Skip to main content

MADUGONG ADBIYENTO 2023

 


https://www.rvasia.org/asian-news/least-3-dead-bombing-during-mass-philippine-university

 

Nakagugulat kung iisipin ang ginawang pagpapasabog ng isang explosive device sa gitna ng Misang ginaganap sa okasyon ng unang Linggo ng Adbiyento sa compound ng Mindanao State University (MSU). Apat ang namatay at marami ang nasugatan (https://www.cbsnews.com/news/several-killed-bombing-catholic-mass-philippines-marawi/). Katatapos pa naman ng pagdiriwang sa Pilipinas ng Red Wednesday (https://www.rvasia.org/asian-news/red-wednesday-annual-remembrance-persecuted-christians-set-november-29), araw ng paggunita sa mga Kristiyanong pinag-uusig, nanganganib at nangangailangan.

 

Bagamat may mga pangyayari ng pag-uusig sa mga Kristiyano sa iba’t-ibang dako ng daigdig, sa ating bansa, kung saan nasa mayorya ng populasyon ay Kristiyano na pinangungunahan ng mga Katoliko, hindi masasabing sumasailalim ang mga ito sa isang sistematikong pag-uusig ng ibang relihyon. Sa Pilipinas, ang mga Kristiyano ang tila nga umuusig sa ibang tao at sa kanilang kapwa Kristiyano sa maraming pagkakataon. Wika nga ng yumaong Msgr. Vengco, ang kailangan talaga ng mga Kristiyano sa ating bansa ay pag-uusig upang mapadalisay at masubok ang katapatan ng pananampalataya ng marami. Kung ihahambing sa mga bansang may pag-uusig sa mga Kristiyano, mapapansing lalong marubdob ang pananampalataya ng mga ito dahil araw-araw nilang ipinaglalaban ang kanilang pananampalataya kay Kristo at sa simbahan. Subalit salamat sa Diyos at walang opisyal na religious persecution sa ating bansa.

 

Malinaw mula sa pananaw ng pamahalaan at simbahan, na ang mga nagaganap na karahasan tulad ng insidenteng nabanggit sa itaas ay bahagi ng terorismo at hindi ng pag-aalitan ng mga relihyon. Subalit sa isip ng mga terorista, bahagi ng pagpapalaganap ng poot at digmaan, ang pagpapanggap na relihyon ang kanilang ipinaglalaban at ang relihyon na kakaiba sa kanila ang dapat umani ng karumaldumal na pananakit at pagpatay.

 

Marami nang insidente ng terorismo ang naganap laban sa mga Katoliko at ibang Kristiyano dito sa ating bansa tulad ng pagpapasabog ng bomba sa Katedral ng Jolo noong 2019 kung saan marami ang namatay at nasaktan (https://en.wikipedia.org/wiki/2019_Jolo_Cathedral_bombings). Nariyan din ang mga pananakot tulad ng mga bombang iniiwan sa harapan ng mga simbahan ( https://www.ucanews.com/news/bombs-found-defused-at-churches-in-the-philippines/99745). At marami pang listahan ng karahasan laban sa mga Kristiyanong pari, misyonero, church worker, lay people mula pa noon, tulad ng kamatayan ni Fr. Rhoel Gallardo at mga kasama (https://www.philstar.com/headlines/2021/05/04/2095696/priest-tortured-executed-abu-sayyaf-sainthood). Bahagi ng taktika ng mga lokal na terorista ang pag-target sa mga Kristiyano (https://en.wikipedia.org/wiki/List_of_terrorist_incidents

_in_the_Philippines, https://en.wikipedia.org/wiki/Abu_Sayyaf_beheading_

incidents).

 

Ang pananampalataya, na dapat ay nagdudulot ng pagkakaisa at pagkakapatiran ng mga tao, ay nagagamit tuloy sa pananakit at pagwasak, isang maling pang-unawa at paggamit ng relihyon. Dito pumapasok ang kahalagahan ng pag-unawa at paggalang sa relihyon ng bawat isa. Sa mga hindi nakakaintindi nito, madaling mahikayat sa poot, pakikipagtalo, away at karahasan kapag nakarinig ng maling paliwanag at propaganda ng mga kaaway ng kapayapaan. Kung matibay ang prinsipyo ng isang tao tungkol sa paggalang, pang-unawa, at pagtanggap sa ibang relihyon, hindi siya agad-agad mahihikayat na saktan ang kapwa (sa salita man o gawa) na hindi kaanib sa kanyang relihyon. Ang kakulangan sa ganitong prinsipyo ang isang kasangkapan ng terorismo upang lumaganap at manaig.

