Nang mamatay ang isang kaibigan ko, naitanong ng kanyang anak sa akin kung maaari bang ilagak ang abo ng kanyang ama sa loob lang ng kanilang tahanan, dahil ang napili nilang paraan ay cremation. Mabilis ang aking tugon na hindi ito pinapayagan. Bagamat nasa maayos na “urn” (parang plorera na selyado) ang mga abo, patakaran ng simbahan na bahagi ng paggalang sa yumao ay ang paglalagak ng mga ito sa isang banal na lugar tulad ng public o private na sementeryo o kaya sa “ossuary” o “columbarium” (na maaaring maglaman ng maliliit na labi (remains) ng yumao.
Itinanong din niya kung maaari bang kumuha ng kapirasong abo na ilalagay niya sa kaniyang kuwintas upang maramdaman na kasama pa din niya ang kanyang ama. Muli, ang aking tugon ay mabilis na “hindi.”
Subalit ngayon, may kaunting pag-asa doon sa mga taong nagnanais na mag-iwan ng “kaunting abo” ng yumao nila. Pumayag na ang simbahan na, matapos ilagak ang mga abo sa sementeryo o ossuary, maaaring maging angkop na mag-iwan ng kaunti (“kaunti” lang dapat!) nito para sa mga mahal sa buhay, subalit ang itatagong abo ay dapat pa ding ilagay sa isang lugar na mahalaga at may kaugnayan sa kasaysayan ng taong yumao. Naiisip ko dito halimbawa, ay ang altar o ispesyal na dambana sa bahay, sa opisina, o sa hardin ng pamilya.
Sa madaling sabi, pinapayagang mag-iwan ng abo hanggat mapananatili pa din ang paggalang sa ala-ala ng yumao. Palagay ko, hindi kasama dito ang paggamit ng abo ng yumao bilang "trinket" o kuwintas, o kaya ang pagdadala nito sa sasakyan habang naglalakbay at lalo na, hindi maaaring ikalat sa tubig, lupa, gubat, o hangin. Bawal pa din iyan; ang kondisyon ay dapat "sa maayos at banal na lugar" pa din na makabuluhan sa yumao at sa pamilya niya.
May gaganda pa bang paggunita sa yumaong mahal sa buhay, kung nais nating magtira ng “kaunting abo” nila, kundi ang ilagay ang munting urn na ito sa ating altar upang paalala na sila ay nasa kamay na ng Diyos at upang lagi natin silang maalala tuwing tayo ay nagdadasal. Samantala, ang karamihan ng kanilang abo ay nasa maayos na lagakan sa sementeryo o simbahan, at maaaring dalawin ng pamilya tuwing Undas.
12/14/23
photo: https://art2diefor.com/product/holiness-a-beautiful-christian-full-size-ceramic-cremation-art-urn-for-human-or-pet-ashes/