Skip to main content

ANG SIKRETO NG TAPANG NG MGA MADRE!

 



 

Ngayong December 2023, laman ng isang balita tungkol sa Gaza (Palestinian Authority/ State of Palestine) na may kaisa-isa at huling Pilipina na hindi sasama sa evacuation ng mga Pilipino mula doon sa gitna ng digmaan ng Israel at Hamas terrorists – at ito ay ang madreng si Sr. Elizebeth Ann, 63 anyos, ng Missionaries of Charity ni Saint Mother Teresa of Calcutta, na nagpasyang manatili sa Gaza sa kabila ng lahat. Kasama ng madre ang dalawa pang misyonera mula sa India at Rwanda.

 

Matagal na si Sr. Elizabeth Ann sa Gaza at sa kanilang kumbento, inaaruga nila ang 54 na mga taong may kapansanan. Ang congregation na Missionaries of Charity ay may dakilang misyon tungo sa “poorest of the poor” ayon sa foundress na si Saint Mother Teresa. Matatagpuan sila sa buong daigdig na tahimik na naglilingkod sa mga mahihirap lalo na yung pinaka-kawawa at nakalimutan na ng lipunan. Naniniwala ang mga madreng ito na kahit sa gitna ng anumang hirap, sakuna o digmaan, kailangan nilang manatili hangga’t maaari upang ipakita ang pagmamahal ng Diyos sa mga taong walang kumakalinga. Si Hesus ang tanging nakikita nila sa mga mukha ng mga maralitang tinutulungan nila.

 

Sa aking pakikipag-usap sa isang superior ng Missionaries of Charity, nasabi niya na hindi naman compulsory na manatili sila sa mga conflict areas subalit ito ay iniiwan sa sariling pasya ng bawat madreng misyonera. Kung gayon, ang pasya ni Sr. Elizabeth Ann ay bunsod ng kanyang commitment sa Panginoong Hesukristo na kanyang sinusundan at sinasamba nang buong puso.

 

Sa aming pag-uusap, naungkat ko sa superior na ganito din siguro ang karanasan ng mga madre nila noon na ilan sa mga pinakahuling banyaga na umalis ng Afghanistan matapos ang pagbabalik sa puwesto ng mga Taliban fighters at ang pag-alis ng mga foreign troops doon. Nagulat ako nang malaman kong isa sa mga Missionaries of Charity sa Afghanistan ay isang Pilipina din, at siya pa nga ang superior ng misyon nila sa Kabul. Mas lalo akong nagulat nang sabihin niyang nakabalik na ito sa Pilipinas at ipinatawag niya ito upang makapanayam ko sa kanyang karanasan.

 

Ang madre na dating superior ng Afghan mission ng Missionaries of Charity ay puno ng sigla, sa kabila ng mga traumatic na karanasan niya sa bansang iyon. Ikinuwento niya sa akin na sa simula, noong naroon pa ang mga American forces, malaya silang nakalalabas sa iba’t-ibang bahagi ng bansa. Kapag may isang lider ng community na lumapit upang humingi ng tulong para sa kanilang constituents, sumasama sila at nagdadala ng kailangang tulong sa mga tao. Ayon sa kanya, dahil sa kanilang kasuotan, napagkakamalan silang mga Muslim din, mga Sudanese Muslim daw ayon sa mga locals. Ang krus na nakasabit sa may kaliwang balikat nila ay pansamantalang itinatago nila sa loob ng kanilang abito upang hindi maka-offend sa mga tao na mga istriktong Muslim.

 

Ang kumbento nila sa Kabul ay tahanan din ng 14 na batang may kapansanan at wala nang mga pamilya. Sila ang tanging nag-aaruga sa mga ito. Nang mag take-over ang Taliban, na-stranded ang mga madre sa bansa. Ang unang pasya nila ay manatili upang patuloy na alagaan ang mga bata subalit ipinaliwanag sa kanila ng pari na chaplain ng Italian embassy na maaari silang gawing hostage at ipa-ransom nang malaking halaga, maliban pa sa posibilidad na bastusin ang kanilang pagkababae ng mga militanteng Muslim doon. Pumayag sila na makasama sa rescue mission subalit may isang kondisyon: kailangang mailabas nila ng bansa ang mga bata dahil tiyak na ang mga ito ay mamamatay din sa kawalan ng aruga, tahanan at pagkain kapag nawala sila. Sa tulong ni Pope Francis, ang mga madre at 14 bata mula Kabul, Afghanistan, kasama ang 2 Jesuit na pari, ay naitakas sa tulong ng Italian embassy at military. Maluwalhati silang nakalapag sa Italia.

 

Sinabi pa ng madre na tila mahirap pa ang magtanim ng pananampalataya sa Afghanistan dahil sa saradong pag-iisip ng mga tao. Bagamat hindi sila nakaranas ng persecution habang naroon sila, may mga nagpaparamdam sa kanila na hindi tanggap ang mga Kristiyano sa bansa. May alam siyang kuwento ng mga Protestant missionary doctors na pinugutan ng ulo dahil sa pangangaral ng ebanghelyo habang sila ay nagdadala ng medical aid sa mga tao.

