May mga pagkakataon bang nasabi mo sa sarili mo: Wala na akong pag-asa! Huli na ang lahat! Hindi na ako makakahabol! Wala nang magagawa pa! Hopeless situation na!
Subalit ang ganitong pakiramdam ay hindi tunay na pagkawala ng pag-asa. Natural sa mga tao ang manlumo (ma-depress sabi natin ngayon), dahil sa panghihinayang at pagkukulang. At sa mga panahong ganito ang damdamin natin, mas matingkad ang katotohanan na darating muli ang pag-asa at papalitan nito ang mga huwad na nagpapanggap na pag-asa – ang “sana” at ang “ok lahat.”
Ang “sana” (o mas palasak ngayon, “sanaol” ay katumbas ng tinatawag sa Ingles na “wishful thinking.” Ito iyong hinagap na makakamtan mo lahat ng hangarin mo; wala itong kinalaman sa pag-asa. “”Sana” tumama ako sa lotto; “sana” gumanda ang buhay ko ngayon.” Wala itong batayan sa katotohanan dahil ito ay isang guni-guni lamang. Mapalad ka kung maganap ang “sana” sa buhay mo.
Ang “ok lahat” ay katumbas naman ng tinatawag na “optimism”; ito iyong natural na disposisyon ng mga tao na laging nakatingin sa positibo at hindi sa negatibong bahagi ng buhay. May mga taong tila laging masaya, walang problema, “cool” lang. Pero wala din itong kinalaman sa pag-asa dahil isa lang itong nakagawian o nakasanayang pananaw sa buhay. Ang batayan nito ay ang natural na timpla o “mood” ng isang tao. Wala din itong sapat na dahilan.
Hindi maaaring batayan ng pag-asa ang balita sa tv o radio na laging nagbabago at hindi maaasahan sa susunod na araw o ang kilos ng ekonomiya na laging nagpapalit ng presyo ng mga bilihin o ng gasoline, at lalo na ang gobyerno na walang katiyakan at direksyon.
Kung gayon ano ang tunay na batayan ng pag-asa?
Una, ang pag-asa ay batay sa pangako ng Diyos at sa kapangyarihan ng Diyos. Nangako ang Ama at tinupad ito ng Anak na si Hesus at patuloy na pinatutunayan ng Espiritu Santo.
Ikalawa, ang pag-asa ay dumadaloy sa saganang-sagana at walang pagkasaid na katangian ng Diyos; tila siya ay isang balon na hindi nauubusan ng tubig. Hindi malirip ng isip ang patuloy na paglikha at pagka-malikhain.
Walang katapusan, walang patid, walang sawa ang awa at pasensya ng Diyos; higit pa sa ating kayang isipin. Sa kanya, hindi na nauubos ang bagong pagkakataon. Hindi pa huli ang lahat. Walang “hopeless” sa Panginoong Hesukristo! Basta lumapit lamang tayo at humingi nito sa kanya! Winner!
8/3/2025
(in honor of Sis Eli Cruz, on her birthday, and of Sis Nene Villar, on her birthday in heaven)
photo: https://www.abc.net.au/religion/victoria-mcgeer-the-art-of-hope-george-eliot/13778666