Dahil sa synodality, dapat maging matingkad ang ugnayan ng pagpapalitan at pagbabahaginan sa pagitan ng obispo at ng bayan ng Diyos. Mahalagang kilalanin ang tinatawag na “sensus fidei” (kamalayan ng pananampalataya) ng mga binyagan, ng mga karaniwang mananampalataya.
Ano ba ang “sensus fidei?” Ito ay ang espirituwal na kakayanan ng isang binyagang Kristiyano na maramdaman at makilatis ang isang aral bilang matapat o kaya ay taliwas sa Mabuting Balita ng ating Panginoong Hesukristo. Hindi ito bunga ng pangangatuwiran kundi bugso at natural na udyok na karunungang kaloob ng Espiritu Santo sa mga anak ng Diyos. Dahil sa sensus fidei, dapat lamang ang pagpapalitang-kuro ng mga pinuno ng simbahan at ng mga ordinaryong kasapi upang makarating sa makabuluhan at mabungang pagtugon sa kalooban ng Diyos.
Hindi lamang ang mga obispo ang nakakaalam ng kalooban ng Diyos at ng turo ng Diyos sa simbahan. Hindi tagatanggap lamang ng aral ang mga tao sa simbahan mula sa mga obispo. Dahil hindi kinilala ang sensus fidei ng mga layko, nagkaroon ng hidwaan sa pang-unawa sa mga turo ng simbahan at sa pagsasabuhay nito ng mga kasapi ng simbahan. Ang mga layko, bilang mga biniyayaan ng sensus fidei ay malaki ang kayang iambag sa buhay ng simbahan, at hindi lamang ukol sa pananalapi o suporta. Kaya mahalagang kilalanin at pakinggan ng mga obispo ang sensus fidei, ang kamalayan sa pananampalataya, ng kanyang mga kapatid na layko.
Bahagi ng pagkilalang ito ay ang pagtatatag ng mga council (diocesan o parish) sa antas ng diyosesis at bawat parokya upang makibahagi, makiisa at mag-ambag ng mahalagang kontribusyon ang mga layko sa pagpapalakad, pagpapanatili at pagpapayabong ng buhay Kristiyano. Dapat ding saliksikin kung ano pang mga kinakailangang istruktura ng simbahan ang maaaring buuin na kasama ang mga layko upang lalong matugunan ang mga pangangailan ng mga mananampalataya. Sa lahat ng ito, mahalagang maging malinaw sa mga tao ang natatanging kalagayan ng paglilingkod ng obispo, ang saklaw ng kanyang awtoridad at impluwensya.
Ayon kay Richard Gaillardetz, ang hinihingi ng synodality sa hanay ng mga obispo ay mga pagbabago din o reporma na ayon sa nakaugalian ng sinaunang simbahan. Tatlo ang isinasaloob niyang sangkap nito. Tulad sa sinaunang simbahan, dapat na ang bawat obispo ay ihalal o piliin ng mga tao; dapat daw na may aktibong gampanin ang mga tao sa pagpili ng kanilang obispo; tila malayo ito sa ating karanasan. Dapat din daw ipagbawal ang paghirang ng obispo na walang tahasang kaugnayan sa isang simbahang local o diyosesis. Ang mga titular bishop na walang pinapastulang kawan ng Diyos ay nagiging kasangkapan ng ideya ng promotion o pag-angat sa career ng isang pari; maaaring maging bahagi ito ng problema ng klerikalismo lalo na sa mga paring nag-aambisyong maging obispo. Panghuli, ang simbahan may diwa ng synodality ay hindi dapat nagtataguyod ng paglipat ng isang obispo sa ibang diyosesis o local church, dahil hindi ito nakakatulong sa pagpapatibay ng ugnayan niya sa kanyang pamayanan. Bagamat nagaganap din ito sa sinaunang simbahan, pero pambihira at madalang itong gawin. Paano magkakaroon ng matatag na simbahan kung ang obispo ay sandali lamang maglilingkod o masama pa, maghahangad na malipat sa mas malaki, mas mayaman, at mas prominenteng diyosesis?
Ourpinoytheologian 11/27/23
Photo: https://www.detroitcatholic.com/news/what-is-the-difference-between-an-archbishop-and-an-auxiliary-bishop-3