ANG MGA TITULO NI HESUS part 2
Kung ang titulong Kristo o Mesiyas ay nagmula sa bibig ng mga tao, at iniwasang banggitin ni Hesus para sa kanyang sarili, ang titulo na “Anak ng Tao” naman ay nagmula sa kanya lamang, maliban sa isang pagkakataon (Gawa 7). Sa halos 80 beses na naisulat ito sa Mabuting Balita, palaging si Hesus ang bumabanggit nito kaya malakas ang kutob ng mga eksperto na ito ay batay sa tunay na kasaysayan at pag-alala ng mga alagad sa isang mahalagang detalye ng pangangaral ng Panginoon.
Sa lengguahe ng mga Hudyo, ang “anak ng tao” ay may simpleng kahulugan na “tao.” Ganito ang pakahulugan sa aklat ng propeta Ezekiel. Sa iba pang aklat ng Lumang Tipan, ang kahulugan naman nito ay ang itinaas o itinanghal na tao (Job, mga Awit). Kay Daniel, ang “Anak ng Tao” ay puno ng simbolismo; ito ang kinatawan ng darating na Kaharian ng Diyos at ng kanyang mga banal (Dan 7), subalit ang Anak ng Tao dito ay walang mga personal o pansariling katangian. Sa panahon ni Hesus, ang titulong ito ay walang kalakip na pakahulugang kaugnay ng paniniwalang relihyoso ng mga tao. Madaling nagamit ng Panginoon ang titulong ito na para bang isang bugtong kung saan kapwa niya maipapahayag at maikukubli ang kanyang sarili.
Sa Mabuting Balita nina Marcos, Mateo at Lucas, ang Anak ng Tao ay tumutukoy sa mga karaniwang gawain ni Hesus sa lupa – nagpapatawad, nagtuturo, nagtutuwid, nag-aanyaya, nangangaral, nakikisama sa mga makasalanan, nananawagan sa pagbabagong-buhay. Sa paggamit ni Hesus dito ng titulong ito, sinasabi niyang siya ang tao na nakikiisa sa kapalaran ng mga tao, subalit isinugo din ng Diyos at taglay ang Espiritu ng Diyos dahil siya ay tanda ng darating na Kaharian ng Diyos. At kahit ganito siya, itatakwil siya ng kanyang kapwa-tao.
Ang isa pang makikita nating pagtalakay sa Anak ng Tao ay may kinalaman sa pagdurusa nito (Mk. 8, 9 at 10). Maaaring iniugnay ni Hesus ang titulong ito at ang tradisyon ukol sa Nagdurusang Lingkod ng Diyos na noon ay sikat sa kaisipang Hudyo. Inilarawan ni Hesus ang Anak na Tao bilang siyang magdadala ng kaganapan ng panahon subalit sa pamamagitan lamang ng kanyang pagiging dukha, itinakwil, tinuligsa at pinaslang; lutang na lutang dito ang isang nagbabagang tension.
Isa pang pagtalakay sa Anak ng Tao ay may kinalaman sa kanyang pagdating lulan ng mga ulap sa wakas ng panahon, taglay ang kapangyarihan (Mk. 13 at 14). Dito ang titulo ay gamit upang ipakita ang darating na kahalagahan ng mga salita at gawa ni Hesus; isang tanda ng kanyang kaganapang dadalhin sa daigdig.
Bilang “Anak ng Tao,” si Hesus ang darating na kinatawan ng Diyos at ng Kaharian, at siya din ang kinatawan ng mga tao. Siya ang tagapagdala ng biyaya, at ng paghuhukom. Kay Hesus magaganap ang ugnayan at pakikipagtalastasan ng Diyos at ng tao.
1/18/24
photo: https://www.thenivbible.com/blog/the-son-of-man/
