Nagpista ang media sa iba’t-ibang uri ng pagtanggap sa dokumentong “Fiducia Supplicans” (FS) kung saan pinayagan ng simbahan na basbasan ang mga taong nasa kakaibang situwasyon ng kanilang matalik na relasyon tulad nagsasamang hindi kasal sa simbahan o hindi maikasal pa dahil sa ibang dahilan, mga taong hiwalay at nag-asawa muli kahit hindi pa annulled ang dating kasal, at pati na din ang mga taong nasa loob ng ugnayan sa kaparehas na kasarian (same-sex relationships). Alam nating sa opisyal na disiplina ng simbahan, ang mga taong ito ay hindi maaaring tumanggap ng Banal na Komunyon dahil sa kanilang kalagayan. Dahil dito, marami sa kanila ang nasasaktan at napapalayo na lamang sa pamayanang Katoliko. Ang iba ay lumipat na sa ibang sekta o relihyon. Ang iba ay nanlamig nang tuluyan sa pananampalataya. Subalit marami pa din ang kumakapit sa kanilang pananampalatayang Katoliko sa kabila ng pakiramdam na hindi tanggap ang kanilang mga situwasyon sa buhay.
Nang payagan ang blessing sa mga nasa ugnayang “irregular situation,” maraming lider simbahan sa katauhan ng mga obispo ang nagbigay ng mga pahayag. Karamihan sa mga obispo sa mga mauunlad at pasulong na bansa sa America at Europa ay nagbunyi dahil matagal na silang nakikipagtunggali sa kaisipan na dapat maging “inclusive” o mas malawak ang pagyakap ng simbahan sa iba’t-ibang uri ng mga tao sa modernong panahon. Bagamat hindi matatanggap ng simbahan ang mga ugnayang tinutukoy bilang lehitimo sa mata ng Diyos at ng pamayanan, hindi naman tamang itulak papalayo ang mga tao dahil lamang sa kanilang kinasadlakang kalagayan. At kung itinuturing mang makasalanan ang mga ugnayang ito, hindi ba mismo ang Panginoong Hesukristo ang nagsabi na dumating siya upang hanapin at tawagin ang mga makasalanan at hindi upang ipagtabuyan sila (Lk 5: 32)?
Sa Africa, naging magulo naman ang media dahil sa tahasang pagtanggi ng maraming mga obispo doon na pahintulutan ang pagbibigay ng “pastoral blessing” lalo na sa mga nasa same-sex relationship, sa mga LGBTQ na nasa aktibong matalik na relasyon. Madiing nagsabi ang ilan na walang puwang sa simbahan para sa mga katulad nila, na hind maaaring kilalanin ang kanilang ugnayan, na hindi magiging katanggap-tanggap ang ganitong kilos ng simbahan.
Isa sa mga dahilan ng ganitong reaksyon ay maaaring mula sa maling pagbabasa ng dokumento, dahil malinaw sa FS na ang blessing ay hindi nangangahulugan na pagtanggap sa maling situwasyon ng relasyon, o kaya ay pagkunsinti sa makasalanang pamumuhay, at lalong hindi ibig sabihin na binabago na ang kahulugan ng kasal (na mananatiling sa pagitan lamang ng isang babae at isang lalaki). Ang pagbabasbas ay para sa karanasan ng awa at habag ng Diyos sa taong humihingi ng gabay at patnubay sa buhay pananampalataya. Mauunawaan din na sa Africa, malakas ang diwa ng konserbatismo at ang simbahan din ay napapalibutan ng iba’t-ibang mga relihyon at sekta tulad ng Islam at mga born-again groups na maaaring batikusin ang simbahan kung papayagan ang ganitong kilos dahil marami sa mga sekta at relihyong ito ay tutol sa buhay ng mga LGBTQ.
Mabuti na lang at sa Asya, mas nananaig ngayon ang mga tinig na maunawain at bukas sa tunay na diwa ng pagbabasbas na isinasaad sa dokumento. Para kay Bishop Pablo David, pangulo ng CBCP, klaro at hindi na kailangan pa ang malawig na paliwanag ukol sa nilalaman at layunin ng dokumento. Binigyang-diin naman ni Archbishop Socrates Villegas na ang tawag ng simbahan ay kaugnay ng pagpapamalas ng awa at kalinga ng Diyos sa lahat tungo sa pagbabagong-buhay.
