Skip to main content

ANAK/ ANAK NG Diyos

 


ANG MGA TITULO NI HESUS part 3

 

Ang pinakamahalagang titulo ni Hesus ay iyong siyang tumukoy sa ganap at malalim na pag-angkin niya tungkol sa tunay niyang pagkaka-kilanlan (identity) at sa buong hiwaga ang kanyang pagkatao, at ito ay ang titulo na siyang lumitaw sa pagyabong ng mg “kredo” (o pormula ng pananampalataya) ng huling bahagi ng Bagong Tipan at ng sinaunang simbahan, at siya ring napatunayang pinaka-angkop at pinakamabungang paglalarawan kay Hesus – “Anak,” o “Anak ng Diyos.”

 

Sa unang iglap pa lamang, dapat nating isaalang-alang na ang titulo na “Anak” o “Anak ng Diyos” ay hindi agad mailalapat kay Hesus sa pakahulugang pisikal o biological. Napapalibutan ng mga bansang pagano, alam ng Israel na para sa mga pagano, ang “anak ng diyos” ay may kahulugang pisikal lamang – halimbawa, anak ng isang diyos na nakabuntis ng isang dalagang mortal, o kaya naman ay taguri para sa mga lubhang talentadong mga tao tulad ng manggagamot, pilosopo, pinuno at iba pa. Ang mga ganitong kaisipan ay malayo sa kaisipan ng Israel.

 

Sa karanasan ng bansang Israel, ang kahulugan ng “anak ng Diyos” ay kaugnay lamang sa pagpili, misyon, at ang kaukulang pagtalima o paglilingkod. Kaya, ang bayang Israel ay anak ng Diyos dahil tinawag mula sa Ehipto (Ex 4: 22), ang hari ay anak ng Diyos dahil pinili (Awit 2: 7; 89: 27-28), ang Mesiyas ay anak ng Diyos dahil may misyon (2 Sam 7:14). Ang mga matatapat ay anak din ng Diyos (Karunungan 5:5). Sa lahat ng ito, walang bahid ng pisikal na pagiging anak kundi nakabatay sa pagpili, sa pag-ampon ng Diyos.

 

Sa salaysay ng Mabuting Balita tinatawag na synoptic gospels (ang magkakahawig na Mabuting Balita nina Markos, Lukas at Mateo), mapapansing doon ay hindi tahasang inangkin ni Hesus ang titulo na Anak ng Diyos. Malinaw na lumutang at tinanggap ang katagang “Anak ng Diyos” sa mga kredo ng simbahan. Subalit ginamit kaya ni Hesus ang mas simple at maigsing titulo na “Anak” patungkol sa kanya?

 

Kung papansinin ang pananalita ng Panginoong Hesukristo sa synoptic gospels, makikita doon na palaging binanggit ni Hesus: “Ama ko” o “aking Ama” (Mk 14: 36) kapag patungkol sa kanyang sarili. Subalit kapag patungkol sa iba, “inyong Ama” (Mk 11: 25, Lk 6: 36, 12: 30,32) o “inyong Amang nasa langit” (Mk 11:26, Mt 23: 9). Hindi minsan ginamit ni Hesus ang “ating Ama” o “Ama natin” para sa kanya at para sa ibang tao. Ang panalanging “Ama Namin” ay hindi para sa kanya kundi para lamang sa mga alagad (“kung kayo’y mananalangin, sabihin ninyo…, Lk 11:2, Mt 6:9). 

 

Para kay Hesus, ang Ama ay “aking Ama” at kakaiba sa mga kaugnayan ng mga alagad sa “inyong Ama.” Malinaw na para sa Panginoon, ang kaugnayan niya sa Ama ay kakaiba sa kaugnayan ng iba sa Diyos. Eksklusibo ang sa kanya – kakaiba, natatangi, hindi maipagpapalit na ugnayan ng Diyos at ni Hesus. Hindi na mahalaga kung ginamit nga ni Hesus ang salitang “Anak” sa kanyang sarili, dahil ang pagtawag pa lamang niya sa Ama ay nangangahulugan na bagamat lahat ay anak ng Diyos, siya lamang ang Anak sa natatangi at kakaibang paraan.

 

Sa Mt 11:27 (“Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang mga pinili ng Anak na pagpahayagan niya”), ang paggamit ng Anak, ayon sa mga eksperto ay hindi isang titulo kundi paglalarawan ng pangkalahatang kaalaman tungkol sa ugnayan ng ama at anak. Ang pagkakakilala ng Ama at Anak ay hindi panglabas, hind isa antas ng kaalaman lamang kundi sumasaklaw sa mas malawak na proseso ng ugnayan at pagpapalitan sa pag-ibig. Kung pagbabatayan ang Mga Hebreo 2:2, doon makikita ang kaugnayan ni Hesus sa Ama sa diwa ng pagsunod at pagtalima; ito ang kanyang pagiging Anak na isinabuhay niya sa daigdig. Siya ang lubos na nanalig, lubos na sumandal, at lubos na nagsuko ng buhay sa Ama. Siya ay lubos na mula sa Diyos at para sa Diyos. Ang isinabuhay ni Hesus bago ang kanyang kamatayan ay ang pagiging Anak na naging taguri sa kanya matapos ang kanyang Pagkabuhay.

