May ilang anomalya sa paghirang ng mga obispong Katoliko ngayon ayon sa mga eksperto.
Alam ba ninyo na may mga obispo (residential bishop) sa simbahang Katolika na bishop o pinuno ng isang lugar na kilala natin tulad ng Basilan, Iba, Cebu, New York (mga aktuwal na lugar ngayon) at may mga bishop (titular bishop) na nakatalagang pinuno sa mga kakaibang lugar tulad ng Obba, Lamus, Uzita (mga dating lugar na burado na sa modernong mapa)? Itong mga huli ay tinatawag na titular bishops o obispo ng mga dating mga dioceses na hindi na ngayon matatagpuan o kaya ay na-dissolve na dahil sa iba’t-ibang kadahilanan.
Isang malaking palaisipan ito sa marami. Ayon sa theologian na si John Fuellenbach, SVD, nagpapakita daw ito na bawat obispo ay kaugnay ng isang local church, ng isang diocese, kahit pa ang diocese na ito ay isa na lamang ala-ala; kahit papaano daw, kaugnay ng obispo ang diocese na iyon sa espirituwal na paraan. Ayon naman kay Richard Gaillardetz, na isang lay theologian, hindi magandang idikit ang isang obispo sa isang imaginary diocese dahil wala naman talagang mga Katoliko doon. Dapat lahat ng obispo ay tunay na pinuno ng isang buhay at aktuwal na pamayanang Kristiyano ngayon. Sa Simbahang Orthodox, sinisikap na bawat obispo ngayon ay tunay na lingkod ng isang buhay na pamayanan, subalit hindi din maiwasang magkaroon sila ng titular bishops.
Kalimitan ding ang isang bishop ay naitatalaga sa isang lugar kahit na walang masyadong pagsangguni at mungkahi mula sa mga taong nasasakupan ng lugar na iyon. May tinatawag na sub secreto consultation, na napaka-kaunti lamang sa mga binyagan ang pinadadalhan ng interview form para sa pagpili ng isang bagong obispo. Kaya nangyayari na may mga diocese na tumatangging tanggapin ang obispong ipinadadala sa kanila, bagamat hindi pa yata nangyayari iyan sa ating bansa. Kahit labag sa loob at kahit nagulat sa pasya ng nakatataas, tinatanggap at tinitiis na lamang ng mga parokyano at mga pari ang bagong dating na lider nila.
At bagamat sa kaugalian ng sinaunang simbahan, ang bawat obispo ay dapat maglingkod sa iisang diocese lamang hanggang kamatayan, madalas na din mangyari na inililipat ng diocese ang isang obispo, kalimitan bilang tanda ng promotion sa mas mataas na posisyon. Ang singsing ng obispo ay tanda ng kanyang “kasal” sa kanyang diocese subalit nababago ang kanyang commitment sa lugar na ito kung siya ay ililipat ng bagong assignment.
Mapapansin din ng lahat na kakaiba ang pagtawag sa isang pari kapag naging obispo na ito. Mula sa halimbawa, Father Agapito Dacuycuy, biglang nagiging “Ang Lubhang Kagalang-galang Obispo Dacuycuy,” at kapag naging Kardinal, nagiging “Ang Kanyang Kabunyian Kardinal Dacuycuy.” Sa Ingles, mas maraming variation, His Excellency, His Grace, His Eminence. Bagamat ang mga obispo ay itinuturing na kahalili ng mga Apostoles, ang isang nahihirang na Kardinal ay itinuturing ding isang “prinsipe” ng simbahan; isang kakaibang konsepto na malayo sa karanasang pinoy dahil ang prinsipeng kilala natin ay si Prinsipe Abante mula sa kuwentong Ibong Adarna. Isang obispong pinoy ang laging nagbibiro dati na ang taguri daw sa mga obispo dapat ay Kanyang Kamahalan, dahil nagmamahal ang stipend ng isang nagiging obispo at hindi na tulad noong pari pa lamang siya.
Hindi maikakaila sa hanay ng mga pari at maging ng mga layko na mapansin ang istilo ng pamumuno ng kanilang obispo. Maging si Pope Francis ang nangunang tumawag ng “airport bishops” sa mga obispong mas madalas nasa labas ng diocese nila, kalimitang nasa abroad kaysa sa kanilang assignment. Isang professor sa UST ang hindi nangiming magsabi na may mga obispong nagpapalakad ng diocese sa pamamagitan ng text dahil laging nasa malayo. May mga obispong laging naghihintay ng promotion sa mas malaking diocese at nagpaparamdam sa papal nuncio lagi. May mga obispo na sikretong nag-aaral na ng ibang dialect bilang paghahanda na baka ilipat siya sa ibang rehiyon sa bansa. Bukod pa dito ang mga ugaling nakikita ng mga tao sa kanilang obispo – may mahilig sa regalo, may gusto laging pinupuri, may gustong kumpleto ang banda ng musiko at lider ng gobyerno kapag dumadalaw sa isang parokya, mayroon ding laging nasa ibang city para magmisa sa patay, kasal, birthday o kaya magbinyag at magkumpil ng mga kaibigan at donors.
Hindi naman dapat kalimutang maraming obispo na tunay na malapit sa mga tao lalo na sa mga dukha at dumadalaw sa mga malalayong nayon ng mga pinaglilingkuran niya. Mayroong may iniiwang legacy para sa mahihirap tulad ng Pondo ng Pinoy. May mga walang takot na nagsasalita sa mga kasalukuyang isyu ng lipunan. Mayroon ding may puso para sa mga pari, relihyoso, at mga lingkod layko. May mga obispong nabubuhay at namamatay na payak at walang naiiwang malalaking bank accounts.
May mga paring nasisilaw sa pangarap na maging obispo balang araw o kung hindi man ay maging Monsenyor man lamang. Para magawa ito, kinakailangang magpapansin at magpalakas sa nakatataas sa pamamagitan ng mga regalo, pagsisipsip, pagpapabibo at pagtapak sa kapwa na itinuturing na maaaring karibal o hadlang sa kanyang pangarap.
Sa isang simbahang synodal na isinusulong ng Santo Papa, nawa ay mabawasan at tuluyang mawala ang clericalism sa hanay ng mga pari at obispo man; manatili na lamang sana ang diwa ni Kristong Anak at Lingkod ng Ama. Ipagdasal natin ito.
ourpinoytheologian 11/11/23
photo: https://www.lastampa.it/vatican-insider/en/2021/10/07/news/without-the-laity-the-church-is-foolish-1.40785684/