 

Isang paalala ang naganap sa MSU na dapat isapuso ng mga Kristiyano sa ating bansa ang tinatawag na ecumenical at interreligious dialogue. Malaking tulong ito sa pagsulong ng kapayapaan sa gitna ng iba’t-ibang pananalig at paninindigan. Ang dialogue ng mga mananampalataya mula sa anumang relihyon ay malaking tulong sa pagpapanatili ng isang daigdig na kung saan ang pagkakaiba ay hindi sanhi ng pagkakawatak-watak kundi isang malaking hamon sa kaayusan ng isang mundong puno ng sari-sari at samut-saring mga nilalang at bagay. Kung sa ating pamilya, iba-iba ang ating ugali at gawi, isipin na lang natin kung paano sa pamilya ng Diyos na Ama nating lahat? Kung sa ating hardin, mas magandang magkaroon ng iba’t-ibang halaman, paano na kaya sa Paraisong nakalaan at pangarap ng Diyos para sa lahat?

 

Manalangin tayo para sa kapayapaan at pagkakaisa ng lahat ng mga anak ng Diyos, ng mga kapatid ni Kristo, at mga templo ng Espiritu Santo!

 

https://www.facebook.com/katolikongpinoy/photos/mga-kapiling-we-are-dedicating-december-6-2023-wednesday-as-day-of-mourning-for-/755812999912955/?paipv=0&eav=Afbed8qqj3o_-c_c6NtgzuZZubEfvGkl39kZ5VLQ-YxpWvw-LBr3z1BFujtF4bk3qX4&_rdr

 12/6/23

 

 

Popular posts from this blog

MALI BA SI CARDINAL AMBO DAVID?

    Nagkagulo na naman ang mga Katolikong mabilis mataranta at ito ay dahil sa pahayag ni Cardinal Ambo David sa isang panayam na ibinigay niya sa isang conference. Nasabi kasi ng Cardinal ang ganito: “Huwag kayong maniniwala na ang kaligtasan ay para sa mga Katoliko lamang. Hindi ka Katoliko kung ang iniisip mo na ang maliligtas ay Katoliko lamang. Ang kaligtasan ay laan para sa lahat… sa buong sangkatauhan.”   Nag-alala ang ilan at naisip na baka daw maraming magsi-alisan sa pagiging Katoliko dahil maliligtas naman pala kahit hindi Katoliko. Baka din daw isipin ng ilang nagbabalak maging Katoliko na huwag ituloy dahil hindi naman pala ganoon kahalaga maging Katoliko. May mga nagalit, may mga nasaktan, may mga nagbintang na mali ang turo ng Cardinal tungkol dito.   Pero tingnan natin kung ganito ang sinabi ng Cardinal, magiging tama kaya ang lahat? Halimbawa ganito niya sinabi: “Maniwala kayo na tayong mga Katoliko lamang ang maliligtas...

Wala Ka nang Pag-asa?

    May mga pagkakataon bang nasabi mo sa sarili mo: Wala na akong pag-asa! Huli na ang lahat! Hindi na ako makakahabol! Wala nang magagawa pa! Hopeless situation na!   Subalit ang ganitong pakiramdam ay hindi tunay na pagkawala ng pag-asa. Natural sa mga tao ang manlumo (ma-depress sabi natin ngayon), dahil sa panghihinayang at pagkukulang. At sa mga panahong ganito ang damdamin natin, mas matingkad ang katotohanan na darating muli ang pag-asa at papalitan nito ang mga huwad na nagpapanggap na pag-asa – ang “sana” at ang “ok lahat.”   Ang “sana” (o mas palasak ngayon, “sanaol” ay katumbas ng tinatawag sa Ingles na “wishful thinking.” Ito iyong hinagap na makakamtan mo lahat ng hangarin mo; wala itong kinalaman sa pag-asa. “”Sana” tumama ako sa lotto; “sana” gumanda ang buhay ko ngayon.” Wala itong batayan sa katotohanan dahil ito ay isang guni-guni lamang. Mapalad ka kung maganap ang “sana” sa buhay mo.   Ang “ok lahat” ay katu...

MGA AKLAT SA LUMANG TAHANAN

    Madaling araw nang umalis ng probinsya ang aking inaanak at ang aking kaibigan gamit ang sasakyan na lulan ang aking sangkatutak na koleksyon ng mga aklat o libro. Karamihan sa mga librong ito ay pinag-ipunan ko at pinagsikapang bilhin sa ibang bansa lalo na sa Europa noong nag-aaral pa lamang ako doon. Kaya mahalaga sa akin at hindi ko agad mabitiwang ipamigay ang mga ito kahit ang mga iba dito ay luma na dn. Subalit kailangang ilipat na sa bago kong tirahan ang mga aklat dahil ang tahanang kinalakihan ko, ang tahanang puno ng kasaysayan ng aking Kabataan ay ipinagbili na at iba na ang nagmamay-ari nito.   Dahil wala na akong mga magulang, ang tanging kaugnayan ko na lamang sa dating bahay naming ay ang mga librong nakalagak doon. Ngayon sa wakas, masasabi kong naputol na, napatid na ang kahuli-hulihang pisi na humahatak sa akin paminsan-minsang umuwi sa tahanan ng aking mga nasirang magulang.   Ano ba ang tahanan? Karaniwang iniis...