Skip to main content

SABAY ANG ASH WEDNESDAY AT VALENTINE’S DAY?

 



 

Bihirang mangyari na nagtatapat ng araw ang Ash Wednesday at Valentine’s Day at ngayong 2024, magaganap ito. Ang labo pa naman ng kaugnayan ng dalawang araw na ito. Kapag Ash Wednesday, diyan natin maririnig ang paalala ng simbahan na tayo’y dapat mag-fasting and abstinence; konting sakripisyo, bawas sa layaw ng mata, tenga, bibig at katawan. Sa Miyerkules ng Abo, ang sagisag na taglay ng bawat Katolikong magsisimba ay walang iba kundi abo, na mula sa Bibliya ay tanda ng pagsisisi, pagbabalik-loob sa Diyos at pagsaksi sa pananampalataya.

 

Iba naman ang tanda ng Valentine’s Day, dahil nga kalimitan itinuturing itong araw ng mga nagmamahalan, ng mga mag-jowa, ng mga may forever. Para sa karamihan, ang mga tanda ng araw na ito ay chocolates, flowers, balloons, dinner date at kung anu-ano pang sweet nothings at pampakilig. Hindi maikakaila na biruan din ng maraming tao, at malamang na may katotohanan, na busy day din ito sa mga motel sa iba’t-ibang lugar sa bansa.

 

E paano nga kung Katoliko ka, matapat ka sa pagtupad sa taunang Ash Wednesday pero nasanay ka ding magdiwang ng Valentine’s Day? Maaari bang sabay na ipagdiwang ang galak, pag-ibig, at kilig at ang pagninilay, pagtitika, at pagsa-sakripisyo sa pasimula ng Kuwaresma?

 

Sabi ng iba, madali namang agahan na lang o iurong na lang ang araw ng pag-ibig; ginagawa na iyan ng marami kasi baduy na daw ngayon kung February 14 eksakto ka magse-celebrate. At siyempre, ang Ash Wednesday, hindi maaaring palitan ng araw iyan, dahil nasa kalendaryo na iyan ng simbahan; Miyerkoles talaga para sa "Latin" o "Roman rite." Pero naalala ko lang, minsang nasa Australia ako, dahil may malaking football game sa isang lugar at alam ng bishop na maaaring mas unahin ng tao ang sports kaysa church, nagpasya siya na gawing Ash Tuesday para hindi magkaroon ng conflict ang sports at ang gawaing simbahan. Kakaiba ang mga sekular na bansa kung saan hindi na matingkad ang pagsasabuhay ng pananampalataya. Sa tinatawag na "Ambrosian Rite," na isa sa mga ritong Katoliko din, walang Ash Wednesday sa kanilang pagtupad sa Kuwaresma at nagsisimula ang panahong ito sa araw ng Linggo.

 

Sa diwa ng pagninilay, sa mga nais na magdasal, sa mga nagbibigay-puwang sa kanilang buhay pananampalataya, madaling makita ang kaugnayan ng dalawang pagdiriwang na ito. Ang Diyos ang siyang Panginoon ng pag-ibig at pakikipag-ugnayan; siya din ang Panginoong tumatawag sa ating bigyang-pansin ang pag-ibig na higit pa sa maibibigay ng mundong ito, ang pag-ibig na makakamit sa pamamagitan ng landas ng pagbabalik-loob at pagbabagong-buhay. Ang Diyos ang pinagmumulan ng pagkain, bulaklak, tsokolate, at pagka-akit natin sa isa’t-isa at siya din ang lumikha sa tao mula sa alabok at mag-aakay sa atin pabalik sa abo sa dulo ng ating buhay.

 

Ang Valentine’s Day ngayong taong ito, kasabay ng Ash Wednesday, ay napakagandang pagkakataon upang lubos na matanto natin ang kahulugan ng pag-ibig ng tao sa isa’t-isa, subalit higit sa lahat, ng pag-ibig ng Ama sa bawat isang nagmamahal at lumalapit sa kanya. Ang Valentine’s ay araw ng mga puso; ang Ash Wednesday ay tibok ng puso ng Panginoong Hesus para sa ating lahat. Ang kanyang wagas na pagmamahal ang batayan ng ating buhay at lahat ng ating tinatamasa. Hindi posible ang buhay kung wala ang pag-ibig na iyan.

