Kapag sinabing ministry o paglilingkod sa simbahan, ang unang pumapasok sa isip ng ordinaryong tao ay pari, madre, misyonero, manong at manang. Kalimitan ding nakadikit sa pananaw ng paglilingkod ang pagkakaroon ng kapangyarihang maglingkod. Makapangyarihan si Father sa simbahan; may impluwensya din si Sister at si Brother na lider ng mga grupo sa simbahan.
Mas magandang isipin ang ministry o paglilingkod na hindi kaugnay ng kapangyarihan kahit na mahalaga ito at kinakailangan. Ang bawat paglilingkod, maging ang pinakamaliit na gawain ng volunteer sa parokya hanggang sa posisyong kura paroko, ay umuusbong sa buhay ng pamayanan ng Diyos at nananatili ito upang maglingkod sa paglago ng misyon ng Diyos na isinusulong ng simbahan.
Sa isang simbahang synodal o talagang sama-samang naglalakbay, ang lay ministry o paglilingkod ng mga layko ay napakahalaga. Hindi lamang ang mga na-ordenahang mga pari o obispo ang tagapaglingkod; maging mga binyagang Katoliko ay nais at kayang maglingkod. Sa Pilipinas, kahit papaano, hindi nauubusan ng mga layko na buo ang loob sa paglilingkod; minsan nga ang mga ito ay mas masipag pa, mas malikhain pa, mas may kusa pa sa kanilang mga pari. Hindi iilang pagkakataon lamang na nagkaroon ng clash ang pari at mga lay workers dahil ayaw ng pari na masapawan siya ng kanyang mga layko. May magagandang plano at mungkahi ang mga layko at hindi pinapayagan ng pari dahil baka mapagod siya. Minsan nakakapagod sabayan ang energy ng mga laykong Katolikong Pilipino.
Ang laykong lingkod ng simbahan ay hindi alalay, hindi suporta, hindi P.A. ng pari lamang. Ang mga ito ay tunay na pinuspos ng Espiritu Santo ng diwa ng paglilingkod. Ang kanilang mithing maglingkod ay galing sa biyaya ng kanilang Binyag bilang mga anak ng Diyos. Kailangan silang pahalagahan, pakinggan, hikayatin na lumago.
Sa diwa ng synodality, ang paglilingkod ng mga layko ay naghahanap mula sa pari ng kaukulang paghubog (sa Bibliya, sa liturhiya, sa misyon atbp); dapat din itong kilalanin sa paraang may basbas ng simbahan at may pagsusugo sa harap ng pamayanan; may mga paglilingkod ng layko na dapat ding suportahan ng karampatang materyal at pinansyal na suporta lalo’t propesyunal o full-time ang inaasahang pagtatalaga nila ng panahon at kakayahan. Kailangan din ng mga laykong lingkod na magbayad ng pamasahe, na kumain, na bumili ng gamit, at magtustos sa kanilang pamilya, at karamihan sa kanila ay mahirap at simple ang buhay. Baka naman…
ourpinoytheologian 11/14/23
photo: https://www.rvasia.org/feature-story/catechist-witness-hope-love-christ