Maraming Pilipino ang kasapi sa samahan ng mga Mason. Para sa karamihan, ang pagsali dito ay dahil sa kapatiran na dulot ng samahan sa larangan ng negosyo, ng pulitika, at ng pagsuporta sa mga kasapi sa maraming paraan. May nagsasabi halimbawa na hindi ka magkakaroon ng promotion sa military kung hindi ka isang Mason dahil ang mga nasa matataas na posisyon dito ay mga Mason. Gayundin naman daw sa ibang sangay ng gobyerno. May mga bali-balita pa na ang isang dating pangulo ng bansa na hindi nagpakita ng damdaming relihyoso ay dahil sa kanyang pagiging isang miyembro ng grupong ito. May kaibigan akong dating sacristan na napansin kong may singsing na may tanda ng Mason at sinabi niyang ito ay para daw dumami ang kontak niya sa business at maging madali ang makapasok sa iba’t-ibang opisina na kanyang hinaharap.
May mga nagsasabing wala silang makitang mali sa pagsapi sa mga Mason dahil ito naman ay tulad din ng Rotary Club o Jaycees na ang hangarin lamang ay tumulong sa mga tao sa pagpapaunlad ng kanilang buhay.
Kamakailan, pinagtibay ng simbahan ang pagbabawal sa mga Katoliko na maging kasapi sa anumang sangay ng mga Mason (Freemasonry, Masonic Lodge, etc.). Akala ng marami ay walang anumang hadlang sa pagiging Mason ng isang Katoliko subalit kung titingnan ang mga tunay na katuruan nito, malaki ang hidwaan ng mga aral Katoliko at ang mga aral ng grupo ng Mason. Bagamat ang mga ordinaryo at may mababang ranggo na mga kasapi ay hindi alam ang tunay na mga turo ng mga Mason, habang papataas ang ranggo ay doon nagiging malinaw na iba ang pananaw ng grupong ito sa katuruan ng simbahan. Ang kasaysayan ng mga Mason ay may halong anti-Katolisismo. Itinuturing ng Masonry na kaaway ang Santo Papa sa Roma. Ang mga rituwal at disiplina ng Masonry ay tulad ng isang relihyon na may sariling mga doktrina at paniniwalang taliwas sa aral Kristiyano kahit pa gumagamit sila ng mga symbolong Kristiyano tulad ng Krus o Bible. Basahin ang reference sa ibaba para sa mas malawak na pagtalakay tungkol sa mga bagay na ito.
Pero, sandali lang... Ipinagbabawal nga sa mga Katoliko na maging miyembro ng Mason (actually, pati sa mga Orthodox Christians at mga Protestants, bawal din ito) subalit ano naman ang ino-offer ng simbahan para sa mga tao upang hindi na maligaw sa organisasyon na ito? Iyan kasi ang hirap minsan sa simbahan. Bawal dito, bawal doon... pero ano ang alternatiba? Ano ang puwede sa mga tao na naghahanap ng sense of belonging, ng sense of service, ng sense of mission? Mga mandated organizations ng mga manong at manang? Hindi naman lahat ganyan ang gusto - dasal-dasal, naka-uniform, may espada at sumbrerong may balahibo ng manok, pious devotions... May creativity ba ang simbahan para i-accomodate ang mga kalalakihan, mga professionals, mga yuppies, mga philantropists, atbp. para magawa nila ang ikinasasaya sa organisasyon ng mga Mason?
Tama ang simbahan sa pagtuturo ng tamang aral ng Panginoong Hesus, pero as usual, ano ang programa na maaaring ialay sa mga tao para maganap nila ang mga pagnanasa ng kanilang puso? Kalimitan, wala... kaya paano sisisihin ang isang tao na naaakit sa Masonry kung doon niya nakikita ang hindi niya nakikita sa simbahan. Gising, mahal naming simbahan! Unawain ang situwasyon ng mga tao. Tugunan ang kanilang pangangailangan. Maging malikhain. Lumapit sa mga tao at huwag lamang maghintay na dumating sila sa pinto ng simbahan.
Bawal nga, yes! E ano naman po kaya ang puwede?
12/14/23
Basahin din:
Watch also: https://www.youtube.com/watch?v=6T4CD6XN1gg
photo: https://www.pillarcatholic.com/p/vatican-calls-for-coordinated-strategy