 

Nakahalubilo ng mga madreng ito ang iba pang mga Catholic missionaries noon sa Afghanistan: mga Little Sister of Jesus (na ang iba ay tumagal ng 40 taon doon bilang nurse), mga Jesuit priests at isang mixed community ng mga Franciscans, Dominicans at iba pang mga madre na nagpatakbo naman ng isang munting paaralan.

 

Nasa DNA ng ating mga madreng misyonera ang pagiging matapang at matatag sa gitna ng mga pagsubok dahil sa iisang bukal ng katatagan – ang kanilang pagmamahal at pag-aalay ng sarili sa Panginoong Hesukristo. Maaalala din na 4 na Missionaries of Charity sa Yemen ang pinaslang noong 2016 sa Aden, Yemen sa kumbento nila kung saan nag-aaruga naman sila ng mga abandonadong senior citizens ng bansang iyon. Itinuring silang mga “martyrs of charity” dahil sa hindi nila pagkakait ng sariling buhay para sa mga mahihirap na kanilang minamahal.

 

12/18/23

photo:https://www.indiatoday.in/india/story/missionaries-of-charity-completed-71-years-charity-work-india-1893033-2021-12-27

 

Popular posts from this blog

MALI BA SI CARDINAL AMBO DAVID?

    Nagkagulo na naman ang mga Katolikong mabilis mataranta at ito ay dahil sa pahayag ni Cardinal Ambo David sa isang panayam na ibinigay niya sa isang conference. Nasabi kasi ng Cardinal ang ganito: “Huwag kayong maniniwala na ang kaligtasan ay para sa mga Katoliko lamang. Hindi ka Katoliko kung ang iniisip mo na ang maliligtas ay Katoliko lamang. Ang kaligtasan ay laan para sa lahat… sa buong sangkatauhan.”   Nag-alala ang ilan at naisip na baka daw maraming magsi-alisan sa pagiging Katoliko dahil maliligtas naman pala kahit hindi Katoliko. Baka din daw isipin ng ilang nagbabalak maging Katoliko na huwag ituloy dahil hindi naman pala ganoon kahalaga maging Katoliko. May mga nagalit, may mga nasaktan, may mga nagbintang na mali ang turo ng Cardinal tungkol dito.   Pero tingnan natin kung ganito ang sinabi ng Cardinal, magiging tama kaya ang lahat? Halimbawa ganito niya sinabi: “Maniwala kayo na tayong mga Katoliko lamang ang maliligtas...

Wala Ka nang Pag-asa?

    May mga pagkakataon bang nasabi mo sa sarili mo: Wala na akong pag-asa! Huli na ang lahat! Hindi na ako makakahabol! Wala nang magagawa pa! Hopeless situation na!   Subalit ang ganitong pakiramdam ay hindi tunay na pagkawala ng pag-asa. Natural sa mga tao ang manlumo (ma-depress sabi natin ngayon), dahil sa panghihinayang at pagkukulang. At sa mga panahong ganito ang damdamin natin, mas matingkad ang katotohanan na darating muli ang pag-asa at papalitan nito ang mga huwad na nagpapanggap na pag-asa – ang “sana” at ang “ok lahat.”   Ang “sana” (o mas palasak ngayon, “sanaol” ay katumbas ng tinatawag sa Ingles na “wishful thinking.” Ito iyong hinagap na makakamtan mo lahat ng hangarin mo; wala itong kinalaman sa pag-asa. “”Sana” tumama ako sa lotto; “sana” gumanda ang buhay ko ngayon.” Wala itong batayan sa katotohanan dahil ito ay isang guni-guni lamang. Mapalad ka kung maganap ang “sana” sa buhay mo.   Ang “ok lahat” ay katu...

MGA AKLAT SA LUMANG TAHANAN

    Madaling araw nang umalis ng probinsya ang aking inaanak at ang aking kaibigan gamit ang sasakyan na lulan ang aking sangkatutak na koleksyon ng mga aklat o libro. Karamihan sa mga librong ito ay pinag-ipunan ko at pinagsikapang bilhin sa ibang bansa lalo na sa Europa noong nag-aaral pa lamang ako doon. Kaya mahalaga sa akin at hindi ko agad mabitiwang ipamigay ang mga ito kahit ang mga iba dito ay luma na dn. Subalit kailangang ilipat na sa bago kong tirahan ang mga aklat dahil ang tahanang kinalakihan ko, ang tahanang puno ng kasaysayan ng aking Kabataan ay ipinagbili na at iba na ang nagmamay-ari nito.   Dahil wala na akong mga magulang, ang tanging kaugnayan ko na lamang sa dating bahay naming ay ang mga librong nakalagak doon. Ngayon sa wakas, masasabi kong naputol na, napatid na ang kahuli-hulihang pisi na humahatak sa akin paminsan-minsang umuwi sa tahanan ng aking mga nasirang magulang.   Ano ba ang tahanan? Karaniwang iniis...