Skip to main content

MESIYAS: ANO BA TALAGA ITO?

 



ANG MGA TITULO NI HESUS part 1

 

 

Ang “Mesiyas” ay napakahalagang titulo o taguri kay Hesus. Ang Mesiyas ay kumakatawan sa inaasahang Tagapagligtas ng Israel. Katumbas ng salitang ito ang “Kristo,” na sobrang naging sentro sa mga talakayan tungkol kay Hesus na noong huli, naging bahagi na ito ng wastong pangalan ng Panginoon – si Hesus ay naging si Hesu-kristo (o Hesus na Mesiyas). Sa Ingles, naging joke pa ito tuwing tatanungin kung may apelyido ba ang Panginoon, ang sagot daw ay “Oo” dahil ang apelyido niya ay Christ – Jesus Christ (ngiti naman diyan!).

 

Ang kahulugan ng Mesiyas ay hindi talaga ipinaliwanag sa Bibliya o sa buhay ng Israel, at kung tutuusin ay medyo malabo pa nga. Kaydaming interpretasyon, at kaydami ding maling palagay. Basta, ang alam natin, ninais ng bayang Israel ng isang tagapagdala ng kaligtasan sa kanila, bilang isang maliit na bansang napapalibutan noon ng mga makapangyarihang kalapit-bansa, na kalimitan ay kaaway pa nila.

 

Unang inasahan na magdadala ng kaligtasan ay ang hari (tulad din ng pari at propeta) na pinili at pinahiran ng langis (anointed) para mamuno (see 1 Sam 10, 1 Sam 16, 2 Sam 2). Kay Isaias, ang tagapagligtas naman ay ang “Nagdurusang Lingkod” ng Panginoon (suffering servant, Is 42, 49, 50, 52). Sa propeta Daniel, ito naman ay ang “Anak ng Tao” (Dan 7). Kay Zacarias, dalawa ang Mesiyas na inaasam, isang pari at isang hari (Zec. 4) tulad din ng pangarap ng pamayanan ng Qumran.

 

Sa panahon ng Panginoong Hesus, maraming inaasahan sa isang Mesiyas: ang mga Zealot ay naghahangad ng isang pinunong pulitikal, at ang mga rabbi o lider espiritual naman, isang bagong Guro ng Batas ang hanap. Ang iba pa, naghihintay ng darating na punong pari, propeta, bagong Elias, lingkod ng Diyos at kung anu-ano pa.

 

Sa Bible, hindi matatagpuan sa bibig ni Hesus ang salitang Mesiyas patungkol sa kanyang sarili. Palaging iba ang nagbibigay sa kanya ng titulong ito at bagamat minsan tinatanggap niya ito, itinutuwid din niya ang maling pang-unawa nila.

 

Sa Marcos 8, una nating nadinig si Pedro na nagpahayag: “Kayo po ang Kristo!” (v. 29). Agad siyang pinatahimik ng Panginoon at saka nagbigay ng aral tungkol sa paghihirap na dadanasin ng Anak ng Tao. Sasagot pa sana si Pedro pero tinawag siya ni Hesus na isang satanas at tuluyang pinatahimik na nga. Ayon sa mga eksperto, maaaring tunay na naganap ang tagpong ito sa buhay ni Hesus (historical event).

 

Sa Marcos 14, sinasabing inamin ng Panginoon na siya ang Mesiyas o Kristo (v. 62) sa harap ng Sanhedrin. Bagamat wala naman talagang naiwang record ng paglilitis at wala ding alagad na kasama ang Panginoon doon, malamang na isa nga sa mga itinanong sa kanya ay ang kanyang paninindigan tungkol sa Mesiyas, dahil matapos ang lahat si Hesus ay hinatulan bilang isang nagpapanggap na Mesiyas (“Hari ng mga Hudyo,” Mk. 15:26). Maaaring napilitan si Hesus na aminin na siya nga ang Mesiyas, subalit mabilis pa din niyang nilinaw ang kanyang pagpapakahulugan sa salitang ito (Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Ama at na darating sa ulap… hindi lider pulitikal o militar). Sa tagpong ito, ang Panginoon ay naging isang Nagdurusang Mesiyas, isang Mesiyas sa Krus.

 

Bagamat ang titulong Mesiyas/ Kristo ay pamilyar na sa mga tagasunod ni Hesus bilang isang bahagi ng kaisipang Hudyo, hindi ito basta tinanggap ng mga alagad. Sa halip, binigyan nila ito ng panibagong kahulugan, ng kahulugang akma sa aral, halimbawa, at buhay ni Hesus, isang Kristiyanong kahulugan. Si Hesus ang Mesiyas o Kristo dahil siya ang kaganapan ng lahat ng mga pangako ng Diyos na humigit pa sa mga ito.

