Napatutunayan na ang masamang epekto ng “klerikalismo” sa simbahan, na sa hanay ng mga obispo at pari, ay nadarama bilang isang paniniwala ng ilan sa mga ito na sila ay mas angat at mas mataas sa mga layko na kanilang pinamamahalaan, na lagi silang dapat sundin at pakinggan, at dapat pagtuunan ng pribilehiyo ng kapangyarihan at natatanging pagkilala o pagtrato.
Subalit ang
mga layko din ay hindi ligtas sa tukso ng klerikalismo. Dahil sa nakikita nilang
kapangyarihan o impluwensya ng mga pari sa simbahan, ilan sa mga layko ay
nasisilaw din na magkaroon ng ganitong kapangyarihan. Mula pa sa mga sulat at
aral ni Pope St. John Paul II, makikita na na may mga laykong nais akuin ang
mga role na para lamang sa mga pari. May mga layko na siyang nais magpalakad ng
simbahan, manguna sa gawaing pastoral na dapat ay pagkukusa ng pari, at minsan
ay nais ding akuin ang gampaning liturhikal ng pari tulad ng pangangaral at
pangunguna sa pampamayanang pagsamba. Kung tutuusin, may mga gawaing liturhikal at pastoral na talaga namang bukas na para sa mga layko tulad ng ginagampanan ng mga liturgical ministers at mga pastoral councils.
Makikita sa mga parokya ang mga layko na daig pa ang pari kung umasta; mayroong sadyang mistulang pari kung manamit; malaki pa ang kwintas na krus kaysa sa obispo! May mga laykong natutuwang tawagin na monsenyor o mother superior o bishop kahit minsan ay biruan lamang naman.
Mayroong ding ang akala sa kanilang sarili ay ispesyal na katuwang ng pari. Minsan may bagong ordain na pari na naging assistant sa isang simbahan. Nang magbibigay na ng Komunyon, ang bagong pari ay tumabi sa kanyang matandang parish priest sa harapan ng altar upang magbigay ng Komunyon. Biglang lumapit ang isang matandang lay minister at pinaalis ang batang pari sa puwesto dahil naka-reserve daw iyon sa kanya bilang most senior lay minister! May mga layko na expert sa pagkontrol sa kanilang pari na sila na ang nasusunod sa parokya at mas ma-impluwensya pa sa pari ang boses sa bawat miting.
Ang bokasyon ng mga layko ay hindi maging "tulad" ng pari, o "umastang" pari o "gayahin" ang pari. Kapag ganito ang pag-iisip, lalong nalulubog ang simbahan sa klerikalismo dahil parang sinasabi na mas mahalaga nga at mas mataas nga ang misyon ng pari kaysa mga layko sa simbahan at dapat asamin ng mga layko ang kalagayan ng pari upang maging mahalaga din sila.
Ang bokasyon ng layko at ng pari ay pantay sa mata ng Diyos sa halaga at dangal; magkaiba ang larangan – ang pari ay sa buhay sakramental at pamamahala sa simbahan at ang layko ay sa pagpapabanal ng lipunan at tahanan – subalit pantay, magkaugnay at hindi taliwas sa isa’t-isa; sabi nga ay “complementary” o magkatuwang.
Sa napabalitang pag-aaral kung maaari nang tanggapin ang mga married deacons sa Pilipinas, marami nang mga kalalakihan ang nagsabing nais nilang mag-apply sa sandaling payagan na ito. Sana ang dahilan ay hindi lamang dahil dati silang frustrated na magpari, o dahil nais nilang tingalain sila ng mga tao, o kaya ay isipin nilang ito ang magiging susi ng higit na kabanalan at kaligtasan para sa kanila. Ang isang lalaking may asawa, ang isang tatay na ng mga anak niya, ay may napakagandang bokasyon na at pagkakataon sa paglilingkod at pagpapakabanal. Kung naisin man niyang maging married deacon, mag-usbong sana ito sa masusing panalangin at tunay na pakikinig sa isang tunay na pagtawag ng Panginoong Hesukristo sa isang uri ng paglilingkod.
Lahat ng Kristiyano ay pari sa bisa ng binyag nang ating tanggapin ang kaloob ng Panginoong Hesukristo na pagiging pari, propeta at haring lingkod. Ang pagkapari ng kaparian (na bunga ng ordinasyon) ay tanda ng paglilingkod ni Kristo sa gitna ng bayan ng Diyos. Ang pagkapari ng mga layko (na bunga ng binyag) ay tanda ng pagpapabanal ng buhay at paghahasik ng Mabuting Balita sa tahanan, pamayanan, trabaho, negosyo, gobyerno at sa iba pang dako ng buhay sa mundo na sila lamang ang makapapasok at makakapagsabuhay. Hindi na kailangang hangarin pa ng isang layko na magmukhang pari, magkilos pari, at mang-agaw ng gawain ng pari upang maging kasangkapan ng Panginoon sa kabanalan sa mundong ito.
Babala ni Pope Francis: Madalas tayong matuksong isipin na ang mga masigasig na layko lamang ay iyong mga masisipag sa gawain sa simbahan, sa parokya o sa diyosesis, at bahagya lang nating mapagnilayan kung paano gabayan ang mga binyagang mananampalataya sa kanilang pangaraw-araw na buhay panlipunan at pangpersonal; kung paanong sa araw-araw na gawain nila, kaakibat ng kanilang mga pananagutan, dapat silang maging masigasig na mga Kristiyano sa mundo. Tuloy, hindi natin napapansing gumagawa na tayo ng mga piling-piling grupo ng mga layko (elite group), na ang pinagkakaabalahan ay ang gawain na dapat sa pari, at nakakalimutan nating ang mga layko ay iyong mga taong dapat maglagablab ang pag-asa sa pakikipagbuno sa araw-araw nilang buhay na taglay ang pananampalataya. (sariling salin at interpretasyon ng liham ni Pope Francis kay Cardinal Ouellet (https://journals.sagepub.
com/doi/10.1177/0021140019889208#body-reffn1-002114001
9889208).
ourpinoytheologian 11/11/23
photo: https://rcradcliffe.com/info/liturgical-ministries/