Skip to main content

PERMANENT DEACON: MATATANGGAP BA NG SIMBAHAN SA PILIPINAS?

 



 

Maraming natuwa nang mabalitang pinayagan na ng simbahan na magkaroon ng permanent deacons ang mga Katoliko sa Pilipinas. Mula pa noong Second Vatican Council, maraming bansa ang nagtatag ng ministry o paglilingkod ng permanenting diyakono, karamihan sa kanila ay may asawa at pamilya, bilang karagdagang suporta sa paglilingkod sa bayang ng Diyos.

 

Ang “permanent deacon” ay tumatanggap ng ordinasyon, hindi tungo sa pagpapari, kundi tungo sa paglilingkod sa pamayanan. Siya ay larawan ni Kristong Lingkod ng lahat, na ang diwa ay masasalamin sa paghuhugas niya ng paa ng kanyang mga apostol noong Huling Hapunan. Ang “transitional deacon” naman ay tumatanggap ng ordinasyon, bilang hakbang tungo sa susunod na antas ng orden, ang pagpapari. Lahat ng magiging pari ay dumadaan sa pagiging diyakono upang lalo nilang maalala na anuman ang marating nila sa mga darating na hakbang at yugto ng kanilang buhay, sila ay unang-una, mga lingkod at hindi panginoon, mga lingkod at hindi manager, mga lingkod at hindi hari, hukom, o berdugo ng kanilang mga kapatid sa pananampalataya.

 

Sa diwa ng isinusulong na pananaw na “synodality” sa simbahan ngayon, ang sama-samang paglalakbay ng lahat ng mga anak ng Diyos, ano ang maaaring maging role o gampanin, task o gawain ng isang permanent deacon. Napakaganda ng mga mungkahi ni Fr. Amado Picardal sa napipintong pagbubukas ng pintuan sa mga permanent deacons sa ating bansa. Para sa kanya, dapat maiugnay sa misyon ng permanent deacon ang tatlong kaloob na puso ng misyon ng ating Panginoong Hesukristo: ang pagiging pari, propeta, at lingkod (ang tatlong ito ay katangian ng lahat ng tumatanggap ng ordinasyon – pari, obispo at diyakono).

 

Ang diyakono ay may tungkuling maka-pari sa kanyang gampanin sa altar at mga sakramento: pagbasa at pagpapaliwanag ng Mabuting Balita sa liturhiya, pagbibinyag, pagkakasal, pagbabasbas, pagdalaw at pagdadala ng Viatico sa maysakit at papanaw, paglilibing, at pangunguna sa pagsamba ng mga pamayanan kung walang pari lalo na sa malalayong lugar.

 

Ang diyakono ay umaako din ng atas propetiko sa simbahan sa kanyang pakikilahok sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita, sa katekesis, paghubog, at pagsaksi kay Kristo sa pamayanan, pamilya at lugar ng kanyang trabaho. Bahagi din nito ay ang kanyang pagiging boses para sa mga mahihina at mga mahihirap sa lipunan, ang pagpasok sa mga laylayan ng lipunan kung saan matatagpuan ang mga pinagkakaitan ng katarungan at malasakit.

 

Huli sa lahat, ang diyakono ay haring-lingkod; maaari siyang bahaginan ng atas na pamamahala sa simbahan, sa mga pamayanan at sangay ng simbahan lalo na para sa kawanggawa at pagtulong sa mga mahihirap, sa pangunguna sa mga basic ecclesial communities. Maaari din siyang bigyan ng special ministry na may kinalaman sa kanyang expertise, pinag-aralan, o linya ng hanapbuhay. Dahil may asawa at anak, malaking tulong ang permanent deacon sa ministry sa pamilya at sa mga kabataan at mga propesyunal.

 

Nawa ang pagkakaroon ng mga permanent deacons, tulad sa ibang bansa, ay magpatingkad ng kagandahan ng paglilingkod ng simbahan. Huwag naman sanang maging dahilan lamang ito na ibato sa kanya ang mga gawaing liturhikal na ayaw gawin ng pari. Huwag naman sana maging excuse ito para magkaroon ang pari ng mas maraming oras para sa karadagang day-off, bakasyon, basketball, tennis at golf habang ang deacon ang masiglang gumagawa ng naiwang mga appointment. Huwag naman din sana maging sanhi ito ng pakiramdan na competition ng pari at deacon lalo na kung ang deacon ay mas intellectually at professionally accomplished kaysa kanyang parish priest.

