Habang naglalakad patungong Cesarea ng Filipos, biglang nagtanong ang Panginoong Hesukristo : “Ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa akin?” (Mk 8: 27-28).
Malabo ang sagot ng mga alagad, na salamin ng pagiging malabo din ng pananaw ng mga tao tungkol kay Hesus. Una, marami ang nag-aakala na siya si Juan Bautista. Isa kaya siyang propeta na “tulad” ni Juan Bautista sa kapangyarihan at espiritu? O talagang iniisip nilang eto ang nagbalik na Juan Bautista?
Ikalawa, popular din ang opinyon na siya si Elias. Sa 2 Hari 2: 1-18, si Elias kasi ay naitala na hindi namatay kundi iniakyat sa langit ng Diyos. Dahil dito lumaganap ang paniniwalang babalik si Elias sa wakas ng panahon (Mal 3: 23, Sir 48: 10). Marahil ito ang dahilan at akala nila si Hesus ay si Elias na muling nagbabalik din.
Ikatlo, isa daw siya sa mga propeta. Marami ang nagsasabing isa si Hesus sa mga propeta. Pero, propetang nagbabalik o bagong propeta sa linya ng mga nauna nang mga propeta sa Israel?
Maaaring totoo na napabalitang propeta nga si Hesus dahil nasulat din sa Mabuting Balita ang tugon ng mga tao sa kanya na isa siyang dakilang propeta, tulad nang matapos niyang buhayin ang namatay na anak ng biyuda sa Naim (Lk 7:16). Tiyak din naman tayo na hati ang opinyon ng mga tao kung si Hesus ba ay propeta o Mesiyas o anupaman. Siya na ba talaga “ang” propetang hinihintay ng Israel.
Tila hindi tanggap ni Hesus ang mga pakiwari ng mga tao tungkol sa kanya – Juan Bautista, Elias o propeta. Kaya nga tinanong niya ang mga alagad: “Ngunit kayo naman, ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?” (v. 29). Iba ang inaasahan niyang sagot mula sa mga taong mas malapit sa kanya. At natumbok ito ni Pedro sa kanyang pagpapahayag ng pananampalataya: “Kayo po ang Cristo” (ang Mesiyas).
At kung titingnan natin ang pagturing ni Hesus sa kanyang pinsang si Juan Bautista, hindi lamang ito isang propeta sa kanyang mga mata kundi higit pa sa mga propeta (Mt 11:7-9). Kung si Juan ay higit pa sa propeta, paano na ang Panginoon? Si Juan mismo ang nagsabi na: “Binabautismuhan ko kayo sa tubig bilang patunay ng inyong pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan. Ngunit ang darating na kasunod ko ay magbabautismo sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy. Higit siyang makapangyarihan kaysa akin; ni hindi man lamang ako karapat-dapat magdala ng kanyang sandalyas” (Mt 3: 11). HIgit siyang makapangyarihan – iyan si Hesus ayon naman kay Juan.
At hindi nakita ni Hesus ang sarili niya bilang isang propeta lamang. May kaibahan sa kanyang mensahe at misyon. Tapos na ang panahon ng mga propeta at mga hari! Ang inaasahan ay dumating na; ang inaasam ay nakamit na! (Lk 10;23-24). Narito ang isang higit pa kay Jonas, higit pa kay Solomon (Mt 12: 41-42).
Higit sa lahat, sa kanyang pangangaral mismo, hindi gumamit ang Panginoon ng mga pormulang pinanghahawakan ng mga propeta tulad ng “Nagsalita ang Panginoon,” “ang salita ng Panginoon,” “ang bibig ng Panginoon ay nagpahayag,” o “pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon.” Ang mga ito ay pormula ng isang mensahero, ng isang tagapaghatid lamang dahil ganyan ang propeta, isang tagapaghatid, spokesman, messenger.
Ayon sa Mabuting Balita, kapag nagtuturo si Hesus, humuhugot siya ng awtoridad mula sa kanyang sarili – “Amen, sinasabi ko sa inyo.” Sa isang banda, tanda ito ng sarili niyang mapagkakatiwalaang kapangyarihan at sa kabilang banda, tanda ito ng lubhang pagkakaugnay at pagkamalapit niya sa Diyos Ama.
2/1/24
photo:https://ithoughtiknewwhatlovewas.com/2018/04/14/jesus-the-greatest-prophet/