Mas dumalas pag-usapan ang tinatawag na “clericalism” mula nang nahalal si Pope Francis, dahil sa kanyang sariling halimbawa ng simpleng pamumuhay at sa kanyang pagpuna sa mga paraan kung paanong lumalaganap ang isang nakatatakot na kaisipan at kaugalian sa hanay ng mga pari.
Ang grupo ng mga pari ay tinatawag na “kaparian,” na sa Ingles ay “clergy.” Tumutukoy ito sa isang grupo ng mga Kristiyano na may natatanging kaalaman at kasanayan sa loob ng simbahan (isipin na lamang kung gaano katagal at kahirap ang paghubog sa isang seminarista bago maging ganap na pari; halos sampung taon o higit pa). Para sa isang institusyong tulad ng simbahang Katolika, mahalaga na may ganitong grupo para sa pamamahala ng pamayanan ng Diyos. Kaya, hindi masamang magkaroong kaparian o clergy.
Subalit pangit talaga kapag namayani ang kaisipan at kaugaliang tinatawag namang “clericalism” (klerikalismo). Bagamat walang tahasang pagsasalin sa wikang Pilipino, tandaan na lamang nating ang klerikalismo ang paniniwala na ang kaparian natin ay natatangi at hiwalay sa ibang miyembro ng simbahan at sila ay dapat pagtuunan ng malaking pribilehiyo, walang pasubaling paggalang, at kapangyarihang walang limitasyon sa kanilang kaugnayan sa mga layko o binyagang Katoliko.
Sa kulturang Pinoy, kalimitang ang mga layko o binyagang Katoliko ay may malaking kontribusyon sa klerikalismo. Napakataas ng tingin ng mga tao sa mga pari na minsan tila hindi na sila itinuturing na tao. Nahuli ng isang pulis ang isang driver ng kotse na lumiko ng mali sa kalsada. Hiningi nito ang lisensya ng driver na madali namang iniabot sa kanya. Nang masusing masdan ng driver ang lisensya, may napansin siya kaya tinanong ang driver: “Pari po ba kayo?” Sumagot ang driver, “Yes, sir, pasensya na kayo at first time ko dito sa lugar na ito.” Sabi ng pulis: “Naku, ako po ang pagpasenyahan ninyo Father, at hinuli ko kayo. Pari pala kayo, akala ko po kasi tao.”
Hindi ba, ito ang gawi natin sa simbahan: Ang pari ang unang kukuha ng pagkain sa handaan. Doon siya mauupo sa presidential table kasama ng mga special guests. Sa mga miting, kapag nagsalita ang pari, tapos na ang usapan, walang nagtatanong, walang tumututol. Mabilis magbigay ang mga tao ng tulong, donasyon o regalo sa pari sa lahat ng okasyon. Kaya napakaraming naiipon ang pari na panyong may burda ng pangalan niya, punda, tuwalyang puti, undershirt na puti, at telang papantalunin o pam-barong! Walang masamang magmahal at gumalang sa pari, subalit baka minsan nagiging spoiled sila sa kabaitan ng mga tao. Kailangan din nilang maramdaman na sila ay tulad din ng iba, hindi hiwalay, hindi mas mataas o mas matalino.
Sa mga pari naman, mapanganib kapag nahirati at naniwala sila sa tukso ng klerikalismo. May mga pari na ayaw na naghihintay o na pinaghihintay; kahit huli silang dumating, dapat sila ang unahin na kausapin o asikasuhin. Maraming galing sa simple o mahirap na pamilya na pag pari na ay ayaw nang sumakay ng tricycle o jeep o bus; kung hindi bibili ng sariling sasakyan agad ay magtitiyaga na lang muna sa aircon taxi o kaya hindi papayag na hindi hatid-sundo ng parokyano niya. Mayroon ding may mataas na presyo ang bawat kilos kahit na ang puhunan sa simpleng pagbabasbas ay maikling dasal lang at konting wisik ng holy water. At sa mga parokya, the priest is always right; siya ang masusunod at bawal punahin ang kanyang desisyon o kilos. At marami pang iba…
Nakakatakot kapag ang klerikalismo ay naging isang kultura o namamayaning tradisyon sa simbahan. May mga pari na pag nanamit ay talagang dapat makilala sila bilang pari (na hindi masama lalo’t ang kasuotan ay nagpapakita ng tanda ng kanilang bokasyon tulad ng simpleng clerical polo o shirt o sutana) subalit nagiging pangit kung ang kasuotan ay sobrang naglalayo sa kanila sa mga tao tulad ng mga makalumang kapa at sombrero, o ng mga kasuotang libo-libo ang halaga dahil sa imported na lace, etc… (na pinuna mismo ng Santo Papa). Nagaganap din ang klerikalismo kapag hindi na maiugnay ng pari ang kanyang buhay sa buhay ng kanyang mga pinaglilingkuran, na tila siya pa ang dapat paglingkuran ng mga tao (Jn 13: 14-16). Naniniwala siyang siya ay puspos ng kapangyarihan na gumanap ng mga sakramento pero hindi niya naaalalang ang kapangyarihang bigay ng ordinasyon ay unang-una, ang kapangyarihang maglingkod tulad ni Kristo. Nakakalimutan niyang siya ay tinawag ng Diyos hindi dahil siya ay natatangi at kakaiba kundi alang-alang sa bayang naghahanap ng ama, kapatid, at kaibigang gagabay tungo sa Diyos. Ang akala niya ang kanyang bokasyon ay para sa kanya lamang, samantalang ang bawat bokasyon ay kaugnay sa tawag ng Diyos na maging bahagi at lingkod ng kanyang bayan (Jn 21: 15-17).
Sa simbahan, may iba’t-ibang uri ng bokasyon o paglilingkod sa Diyos at sa kapwa. Mahalaga at pantay-pantay ang lahat sa diwa ng pagiging binyagan kung saan lahat ay naging anak ng Diyos at magkakapatid sa pananampalataya. Ang bawat bokasyon, paglilingkod o gampanin ay nagtutulungan upang lalong isulong ang Kaharian ng Diyos dito sa lupa. Hindi dapat isipin na may lutang, mataas at naghaharing-uri ng mga binyagan na higit sa kanilang mga kapatid dahil akala nila sila ay kakaiba at natatangi. At sa simbahan, lalong marangal ang pagtawag ng Diyos, lalo ding higit ang paglilingkod na aasahan sa tinawag na ito.
Ipagdasal nating huwag mamayani ang klerikalismo sa isip at puso ng mga pari kundi na sila mismo ang manguna sa halimbawa ng buhay na simple, mababang-loob, malapit sa mga tao lalo na sa mga dukha, at laging laang maglingkod na hindi naghihintay ng kapalit. Ang mga ganitong uri ng pari ang tunay na tumatatak sa isip at puso ng mga tao, nagsisilbing inspirasyon, at nagiging kasangkapan ng Diyos sa kabanalan (Ebreo 13:7).
ourpinoytheologian 11/10/23
photo: https://columbans.ie/clericalism-curing-the-disease/