 

Sa diwa ng synodality, salubungin sana sa ating bansa ang mga permanent deacons bilang salamin ng presensya ni Kristong pari, propeta at lingkod matapos ang masusi at mabisang paghubog sa kanila sa kabanalan at kababaang-loob. Mailayo nawa ang mga ito sa virus ng klerikalismo na magbibigay sa kanila ng maling akala sa kapangyarihan at posisyon sa simbahan.

 

ourpinoy theologian 11/14/ 23

 

 photo: https://www.cam1.org.au/permanent-diaconate


Popular posts from this blog

RECYCLABLE: ANG POWER NG KUMPISAL SA TAO

  Nagmamadali kami patungong airport noon dahil medyo nakalimot kami sa oras at malapit na ang aming flight patungong Cambodia. Todo dasal ako at ang aking kasama na sana walang trapiko sa daan at maging alerto ang aming drayber para malaman kung saan pinakamagandang dumaan. Kapos na talaga sa oras. Pero sa kalagitnaan ng biyahe, biglang may pumasok na call sa aking cell phone at ito ay mula sa isang parishioner na hindi ko pa gaanong kakilala noon dahil bagong assigned lang ako sa parokya nila. Nakikiusap ang babae na kung maaari ay puntahan ko ang kanyang bayaw na may malubhang karamdaman at tila nalalapit na ang huling hininga. Maaari daw bang kumpisalin ang maysakit dahil tila matagal na itong hindi nagkukumpisal.   Nakiusap ako sa babae na kung maaari ay tumawag sa parish office at doon mag-request ng pari dahil ipinaliwanag kong paalis kami ng bansa at kapos na nga sa oras patungong airport. Nakiusap uli ang babae na kung maaari ay ako na daw ang pumunta dahil it...

PUMAPATOL SA “FAKE PRIESTS?”

    Eksena sa isang elevator ng isang malaking funeral chapel. Pumasok ang tatlong kamag-anak ng isang yumao at natagpuan nilang may nauna na sa kanila na isang lalaki sa loob ng elevator. Ang lalaking ito ay nakasimpleng T-shirt lamang at may malaking kuwintas na krus at may dalang isang bag. Mabait na inalam ng taong ito sa mga bagong sakay sa elevator kung sino ang namatay sa kanilang pamilya. Pagkatapos, ipinahayag niya ang kanyang pakikiramay at nagparinig na kulang na kulang ang mga pari ngayon na maaaring magmisa sa mga lamayan sa patay. Pagkatapos naglabas ang lalaki ng isang calling card at sinabing kung kailangan ng tulong sa Misa, tawagan lamang ang numero dito.   Unang-una, walang matinong paring Katoliko ang tatambay sa mga funeral chapels dahil mas marami pang ibang gawain sa mga parokya o misyon nila. Ikalawa, wala lalong matinong paring Katoliko ang magpapamigay ng calling card o tarheta niya para sa pagkontak tungkol sa Misa. Gin...

MGA AKLAT SA LUMANG TAHANAN

    Madaling araw nang umalis ng probinsya ang aking inaanak at ang aking kaibigan gamit ang sasakyan na lulan ang aking sangkatutak na koleksyon ng mga aklat o libro. Karamihan sa mga librong ito ay pinag-ipunan ko at pinagsikapang bilhin sa ibang bansa lalo na sa Europa noong nag-aaral pa lamang ako doon. Kaya mahalaga sa akin at hindi ko agad mabitiwang ipamigay ang mga ito kahit ang mga iba dito ay luma na dn. Subalit kailangang ilipat na sa bago kong tirahan ang mga aklat dahil ang tahanang kinalakihan ko, ang tahanang puno ng kasaysayan ng aking Kabataan ay ipinagbili na at iba na ang nagmamay-ari nito.   Dahil wala na akong mga magulang, ang tanging kaugnayan ko na lamang sa dating bahay naming ay ang mga librong nakalagak doon. Ngayon sa wakas, masasabi kong naputol na, napatid na ang kahuli-hulihang pisi na humahatak sa akin paminsan-minsang umuwi sa tahanan ng aking mga nasirang magulang.   Ano ba ang tahanan? Karaniwang iniis...