May isang university sa US na nag-aaral ng mga kailangang paghahanda para sa anyo ng simbahang Katolika sa darating na mga taon, hanggang sa taong 2050. At kailan pa nga ba maghahanda kundi ngayon? Lalo na at kasalukuyang isinusulong ang isang napakagandang pagkukusa ng simbahan tungo sa sinodalidad o sama-samang paglalakbay ng mga kasapi ng simbahan.
Sa isang pagtalakay, napukaw ang aking isip ng isang paglalarawan ng pagkakaiba ng diin tungkol sa simbahan mula sa iba’t-ibang kultura ng daigdig. Ayon sa speaker, ang mga Katolikong lahing Ingles at Europeo daw ay nagbibigay ng halaga sa simbahan bilang isang gusali. Kaya mapapansin na sa mga bansa sa West, sa Europe at America, naglalakihan ang mga simbahan at katedral, napakagara ng mga disenyo at palamuti, at talaga namang mukhang tampukan ng sining at galing ng mga gumawa nito. Gusto nila na ang kanilang mga simbahan ay maging lugar na nagpapaunlak sa pagpasok ng mga tao at sa pakiramdam na sila ay tinatanggap at kinakalinga pagpasok sa simbahan.
Sa mga kulturang Hispanic naman (Latin America), ang pagpapahalaga sa simbahan ay sa pamamagitan, hindi ng gusali, kundi ng katauhan ng pari. Kahit hindi marangya ang mga simbahan sa mga bansang ito, ang mahalaga sa mga tao ay maipakita sa mga pari ang kanilang paggalang, pagmamahal, at pagsuporta. Malapit ang mga tao sa kanilang mga pari at ganundin naman ang mga pari sa mga tao. Bahagi ang kanilang mga pari ng mga pangyayari sa kanilang buhay na personal, pampamilya, at panlipunan.
Para naman sa mga kulturang Afrikano at Asyano, kabilang na tayo dito, ang mahalaga daw ay ang pamayanan. Nais ng mga Katoliko sa kulturang ganito na maramdaman na buhay ang simbahan, bukas ang simbahan, masaya ang simbahan, nagdiriwang ang simbahan. At dito sa Pilipinas lutang na lutang ito sa mga pagtitipon nating mga Katoliko – masaya, magulo, maraming pagkain, kantahan, at mga gimik.
Kung saan ang diin ng kultura tungkol sa simbahan, doon din dapat bigyang pansin ang paghahanda para sa ikauunlad ng simbahan sa kinabukasan. At doon magmumula ang paghubog sa mga tao upang akayin sa iba pang mga aspekto ng pananampalataya na hindi nila nabibigyang-pansin. Sa Pilipinas, malakas din ang kulturang nagpapahalaga sa pari, bukod sa pamayanan. Minsan nga lang nagdudulot ito ng ibang ugali ng mga pari na binabansagang klerikalismo, iyong naghahanap ng special treatment, special status, sa simbahan; nakakalungkot.
Dahil dito napapaisip ang maraming tao. Kabi-kabila ang mga renovation ng simbahan, ang mga pagsira sa mga maaayos na istruktura para ayusin daw kahit hindi naman kailangan. Kabi-kabila ang mga koronasyon ng mga imahen ng Mahal na Birhen na ginagastusan ng katakut-takot. Nagtatanong ang mga tao: sa hirap ng buhay, dapat ba, ngayong matapos ang pandemya, unahin ang pagbabakbak ng mga gusali para ulitin sa ibang istilo? Bumabangon pa lang ang mga tao sa hirap, ito ba dapat ang priority ng ating simbahan? Oo nga at ang debosyon sa Mahal na Birhen ay mahalaga, pero kailangan lang ba niya ng korona? Hindi ba’t Reyna naman siya sa langit at lupa?
Mabuti sana kung ang mga construction at renovation ay may kasabay na formation ng pamayanan para lumago sa pananampalataya. Mabuti kung ang mga dambana ng Birhen at mga santo ay nagiging tunay na lugar ng malalim na espiritualidad. Na-koronahan nga ang imahen, pero ang hirap namang mag-iskedyul ng kumpisal para sa mga debotong dumadayo. Walang masama kung ideklarang basilica, national shrine, international shrine ang lahat ng simbahan, pero ano ang programang espirituwal, paghubog, paglingap sa mahihirap na dulot ng mga deklarasyong ito? Alam natin na isa sa sakit ng mga Pilipino ay ang pagkahumaling sa mararangyang pista at pagdiriwang at pagkatapos, wala namang follow-up matapos ang pasabog at bonggang gawain. Hindi bawal magsagawa ng mga programang pagsasaayos ng gusali, o pagpapaigting ng debosyon, pero dapat ding lumutang ang inaasam ng mga tao na diwa ng pamayanan na mararamdaman at dadaloy mula sa simbahan.
Kung talagang susulyapan natin ang kinabukasan, ang hinaharap ng simbahan, halimbawa, ang taong 2050, ano nga kaya ang dapat nating pagtuunan ng pansin ngayon. Hindi maikakaila na maraming kabataan ang lumalayo na sa simbahan dahil walang pagpapahalagang akayin sila at palaguin ang kanilang pananampalataya. Maraming mga young couples ang mas nahahalina sa mga worship communities kung saan sila nagkakaroon ng sense of community. Maraming Katoliko ang nakalista sa baptismal registry pero sa ibang mga sekta na sumasamba ngayon. Kaya, anuman ang gawin, dapat mangibabaw na priority ang pamayanan, dahil iyan ang mahalaga sa atin bilang Pilipinong mananampalataya, at diyan din tayo kalimitang mahina.
photo credit: https://livingbulwark.net/christian-community-extended-family-in-christ/