Dahil sa tawag ng synodality, kailangan ang masusing pagkamalikhain ng pag-iisip tungkol sa mga paring-lingkod. Hindi lamang "bilang" ng pari ang mahalagang mapanatili at maparami, kundi dapat ding hangarin na ang mga kandidato sa pagkapari ay may tunay na kakayahang kumilatis, magpalakas, maghubog at magsaayos ng mga kaloob ng Diyos sa kanyang bayan, sa lahat ng binyagan, ayon sa aral ng Vatican II (Lumen Gentium 12, Apostolicam Actuositatem 12, Presbyterorum Ordinis 9).
Sa simbahan na may diwa ng synodality, na magkakasamang naglalakbay, tila hindi akma ang paghubog sa mga seminarista bilang mga nakabukod at napakalayo sa karaniwang buhay ng mga taong paglilingkuran nila. Dapat patuloy ding tuklasin ang mga malikhain at bagong paraan ng pagpapari na makatutulong lunasan ang patuloy na pagkaubos ng mga pari sa ibang bahagi ng mundo. Mahalaga at may saysay ang hindi pag-aasawa ng pari, subalit hindi dapat ituring ito na halos napakataas na kalagayan ng isang tao at para bang isa nang doktrina ng simbahan, dahil ito ay nananatiling isang disiplina sa Latin rite ng simbahang Katolika.
Kinakailangan ang mga paring dalisay ang hangarin sa paglilingkod, sa pagpapayaman ng pananampalataya at hindi ng sariling bulsa, sa pag-aangat sa kapwang naghihirap at naghahanap sa Diyos at hindi sa sariling kapanatagan, kapahingahan at paglilibang sa buhay, sa paglublob sa situwasyon ng mga tao at hindi sa pagkukulong sa kampante at ligtas na gusali ng kanilang mga kumbento, sa pakikinig sa mga tao at hindi pagpapanggap na sila lamang ang nakaaalam ng mabuti para sa simbahan at bayan. Kailangan ng mga pari na ang puso ay tunay na kaugnay at katulad ng Puso ni Kristo Hesus!
ourpinoytheologian 11/27/23
photo: https://exodus90.com/blog/10-gifts-for-your-priest/