Isang araw, nabanggit ng isang kaibigan ko na gusto daw niya magsulat tungkol sa new evangelization (yung bagong paraan ng pagpapahayag ng Good News sa mga bansang matagal nang Kristiyano). Itong new evangelization ay naging sobrang sikat na slogan at programa sa panahon ni Pope St. John Paul II at Pope Benedict XVI dahil bilang mga europeo, nakita nilang talagang nalalaos na ang pananampalataya sa kontinente nila at kailangang yugyugin at muling buhayin. Kaunti na lang ang nagsisimba doon, kaunti din ang bokasyon sa pagpapari at buhay relihyoso, at nagiging irrelevant ang simbahan sa buhay ng lipunan.
Pagdating ni Pope Francis, hindi masyadong tinutukan itong new evangelization dahil bilang taga-Latin America, iba ang karanasan niya sa pananampalataya. Iba ang situwasyon ng simbahan sa mga lugar na malayo sa Europa. Bagamat Kristiyano na ang kultura ng Latin America, marami pa ding hindi nakakarinig ng Mabuting Balita ng Panginoon o kaya ay hindi pa din lubos na malalim ang pagtanggap sa pananampalataya dahil sa maraming kadahilanan, isa na dito ang laganap na kahirapan sa lipunan.
Parang sa Pilipinas, alam nating marami ang Kristiyano dito, at nangunguna ang mga Katoliko, subalit malalim na ba talaga ang ating pananampalatayang Kristiyano Katoliko? Binyagan ang mga tao pero laganap ang korapsyon sa lipunan, ang karahasan, ang maling paniniwala (halimbawa sa mga pamahiin). Kulang ang kaalaman sa Bibliya, sa katesismo, sa turo ng simbahan lalo na sa social teachings, moralidad, spirituality, at mga sakramento. Sabi nga dati ng isang obispong teyologo, tayo ay “sacramentalized but not evangelized.”
Ang tamang proseso ng pananampalataya ay ganito: pagpapahayag ng pananampalataya – pagtanggap sa Mabuting Balita – pagtanggap ng sakramento at pagsapi sa simbahan. Baligtad sa ating karanasan, dahil binyag muna (sakramento) pagkatapos kalimitan, wala nang follow-up sa pagpapahayag at pagtanggap sa Mabuting Balita.
Kailangan muna ng bawat tao na marinig at maniwalang mahal siya ng Diyos at tinubos na sa kasalanan, na may pag-asa para sa pagbabago, na masayang maging bahagi ng pamilya ng Diyos, at na lumago sa panalangin, paglilingkod, pakikisangkot, at pagbibigay sa Diyos at sa kapwa – iyan ang mga sangkap ng first proclamation, at kulang tayo diyan!
Hindi nakapagtataka na ang daming Katoliko ang madaling tumatalikod sa pananampalataya kapag nakarinig ng aral ng ibang sekta, relihyon, o ibang pamayanang Kristiyano. Maraming kabataan ang hindi nakakaramdam ng pagka-ugat sa simbahan at walang interes dito. Maraming mga tao ang nabubuhay na hindi ayon sa mga katuruan ng Salita ng Diyos at ng simbahan.
Kaya, kung tutuusin, ang kailangan pa sa Pilipinas ay “first proclamation” o unang pagpapahayag ng Mabuting Balita at hindi pa ang new evangelization.
Isa pa, ang new evangelization ay akma sa mga bansang mauunlad na sa kaisipan, kabuhayan at teknolohiya kung saan ang simbahan ay nasa bagong situwasyon ng pakikitungo sa mabilis na takbo ng buhay ng tao. E ang dami pang lugar sa atin na walang kuryente, signal ng telepono o wifi, tulay, paaralan, ospital, at iba pang istruktura ng isang modernong bayan.
Sa larangan ng pananampalataya, kailangan pa ang mahusay na paraan ng pagpapahayag ng Salita ng Diyos, na titimo sa puso ng tao at magbibigay ng pagbabagong-loob na maging alagad at kasapi ng Katawan ni Kristo, ang simbahan. Minsan ang itinuturo sa mga Catholic schools at mga parokya ay mga advanced na kaisipang hango sa Europa o America kahit hindi lubos na nauunawaan ng mga tao dahil hindi pa nga nagaganap ang “first proclamation” sa buhay nila. Bakit nga ba nauuna pa nating talakayin ang mga encyclical letter ng Santo Papa, ang mga 10 year program ng mga obispo, ang synodality, at iba pang trending sa simbahan gayung hindi pa nga nakakatagpo ng mga tao ang Panginoong Hesukristo sa isang malalim na paraan? Di ba, ito muna ang mahalaga?
Ilang taon ang nakalilipas, dumalo ako sa isang prayer rally sa isang college campus sa programang tinawag na Christ Awareness Week. Dito, nagkaroon ako ng isang religious experience kung saan isinuko ko ang aking puso sa Panginoon. Mula noon, nahilig akong magbasa ng Bible, magsimba, dumalaw sa adoration chapel at magsikap na maging alagad ni Kristo. Taun-taon, ipinagdiriwang ko ang anibersaryo ng prayer rally na ito at ng naganap sa aking buhay dahil sa mensaheng narinig ko doon. Ito ang “first proclamation” sa aking buhay at maganda itong balik-balikan taun-taon. Ikaw, naranasan mo na ba ang “first proclamation” sa buhay mo? Paano? Naging mabunga ba ang karanasang ito para sa iyo?
ourpinoy theologian 12/5/23