Ayon kay Pope Francis, ang lunas sa sakit na “klerikalismo” sa simbahan ay ang sinodalidad (synodality = sama-samang paglalakbay ng simbahan). Ang hamon ng sinodalidad ay ang sama-samang pagsisikap na magbago tungo sa pagkawasak ng ating hilig na laging magmukhang tama at mukhang banal para sa gayon ay magkaroon naman ng kababaang-loob na pakikinig sa bawat isa sa simbahan, at higit sa lahat, pakikinig sa sinasabi ng Espiritu sa atin.
Malaking problema sa simbahan
ngayon ang maling paggamit ng kapangyarihan at ang pamumuno ng iilang piling
tao, subalit malaking problema din ang hindi pagkakasundo-sundo sa loob ng
isang simbahan na higit isang bilyong katao ang kasapi. Dapat nating
mapahalagahan ang pagiging katoliko (universal) natin; iyong tayo ay binubuo ng
iba’t-ibang kultura, lahi at kasaysayan dahil tayo ay isang simbahang pang
buong mundo (global church). Kailangang pakinggan ang situwasyong magkakaiba, ang mungkahi ng bawat isa, at ang inaasam ng mga tao mula sa magkakalayong dako ng mundo.
Ang sinodalidad ay bagong sinusubukan ulit ngayon subalit kung tutuusin, ito ay sinaunang paraan ng pagiging simbahan at kaya heto at tila tayo nadadapa at nangangapa sa pagbuo ng mga kinakailangang suporta para dito. Ang reporma ng simbahan bilang isang institusyon ay magaganap subalit sa pamamagitan lamang ng sinodalidad, ayon sa Santo Papa.
Sa ngayon, wala pang kongkretong pagbabagong maipapakita bunga ng sinodalidad laban sa klerikalismo. Tanging mga binhi pa lamang ang unti-unting inihahasik na sana ay magbunga ng mahusay na pagbabago ng institusyon ng simbahan. Konting sikap pa mula sa mga lider ng simbahan at sa mga layko upang maisulong ang tunay na sama-samang paglalakbay at magalang na pakikinig sa bawat sa isa sa lahat ng antas ng simbahan, maging parokya man o diocese o pambansang pagtitipon o pagkilos.
Ourpinoytheologian 11/13/23
photo: https://www.collegeofpreachers.co.uk/articles/2022/1-july/features/walking-together-on-the-road-synodality-ecumenism-and-the-preacher/