Kahanga-hanga itong si Cardinal Pablo David sa lahat ng mga obispo ng Pilipinas, lalo na sa hanay ng mga Kardinal na Pilipino. Bagamat ang ibang Kardinal at karamihan sa mga obispo ay tahimik sa mga suliranin ng bayan, mabilis naman tumutugon si Cardinal David sa mga kinakaharap na isyu ng Lipunan. Hindi mapigilang maalala ang halimbawa ng yumaong Jaime Cardinal Sin na buong tapang na tinuligsa ang mga pagpapahirap sa mga tao noong kanyang kapanahunan. Tila si Cardinal David ang siyang tagapamana ng budhing panlipunan na isinabuhay ni Cardinal Sin.
Nitong nakaraang mga araw, tinawag ni Cardinal David na “obscene,” o malaswa ang ugali ng mga mayayaman at maykaya at mga pamilya nila na ipagmayabang ang kanilang kayamanan sa social media: mga pagkaing sobrang mamahalin, mga koleksyon ng abubot na ginto ang halaga, mga pamamasyal at pamamahinga sa mga destinasyong sa pangarap lamang mararating ng marami. Napansin ang mga ito ng mga tao lalo na nang lumutang ang katiwalian ng mga pulitiko at mga kontratista ng mga pagawain ng bayan na nakikinabang sa malaking bahagi ng pondo na hindi napupunta sa mismong proyekto. Kaya nga mayroon tayong mga kalsadang taun-taon ay sira-sira, mga kontra-baha na laging binabaha, mga katatapos pa lamang na proyekto na wasak agad bago pa magamit ng taumbayan. Pagod na, galit na, said na ang pasensya ng mga tao.
Tulad ng paraan ng pagsusuri na ginamit ni Pope St. John Paul II, sa tuwing pupunahin ang mga mantsa sa lipunan, maganda din namang suriin ang mga baluktot sa simbahan. Mahalaga ito lalo na at maraming mayayaman, maimpluwensya, at makapangyarihang mga tao ang talaga namang kaibigan at kapalagayang-loob ng mga tao ng simbahan. Nandyan ang mga lingkod ng simbahan sa kanilang mga piging sa mahahalagang okasyon; tumatanggap ang mga lingkod ng simbahan ng mga regalo mula sa mga ito; at marami pang pabor na dulot ang mga ito sa mga lingkod ng simbahan. Kaya mainam na paalalahanan din ang gawi ng mga pari na tulad ng mga mayayaman ng lipunan ay mapagmalaki sa social media sa kanilang maluhong pamumuhay.
Hindi ba malaswa din kapag laging nakalarawan ang mga pari sa restoran at mga kainang mamahalin; sa mga buffet, eat all you can, at fine dining? Samantalang ang mga taong pinaglilingkuran nila, ang ulam ay instant noodles at ang pinaka-party na ay ang pumila at magpapicture sa paresan ni Diwata.
Hindi ba malaswa din kung ibinabandera ng mga pari ang kaniang mga paboritong koleksyon ng robot, imported na sombrero, mga tasa ng Starbucks, at iba pang mamahaling libangan? Maraming kapatid natin ang koleksyon ay basurang kinakalakal, mga bote’t dyaryo at mga bote at garapon na ipinagbibili nang mumurahin para may makain at maipang-baon sa kanilang mga supling.
Hindi ba malaswa din kapag nakikita ng mga tao na ang mga pari ay laging nasa mga konsyerto, mga malalayong bakasyunan, at laging nagpapahinga at naglilibang kasama ang mga sponsor na mayayaman? Walang masamang mamahinga at maglibang paminsan, subalit ang iba ay sobra naman; parang pagud na pagod gayong pag sinilip mo naman ang mga simbahan, walang gawain o proyektong pinagkakaabalahan.
Hindi ba malaswa din kapag kabi-kabila ang koronasyon ng imahen o patron na ginagastahan ng malaking halaga ng salapi, pilak at ginto, para lamang masabing ang imahen ay kinoronahan ng obispo, ng nuncio, at ng Santo Papa? Ano kaya ang saloobin ng mga patron o santong pinararangalan tungkol dito gayung ang kanilang buhay at misyon ay ipangaral ang Salita ng Diyos sa mga dukha at nangangailangan?
Hindi ba malaswa ding maituturing kung bukod sa may libreng pabahay, pakain, palaba at pamaneho na, ang mga pari ay may condo pa at rest house pa? Marami din kaya silang natutulungan na magkabahay, magka-pagkain, o magkapag-aral? Naisabuhay na kaya nila ang mga aral ng turong-panlipunan (social teachings) ng simbahan?
May kinalaman ang patuloy na pagbaba ng bilang ng mga Katoliko sa Pilipinas at ang patuloy namang pagtaas ng mga bagong sekta o kulto na kinabibilangan ng mga dating Katoliko sa nakikitang halimbawa ng mga tao sa buhay ng mga paring iginagalang at minamahal nila. Marami na din ang nawalan na ng tiwala sa Diyos at simbahan at nananatili na lamang na walang pananampalataya dahil sa pagkadismaya sa ganitong nakagawian. Ilan pa sa mga pastol ng pananampalataya ang tunay na nagpapahalaga sa simpleng pamumuhay, sa bukas-palad na pagbibigay sa mga dukha, sa paglusong sa kinaroroonan ng mga taong naghihintay ng kanilang pagdalaw at pagkalinga?
Marami tuloy ang mga seminarista ngayon na malapit pa lamang makatapos ng paghubog ay nag-iisip na ng modelo ng kotse na nais bilhin, ng investment na nais ipundar, ng mga paglalakbay sa ibang bansa, at sa mga iipuning gadgets at mga libangan. Akala nila, ang pagiging lingkod ng Diyos ay may kalakip na karapatan para sa panatag at masaganang buhay.
Tama si Cardinal David na punahin ang mga pulitiko at mga mayayamang mayabang. Subalit tama din, na ibalik ang puna sa puso ng simbahan dahil salamat ito ng puso ni Kristo para sa ating mga mananampalataya at sa lahat ng mga mamamayan.
photo: https://www.voanews.com/a/heavy-rains-flood-manila/2455127.html