 

Nasa kamay ang roses, nasa noo ang “ashes”… aba e, magdiwang na! 

 

 

 

2/12/24

photo:  https://www.oklahoman.com/story/news/religion/2018/02/10/feast-fast-that-question-wednesday-coinciding-with-valentines-means-meat-merriment-are-out-for-some/60544208007/

Popular posts from this blog

RECYCLABLE: ANG POWER NG KUMPISAL SA TAO

  Nagmamadali kami patungong airport noon dahil medyo nakalimot kami sa oras at malapit na ang aming flight patungong Cambodia. Todo dasal ako at ang aking kasama na sana walang trapiko sa daan at maging alerto ang aming drayber para malaman kung saan pinakamagandang dumaan. Kapos na talaga sa oras. Pero sa kalagitnaan ng biyahe, biglang may pumasok na call sa aking cell phone at ito ay mula sa isang parishioner na hindi ko pa gaanong kakilala noon dahil bagong assigned lang ako sa parokya nila. Nakikiusap ang babae na kung maaari ay puntahan ko ang kanyang bayaw na may malubhang karamdaman at tila nalalapit na ang huling hininga. Maaari daw bang kumpisalin ang maysakit dahil tila matagal na itong hindi nagkukumpisal.   Nakiusap ako sa babae na kung maaari ay tumawag sa parish office at doon mag-request ng pari dahil ipinaliwanag kong paalis kami ng bansa at kapos na nga sa oras patungong airport. Nakiusap uli ang babae na kung maaari ay ako na daw ang pumunta dahil it...

PUMAPATOL SA “FAKE PRIESTS?”

    Eksena sa isang elevator ng isang malaking funeral chapel. Pumasok ang tatlong kamag-anak ng isang yumao at natagpuan nilang may nauna na sa kanila na isang lalaki sa loob ng elevator. Ang lalaking ito ay nakasimpleng T-shirt lamang at may malaking kuwintas na krus at may dalang isang bag. Mabait na inalam ng taong ito sa mga bagong sakay sa elevator kung sino ang namatay sa kanilang pamilya. Pagkatapos, ipinahayag niya ang kanyang pakikiramay at nagparinig na kulang na kulang ang mga pari ngayon na maaaring magmisa sa mga lamayan sa patay. Pagkatapos naglabas ang lalaki ng isang calling card at sinabing kung kailangan ng tulong sa Misa, tawagan lamang ang numero dito.   Unang-una, walang matinong paring Katoliko ang tatambay sa mga funeral chapels dahil mas marami pang ibang gawain sa mga parokya o misyon nila. Ikalawa, wala lalong matinong paring Katoliko ang magpapamigay ng calling card o tarheta niya para sa pagkontak tungkol sa Misa. Gin...

MGA AKLAT SA LUMANG TAHANAN

    Madaling araw nang umalis ng probinsya ang aking inaanak at ang aking kaibigan gamit ang sasakyan na lulan ang aking sangkatutak na koleksyon ng mga aklat o libro. Karamihan sa mga librong ito ay pinag-ipunan ko at pinagsikapang bilhin sa ibang bansa lalo na sa Europa noong nag-aaral pa lamang ako doon. Kaya mahalaga sa akin at hindi ko agad mabitiwang ipamigay ang mga ito kahit ang mga iba dito ay luma na dn. Subalit kailangang ilipat na sa bago kong tirahan ang mga aklat dahil ang tahanang kinalakihan ko, ang tahanang puno ng kasaysayan ng aking Kabataan ay ipinagbili na at iba na ang nagmamay-ari nito.   Dahil wala na akong mga magulang, ang tanging kaugnayan ko na lamang sa dating bahay naming ay ang mga librong nakalagak doon. Ngayon sa wakas, masasabi kong naputol na, napatid na ang kahuli-hulihang pisi na humahatak sa akin paminsan-minsang umuwi sa tahanan ng aking mga nasirang magulang.   Ano ba ang tahanan? Karaniwang iniis...