Ang blessing na ito ay “pastoral blessing” at hindi liturgical o ritualized (walang takdang pormula, walang aklat na susundin, walang ritong gaganapin).
Ang blessing ay igagawad sa mga “tao” na nasa “hindi regular na situwasyon” sa kanilang relasyon, at hindi ito blessing ng “situwasyon” na kinalalagyan nila ( tulad ng mga mag-asawang hindi kasal sa simbahan, hiwalay at nag-asawa muli na hindi pa naa-annul ang unang kasal, mga nasa same-sex union).
Ang paggagawad ng blessing ng pari sa kanila ay dapat “pribado” at hindi publiko, hindi sa altar, o sa gitna ng simbahan, o sa harap ng maraming panauhin at hindi rin dapat magmukhang isang kasal.
Maaaring hindi isagawa ang blessing kung maglalagay sa kapahamakan sa taong tatanggap, halimbawa sa mga bansa na kung saan, illegal ang pagiging LGBT tulad ng ilang bansa sa Africa. Subalit kailangan sa mga ganitong lugar ang patuloy na pagninilay at paghahanda upang makapaghatid pa rin ng pastoral na pangangalaga sa lahat.
Gagamit ang pari ng sarili at mula sa pusong panalangin para sa kapayapaan, kalusugan, at kabutihan ng mga taong humihingi nito… at gayundin, hilingin sa Panginoon na nawa ang mga taong ito ay makapamuhay balang araw sa ayon sa Mabuting Balita at makawala sa mga pumipigil sa kanila na makasunod sa kalooban ng Diyos at sa buhay kabanalan.
Dahil hindi ito katulad ng kasal, ang blessing ay hindi din tanda ng pagtanggap o pagpapatibay sa situwasyon ng mga taong humihingi nito. Hindi dapat magpataw ng mga kondisyon bago igawad ang blessing at hindi dapat na usisain pa ang mga detalye ng situwasyon ng buhay o relasyon ng mga tao.
Ang pastoral blessing na ito ay simple at direktang panalangin na hindi dapat tumagal, ilang saglit lamang ay sapat na. Ipagkakait ba ng simbahan na basbasan at ipagdasal ang sinumang tao sa ganito kasimpleng paraan?
Ang blessing ay hindi dapat maging kaugnay ng kasal na sibil, bago man o pagkatapos, na para bang sinasabing may basbas na ng simbahan ang kanilang kasal na sibil.
Ang blessing na ito ay hindi dapat mangahulugang pinatatawad na ang kasalanan ng mga taong humihingi dahil iba ang Sakramento ng Kumpisal sa simpleng pastoral blessing.
Ang pari na magbibigay ng blessing ay hindi lumalabag sa aral ng simbahan o sa anumang doktrinang Katoliko na matatag na nagsasabing ang Kasal ay para lamang sa pagkakaisa ng babae at lalaki sa harap ng Diyos at bukas sa kaloob na bagong buhay sa loob ng isang pamilya.
Ang blessing ay tanda ng pagiging malapit ng Diyos at ng simbahan sa lahat ng tao, anuman ang kalagayan, na taimtim na humihingi ng basbas at tulong ng Diyos sa anuman nilang pinagdadaanan.
Mula sa “Press Release” na nagbibigay linaw sa dokumentong Fiducia Supplicans
12/5/24
photo: https://www.google.com/url?sa=i&url=https%3A%2F%2Fmuza.mt%2Fbenedizione%2F&psig=AOvVaw3lu6jsvysfwZT_2mUFxRpf&ust=1704514358619000&source=images&cd=vfe&opi=89978449& ved=0CBMQjRxqFwoTCMCwr4WxxYMDFQAAAAAdAAAAABAE
