Nagmamadali kami patungong airport noon dahil medyo nakalimot kami sa oras at malapit na ang aming flight patungong Cambodia. Todo dasal ako at ang aking kasama na sana walang trapiko sa daan at maging alerto ang aming drayber para malaman kung saan pinakamagandang dumaan. Kapos na talaga sa oras. Pero sa kalagitnaan ng biyahe, biglang may pumasok na call sa aking cell phone at ito ay mula sa isang parishioner na hindi ko pa gaanong kakilala noon dahil bagong assigned lang ako sa parokya nila. Nakikiusap ang babae na kung maaari ay puntahan ko ang kanyang bayaw na may malubhang karamdaman at tila nalalapit na ang huling hininga. Maaari daw bang kumpisalin ang maysakit dahil tila matagal na itong hindi nagkukumpisal.
Nakiusap ako sa babae na kung maaari ay tumawag sa parish office at doon mag-request ng pari dahil ipinaliwanag kong paalis kami ng bansa at kapos na nga sa oras patungong airport. Nakiusap uli ang babae na kung maaari ay ako na daw ang pumunta dahil ito ang hiling ng pamilya at hindi ibang pari. Magkahalong kulit at lambing ang ginawa siguro ng babaeng ito na napilitan akong sabihin sa drayber na magbalik sa parokya agad-agad at hanapin ang bahay ng maysakit. Alalang-alala talaga ako noon sa takdang oras ng flight namin.
Nang makarating ako sa bahay ng maysakit, naroon ang kanyang buong pamilya – mga kapatid, bayaw at hipag, mga anak at pamangkin – kumpleto. Pagsalubong pa lamang ay may nagsabing hirap silang kumbinsihin ang maysakit na makipag-usap sa pari dahil matagal na itong hindi nagsisimba at hindi nagpapakita ng anumang tanda ng pananampalataya. Lalong akong ninerbyos dahil tila magtatagal ako sa bahay na ito at paano na ang flight naming?
Sa wakas, sinamahan ako sa kuwarto ng maysakit at ipinakilala. Nang kaming dalawa na lamang ang nasa kuwarto, sinabi niya agad na ayaw niyang makipag-usap sa pari at ayaw din niyang magkumpisal. Lagot, sabi ko sa isip ko. Kung kukumbinsihin ko pa siya, baka lalong tumagal at hindi na ako makalabas ng bansa dahil nagmamatigas ang loob niya. Tila mas mabuti pa yatang magpaalam na ako sa kanya dahil ayaw naman pala niya akong makita, at gayundin sa pamilya habang nagpapaliwanag na huwag nang pilitin ang tao.
Subalit nanaig ang pagnanasang makatulong, ang pagnanasang maglingkod sa isang maysakit, sa isang malapit nang pumanaw, kaya sinubukan ko pang manatili ng ilang sandali. Sa puso ko, katakut-takot ang dasal sa Espiritu Santo na hipuin ang damdamin ng tao. Nakipag-usap ako sa kanya na may pasensya at pagmamahal, handang makinig, handang manatili sa tabi niya kung anuman ang nais niyang sabihin o mangyari. Hindi ko maipaliwanag na biglang nabuksan ang kanyang puso sa biyaya at masaya siyang nagkumpisal.
Nang lumabas ako sa silid, naghihintay ang buong pamilya na puno ng kaba kung ano ba ang nangyari, kung ano ang naganap, kung bakit tila napasarap ang usapan naming ng maysakit na ayaw makakita at makipag-usap sa pari. Sinabi ko sa kanila na buong-pusong pumayag magkumpisal ang kanilang minamahal, at sa katunayan, ang kumpisal na iyon ang isa sa pinakamagandang karanasan ko ng paggagawad ng sakramento ng pagpapatawad at pakikipagkasundo. Nagulat silang lahat at napuno ng galak. Ako naman, napuno ng alarm ana talagang kulang na ang oras namin patungong airport. Subalit tila ginabayan kami ng Diyos na walang anumang sagabal o pagkagambala sa daan. Tamang-tama lang sa oras na naabutan naming ang eroplano bago magsara ito ng pintuan sa mga pasahero. Nakaalis din kami sa wakas.
Pagbalik namin galing sa Cambodia, nabalitaan kong pumanaw na ang lalaki matapos akong umalis. Pumanaw siyang taglay hindi ang mga basura ng kanyang nakaraan, ang mga bulok na karanasan, ang mga mapanglaw na ala-ala ng buhay kundi ang biyaya ng Diyos ng kapayapaan, kagalakan, at katiwasayan. Ganito ang sakramento ng Kumpisal. Kung sa panahon natin may pag-asa ang itinatapong basura na ma-recycle at magamit pa sa mabuting paraan, ang Kumpisal ay ang recycling ng basura ng ating buhay, ng ating kaluluwa, ng ating espiritu, upang muling magamit ng Diyos bilang sisidlan ng biyaya, bilang Templo ng Ama, Anak at Espiritu Santo.
Kaya hindi dapat katakutan, iwasan o ipagpaliban ang Kumpisal. Hindi lumalayo ang Diyos sa makasalanan. Higit pa nga siyang malapit sa ating mga makasalanan. Tayo ang nagmamatigas kadalasan, tayo ang lumalayo sa bukal ng grasya. Tayo ang ayaw magpakawala sa mga basurang naipon sa ating pagkatao. Subalit ayaw ng Diyos na mabulok ang tao na parang basura. May paraan para maging bago, mabango, at kapaki-pakinabang muli. At ito ay ang napakagandang sakramento ng awa at pagmamahal ng Diyos sa Kumpisal. Halina, lumapit na, magtiwala na, at isuko na ang mga kasalanan sa Panginoong Hesus na naghihintay sa atin.
8/20/24
photo: https://cmri.org/articles-on-the-traditional-catholic-faith/how-to-prepare-your-home-for-a-sick-call/