 

Subalit may isa pang aspekto ng pagiging Anak ni Hesus; hindi lamang patungkol sa kanyang sarili kundi patungkol sa iba, sa atin, sa lahat ng sumasampalataya sa pamamagitan niya. Ang pagiging Anak ni Hesus ay hindi isang “pribado” katayuan niya sa harap ng Diyos kundi may kaakibat na misyon. Binigyang kapangyarihan si Hesus bilang Anak; lahat ng bagay ay ipinagkatiwala sa kanya upang kanyang ihayag sa iba (Mt 11:27). Bilang Anak sa natatangi at hindi maipagpapalit na paraan, siya din ang Anak para sa ibang mga anak, ang Anak na ang misyon ay gawing mga anak ang iba pa.

 

Ang pagiging "Anak" at ang pagiging "Anak na isinugo" ay hindi maaaring paghiwalayin. Ang kanyang pagkakakilanlan at katotohanan bilang Anak ay laging kaugnay ng kanyang misyon at paglilingkod. Siya ang presensya ng Diyos sa mga tao. 

 

1/25/24

 photo: https://signsofthetimes.org.au/2019/10/son-of-god/

Popular posts from this blog

RECYCLABLE: ANG POWER NG KUMPISAL SA TAO

  Nagmamadali kami patungong airport noon dahil medyo nakalimot kami sa oras at malapit na ang aming flight patungong Cambodia. Todo dasal ako at ang aking kasama na sana walang trapiko sa daan at maging alerto ang aming drayber para malaman kung saan pinakamagandang dumaan. Kapos na talaga sa oras. Pero sa kalagitnaan ng biyahe, biglang may pumasok na call sa aking cell phone at ito ay mula sa isang parishioner na hindi ko pa gaanong kakilala noon dahil bagong assigned lang ako sa parokya nila. Nakikiusap ang babae na kung maaari ay puntahan ko ang kanyang bayaw na may malubhang karamdaman at tila nalalapit na ang huling hininga. Maaari daw bang kumpisalin ang maysakit dahil tila matagal na itong hindi nagkukumpisal.   Nakiusap ako sa babae na kung maaari ay tumawag sa parish office at doon mag-request ng pari dahil ipinaliwanag kong paalis kami ng bansa at kapos na nga sa oras patungong airport. Nakiusap uli ang babae na kung maaari ay ako na daw ang pumunta dahil it...

PUMAPATOL SA “FAKE PRIESTS?”

    Eksena sa isang elevator ng isang malaking funeral chapel. Pumasok ang tatlong kamag-anak ng isang yumao at natagpuan nilang may nauna na sa kanila na isang lalaki sa loob ng elevator. Ang lalaking ito ay nakasimpleng T-shirt lamang at may malaking kuwintas na krus at may dalang isang bag. Mabait na inalam ng taong ito sa mga bagong sakay sa elevator kung sino ang namatay sa kanilang pamilya. Pagkatapos, ipinahayag niya ang kanyang pakikiramay at nagparinig na kulang na kulang ang mga pari ngayon na maaaring magmisa sa mga lamayan sa patay. Pagkatapos naglabas ang lalaki ng isang calling card at sinabing kung kailangan ng tulong sa Misa, tawagan lamang ang numero dito.   Unang-una, walang matinong paring Katoliko ang tatambay sa mga funeral chapels dahil mas marami pang ibang gawain sa mga parokya o misyon nila. Ikalawa, wala lalong matinong paring Katoliko ang magpapamigay ng calling card o tarheta niya para sa pagkontak tungkol sa Misa. Gin...

MGA AKLAT SA LUMANG TAHANAN

    Madaling araw nang umalis ng probinsya ang aking inaanak at ang aking kaibigan gamit ang sasakyan na lulan ang aking sangkatutak na koleksyon ng mga aklat o libro. Karamihan sa mga librong ito ay pinag-ipunan ko at pinagsikapang bilhin sa ibang bansa lalo na sa Europa noong nag-aaral pa lamang ako doon. Kaya mahalaga sa akin at hindi ko agad mabitiwang ipamigay ang mga ito kahit ang mga iba dito ay luma na dn. Subalit kailangang ilipat na sa bago kong tirahan ang mga aklat dahil ang tahanang kinalakihan ko, ang tahanang puno ng kasaysayan ng aking Kabataan ay ipinagbili na at iba na ang nagmamay-ari nito.   Dahil wala na akong mga magulang, ang tanging kaugnayan ko na lamang sa dating bahay naming ay ang mga librong nakalagak doon. Ngayon sa wakas, masasabi kong naputol na, napatid na ang kahuli-hulihang pisi na humahatak sa akin paminsan-minsang umuwi sa tahanan ng aking mga nasirang magulang.   Ano ba ang tahanan? Karaniwang iniis...