 

Nilabanan niya ang kaaway, na hindi pulitikal kundi ang mismong kasamaan na kapangyarihan ni satanas. Hindi siya namuhay na naghahagilap ng kapangyarihan o paghihiganti, kundi sumunod sa tunay na diwa ng paglilingkod. Ang kapangyarihan ng Mesiyas ay paglilingkod at hindi panunupil ng kapwa. At ang landas sa paghahari na tinahak ni Hesus ay hindi pakikibaka at makamundong tagumpay kundi landas na kalakip ang paglilingkod at pagdurusa. Dahil sa mga prinsipyong ito, makikita natin kung bakit mailap na iniwasan ni Hesus hangga’t maaari na gamitin sa kanyang sarili ang titulong Mesiyas. Iba ang kanyang pang-unawa… pag-iisip na hindi ayon sa tao, kundi mula sa Diyos!

 

1/11/24

 

photo: https://www.thetextofthegospels.com/2015/12/

 

Popular posts from this blog

MALI BA SI CARDINAL AMBO DAVID?

    Nagkagulo na naman ang mga Katolikong mabilis mataranta at ito ay dahil sa pahayag ni Cardinal Ambo David sa isang panayam na ibinigay niya sa isang conference. Nasabi kasi ng Cardinal ang ganito: “Huwag kayong maniniwala na ang kaligtasan ay para sa mga Katoliko lamang. Hindi ka Katoliko kung ang iniisip mo na ang maliligtas ay Katoliko lamang. Ang kaligtasan ay laan para sa lahat… sa buong sangkatauhan.”   Nag-alala ang ilan at naisip na baka daw maraming magsi-alisan sa pagiging Katoliko dahil maliligtas naman pala kahit hindi Katoliko. Baka din daw isipin ng ilang nagbabalak maging Katoliko na huwag ituloy dahil hindi naman pala ganoon kahalaga maging Katoliko. May mga nagalit, may mga nasaktan, may mga nagbintang na mali ang turo ng Cardinal tungkol dito.   Pero tingnan natin kung ganito ang sinabi ng Cardinal, magiging tama kaya ang lahat? Halimbawa ganito niya sinabi: “Maniwala kayo na tayong mga Katoliko lamang ang maliligtas...

Wala Ka nang Pag-asa?

    May mga pagkakataon bang nasabi mo sa sarili mo: Wala na akong pag-asa! Huli na ang lahat! Hindi na ako makakahabol! Wala nang magagawa pa! Hopeless situation na!   Subalit ang ganitong pakiramdam ay hindi tunay na pagkawala ng pag-asa. Natural sa mga tao ang manlumo (ma-depress sabi natin ngayon), dahil sa panghihinayang at pagkukulang. At sa mga panahong ganito ang damdamin natin, mas matingkad ang katotohanan na darating muli ang pag-asa at papalitan nito ang mga huwad na nagpapanggap na pag-asa – ang “sana” at ang “ok lahat.”   Ang “sana” (o mas palasak ngayon, “sanaol” ay katumbas ng tinatawag sa Ingles na “wishful thinking.” Ito iyong hinagap na makakamtan mo lahat ng hangarin mo; wala itong kinalaman sa pag-asa. “”Sana” tumama ako sa lotto; “sana” gumanda ang buhay ko ngayon.” Wala itong batayan sa katotohanan dahil ito ay isang guni-guni lamang. Mapalad ka kung maganap ang “sana” sa buhay mo.   Ang “ok lahat” ay katu...

MGA AKLAT SA LUMANG TAHANAN

    Madaling araw nang umalis ng probinsya ang aking inaanak at ang aking kaibigan gamit ang sasakyan na lulan ang aking sangkatutak na koleksyon ng mga aklat o libro. Karamihan sa mga librong ito ay pinag-ipunan ko at pinagsikapang bilhin sa ibang bansa lalo na sa Europa noong nag-aaral pa lamang ako doon. Kaya mahalaga sa akin at hindi ko agad mabitiwang ipamigay ang mga ito kahit ang mga iba dito ay luma na dn. Subalit kailangang ilipat na sa bago kong tirahan ang mga aklat dahil ang tahanang kinalakihan ko, ang tahanang puno ng kasaysayan ng aking Kabataan ay ipinagbili na at iba na ang nagmamay-ari nito.   Dahil wala na akong mga magulang, ang tanging kaugnayan ko na lamang sa dating bahay naming ay ang mga librong nakalagak doon. Ngayon sa wakas, masasabi kong naputol na, napatid na ang kahuli-hulihang pisi na humahatak sa akin paminsan-minsang umuwi sa tahanan ng aking mga nasirang magulang.   Ano ba ang tahanan? Karaniwang iniis...