Sa bagong dokumentong Fiducia Supplicans, pinapayagan na ng simbahan, na may pagsang-ayon ng Santo Papa Pope Francis, ang pagbabasbas ng mga taong nasa situwasyon ng “same-sex” relationship, mga “hiwalay at nag-asawa muli,” at iba pang nasa kalagayang hindi regular sa mata ng simbahan (o ng lipunan man).
Bagamat ang unang nagbunyi ay ang mga LGBTQ na mga Katoliko, dapat malaman ng lahat kung ano ang nilalaman ng dokumento at ang kahulugan ng development na ito sa paggabay-pastoral at espirituwal sa bawat miyembro ng buong simbahan.
ANO ANG HINDI SINASABI NG DOKUMENTO?
Ang pagbabasbas na tinutukoy sa mga taong nasa kalagayan ng ugnayan na hindi regular (same-sex o hiwalay at muling nag-asawa) ay hindi katumbas ng kasal. Hindi ito dapat ituring na tulad ng tunay na Sakramento ng Pag-iisang Dibdib, na madiin pa ring nakalaan lamang sa babae at lalaki na malayang pumapasok sa banal na ugnayang panghabambuhay.
Ang pagbabasbas na ito ay hindi rin nangangahulugan na dapat pagkalooban lamang ay ang mga nasa espirituwal na kaganapan o perfection; ibig sabihin, hindi kailangang maging perfect ang buhay espirituwal at moral ng taong tatanggap nito. Sa katunayan, ang sinumang humihingi ng basbas ng Diyos ay umaamin na siya ay kulang sa kabanalan at kabutihan kaya nga hiling niya ang tulong at lakas mula sa Panginoong Hesus at sa Espiritu Santo.
Ang pagbabasbas ay hindi maaaring gawin sa loob ng Misa o ng anumang pagdiriwang liturhikal at hindi maaaring gumamit ng mga simbolo na nakalaan lamang sa pagdiriwang ng Kasal tulad ng singsing, aras, kordon, damit pangkasal at iba pa. Sa madaling sabi, walang drama, kundi simpleng panalangin lamang ng pari.
Ang pagbabasbas ay hindi tanda ng pagtanggap sa ugnayang hindi pinapayagan ng simbahan; ang binabasbasan ay ang mga taong humihingi ng biyaya at hindi ang kanilang relasyon sa isa’t-isa. Ang tumatanggap ng basbas ay ang tao at hindi ang kanilang same-sex union o irregular marital status. Tanging ang Sakramento ng Kasal lamang ang nag-iisang ugnayan ng mag-asawa na nananatiling valid sa mata ng simbahan.
ANO ANG SINASABI NG DOKUMENTO?
Ang pagbabasbas na pinapayagan na ngayon ay isang pagbubukas ng puso ng simbahan sa higit na paggabay sa mga taong nagdurusa dahil sa kanilang relasyon na naglalayo sa kanila sa mga sakramento. Ito ay positibong hakbang sa higit na pang-unawa sa lahat ng kalagayan ng tao at sa pagpapaalala sa lahat na mahal ng Diyos ang kanyang mga anak at ayaw niya silang malayo sa kanyang piling.
Ang pagbabasbas na ito ay dapat ituring tulad ng isang karaniwang debosyon ng isang tapat na Katoliko. Ang humihiling nito ay nagnanais ng tulong ng Diyos upang pagyamanin anuman ang mabuti sa kanilang buhay at ugnayan, at ng presensya ng Espiritu Santo upang hilumin at pabanalin ang kanilang buhay; ito ay isang panalangin upang sila ay lalong makasunod sa Mabuting Balita ng Panginoon kahit na hindi pa man sila perpekto sa kanilang pagsisikap ngayon.
Ang pagbabasbas ay maaaring igawad ng isang
pari o ministro ng simbahan matapos ang kanyang pakikipanayam sa humihiling at
matapos na matagpuan niyang tapat at taos-puso ang intensyon nito. Maaaring hindi
lahat ay mapagbigyan lalo na at kung ang pakay ay hindi dalisay o ayon sa aral
ng Panginoon. Nagbibigay ng pagkakataong ito sa pari upang maging tunay na pastol, ama, kaibigan at gabay ng kanyang mga pinaglilingkuran; dito mahahasa ang kanyang kakayahang kumilatis at umunawa ng situwasyong pinagdadaanan ng mga tao.
Ang pagbabasbas ng mga same-sex at irregular unions ng mga Katoliko ay isang hakbang pasulong sa pang-unawa at pakikilakbay (accompaniment) ng mga taong humihingi ng tulong at awa ng kanilang Diyos Ama sa gitna ng kanilang kahinaan at kasalanan. At hindi ba lahat naman tayo ay ganyan ang dapat na disposisyon sa paghingi ng basbas ng Diyos at simbahan?
Magandang development para sa maraming miyembro ng simbahan na naghihintay ng ganitong pagkakataon… subalit hindi kaya naman maging sanhi ito ng pagtutol at pagsalungat ng mga “banal” at “perpektong” Katoliko sa ating paligid?
12/19/23
photo: https://thecatholicspirit.com/news/nation-and-world/what-did-pope-francis-say-on-same-sex-blessings-and-what-might-happen-next/