mahalaga sa akin at hindi ko agad mabitiwang ipamigay ang mga ito kahit ang mga iba dito ay luma na dn. Subalit kailangang ilipat na sa bago kong tirahan ang mga aklat dahil ang tahanang kinalakihan ko, ang tahanang puno ng kasaysayan ng aking Kabataan ay ipinagbili na at iba na ang nagmamay-ari nito.
Dahil wala na akong mga magulang, ang tanging kaugnayan ko na lamang sa dating bahay naming ay ang mga librong nakalagak doon. Ngayon sa wakas, masasabi kong naputol na, napatid na ang kahuli-hulihang pisi na humahatak sa akin paminsan-minsang umuwi sa tahanan ng aking mga nasirang magulang.
Ano ba ang tahanan? Karaniwang iniisip natin agad na ang tahanan ay ang bahay kung saan nakatira ang tao, ang munting lugar kung saan nakatindig ang gusali na tirahan ng mga tao. Subalit ang tahanan ay hindi lamang bahay na gusali, kundi pati ang mga taong naroon sa loob, karaniwan diyan ang mga magulang at ang kanilang mga anak. May hangganan ang tahanan. Karaniwang may bakod ang bahay na naglalayo nito sa mas malaking kapitbahayan. May bubong ang bahay upang pangalagaan at ingatan tayo sa mga elemento ng hangin, ulan at araw, subalit may hindi nakikitang sangkap na naglalayo sa mga tao sa mga hindi kasapi ng tahanan. Ang tahanan ay hindi bagay kundi isang proseso ng buhay.
Ano ang mga sangkap ng isang tahanan? Una dito ay ang tatak (impact). Sa loob ng tahanan may mga tao o mga bagay na tumatatak sa ating buhay; umaalingawngaw sa ating buhay; nakaka-apekto sa ating buhay.
Ikalawa, ang tahanan ay kung saan may matibay na pagkakapit sa mga taong kasama sa tahanan (attachment), na kapag nawala sila, tila nababawasan ang ating sarili.
Ikatlo, ang tahanan ay pagkaka-ayon ng mga taong bahagi ng tahanan (mutual feelings). Ang tatak ay maaaring ako lang ang nakakaramdam pero walang epekto sa iba. Ang pagkakapit ay ganun din, maaaring ako lang ang mayroon pagkiling sa mga tao o bagay. Subalit ang pagkaka-ayon ay bigayan, nagaganap sa isa’t-isa. Kung ako lang ang panatag sa loob ng tahanan at hindi panatag sa akin ang iba, hindi iyan tahanan. Kung panatag naman sila at hindi naman ako mapakali sa loob ng tahanan, hindi din iyan matatawag na tahanan. Dapat kapwang panatag sa isa’t-isa ang mga nasa tahanan.
Paano nga ba ito maiuugnay sa aking pagtatagpo sa wakas sa mga aklat kong kinuha sa luma naming bahay? Ang mga aklat na ito ay tumatatak sa aking buhay bilang estudyante at propesyunal, guro at mananampalataya, alagad at manlalakbay, dahil malaki ang tulong ng mga ito sa paglago ng aking isip. May pagkapit din ako sa mga aklat na ito kaya nga siguro ngayon ko pa lamang naisip na unti-unti ipamigay na ang mga hindi ko na kailangan, masakit man sa puso. At bagamat hindi tao ang mga aklat, alam kong ang pagmamahal ko sa kanila ay pagmamahal din nila sa akin. Kung paano ko sila inalagaan, gayundin nila binusog ang aking kaisipan, damdamin, at pananalig sa Diyos.
Sa pagdating ng aking mga aklat mula sa dati naming bahay, natuldukan na ang kaugnayan ko sa aking dating tahanan. Wala na akong babalikan doon. At nagsisimula namang sumibol ang aking buhay sa bagong lugar, bagong pamayanan, bagong tahanan… kasama, hindi na lahat ng aking mga aklat, kundi iyon lamang higit na mahalaga.
photo: https://www.popsci.com/diy/why-you-should-buy-books/