Sa India, sinabi ni Cardinal Oswald Gracias ng Mumbai, na ang kanilang lipunan ay lubhang mayaman sa pagkakaiba ng kultura at pananampalataya kaya hindi mahirap sa kanilang maunawaan ang kahulugan ng blessing bilang bahagi ng espirituwalidad ng isang tao. Dahil malinaw na hindi binabago ng simbahan ang anumang turo tungkol sa Sakramento ng Kasal, ang blessing ay tanda ng pagiging malapit ng Diyos sa mga taong humihingi ng tulong sa gitna ng kanilang kahinaan at kakulangan ng ganap na buhay. Lahat ng tao, lalo na ang mga nalalayo sa simbahan, ay bahagi pa din ng pamilya ng Diyos at kailangan ng kalingang pastoral upang maranasan ang pagmamahal ni Hesus na siyang unang hindi tumatanggi sa pagbabasbas lalo na sa mga makasalanang lumalapit sa kanya.
Si Cardinal William Goh naman ng Singapore ay nagpaliwanag na ang FS ay humahamon na magbasbas ng mga tao, hindi ng kanilang pagsasamang taliwas sa aral ng simbahan, at dahil lahat ng tao ay mahal ng Diyos, walang sinumang hindi maaaring tumanggap ng pagbabasbas. Sa pamamagitan ng blessing, ang isang tao ay natutulungan sa pakikibaka sa mga hilahil ng kanyang buhay at naaakay sa lalong tamang pagsunod sa aral ng Panginoon.
Mapapansin na taliwas sa naunang naibalita mula sa Africa, ang mga Asyano ay mas bukas ang isip at puso sa ipinahayag ng dokumentong FS. Una, maaaring ito ay dahil sa masusi at tamang pagbabasa ng dokumento na matapat sa aral ng simbahan ukol sa Kasal. Ang sinumang lalapit para humingi ng blessing na binabanggit ay hindi dapat magpumilit na kilalanin ang kanilang irregular situation bilang kapantay ng kasal, sa diwa ng pagyayabang o pagmamalaki o kaya ay political statement na sa wakas, tanggap na ng simbahan ang pagsasamang walang kasal o pagsasama ng magkaparehas na kasarian. Ang tamang diwa ay mababang-loob na paghingi ng tulong at gabay ng Diyos sa kabila ng kanilang kahinaan, isang tunay na pagnanasang mabatid at sundin ang kalooban ng Diyos sa gitna ng maraming pagsubok. Ikalawa, maaaring nagpapakita ang simbahang Asyano nang mas bukas na pananaw at pakikilakbay sa lipunan na kung saan maraming mga tao ang sugatan at luhaan dahil sa nararanasang diskriminasyon o pagtanggi sa kanila ng kanilang kapwa. Nagiging mulat na din ang mga taga-Asya sa mayamang pagsasama sa iisang lipunan ng mga tao mula sa iba’t-ibang kultura, edukasyon, pananampalataya at istilo ng pamumuhay. Bagamat marami pa ring Katoliko sa ating bansa, maging mga pari, ang akala ay Katoliko lamang ang tama, mabuti at maliligtas, mas higit na madami ang nakawala na sa pananaw na ito na bunga din ng klerikalismo. Kung tutuusin, mayroon nga kayang nakaranas sa Pilipinas na itaboy, sigawan o pagalitan ng pari o obispo nang humingi ng blessing sa kanilang buhay, anuman ang situwasyon?
Naaalala ko pa nang ang isang pamilyang kaibigan ko ay lumapit sa akin para basbasan ang kanilang panganay na anak na babae at ang kasintahan nito na matagal nang nagsasama pero hindi maikasal dahil naghihintay ng US visa ang lalaki. May anak na sila subalit dapat magmukhang binate ang lalaki para ma-avail ang petisyon sa kanya ng mga kamag-anak sa US. Tapat silang Katoliko, subalit kailangang maging praktikal para sa kanilang kinabukasan. May mga kaibigan din akong nasa ugnayang same-sex na laging nagpaparinig na nais nilang mabasbasan hindi dahil nais nilang kilalanin ang kanilang relasyon kundi dahil nais nilang magkaroon ng lakas ng loob na hanapin at saliksikin ang kalooban ng Panginoon.
Pero sa huli, ang tanong ay: Ilan kaya sa mga taong tulad nila na tinutukoy sa dokumento ang magbabalik sa simbahan upang humingi ng sinasabing blessing dahil sa pagbubukas-loob na ipinapahayag ng FS?
1/03/24
photo: http://www.surprisingtreasures.com/2014/07/gods-hand-and-heart/
