Sa pinakabagong dokumento mula sa simbahan, ang Dignitas Infinita (DI), ang matunog na sagot diyan ay “Oo!” Ang bawat tao ay may karangalan, hindi dahil siya at tao, kundi una, siya ay anak ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Ang dangal ng tao ay hango sa kanyang kaugnayan sa Diyos.
Sa dokumentong ito, ipinaliwanag ang 4 na uri ng dangal ng tao. Bigyang-pansin natin ang mga ito sa paraang madaling maunawaan.
Una, nandiyan ang tinatawag na ONTOLOGICAL DIGNITY. Medyo nakakatakot ang salitang ito at mabigat sa pandinig. Maaaring isalin ito bilang “likas na dangal” ng tao. Bahagi ng pagiging isang tao ang pagkakaroon ng halaga sa mundong ito; kaya nga bawat tao ay may mga karapatan at dapat na igalang; walang tao na maaari na lamang balewalain o bastusin dahil siya ay marangal na nilikha ng Diyos. Itong likas na dangal ang batayan ng lahat ng karangalan at paggalang na ibinibigay natin sa bawat tao.
Ikalawa, nandiyan ang MORAL DIGNITY. Masasabing may “dangal na moral” ang isang tao batay naman sa kaniyang pagkilos. May mga taong marangal kumilos dahil tama ang kanilang ginagawa at may mga taong hindi marangal kumilos dahil pinipili nilang gawin ang mga bagay na alam nilang mali. Bahagi ito ng ating paggamit sa ating sariling kalayaan. Malaya ka ngang gawin anuman ang nais mo, pero tama ba, mabuti ba, maganda ba ang pinipili mong gawin. Ang dangal na moral ay nababawasan kung hindi ginagamit sa tama.
Ikatlo, merong tinatawang na SOCIAL DIGNITY o “dangal panlipunan.” Ayon sa dokumentong DI, makikita ang dangal panlipunan sa kalidad ng buhay ng mga tao. May mga taong nabubuhay sa kondisyon na nakapagpapababa ng kanilang dangal. Halimbawa, ang mga mahihirap sa lipunan, ang mga kumakain ng tira-tira mula sa basura, ang mga inaalipin at inaapi ng kapwa, atbp. – ang mga ito ay dumadanas ng kawalan o kabawasan ng dangal panlipunan hindi dahil sa kanilang pagkatao kundi dahil sa kondisyon ng kanilang buhay, na kalimitan ay hindi naman nila pinili. Kahit ang mga taong walang dangal sa lipunan ay mayroon pa ding likas na dangal sa mata ng Diyos.
Sa huli, nariyan ang EXISTENTIAL DIGNITY. Isa na naman itong mabigat na pananalita at matinding mga kataga. Maaari nating masabi na ito ay “dangal na panloob,” iyong dangal na mismong ang tao ang nakakadama at nakakaranas sa kanyang puso at kalooban. Halimbawa, ang isang taong inapi o dinaya ng kapwa ay makakaranas na tila hindi na siya marangal na tao. Gayundin ang isang nasa gitna ng karanasan ng malubhang sakit, ng magulong pamilya o ugnayan, ng hindi mapigilang adiksyon, minsan pakiramdam nila sa puso nila na parang walang dangal ang kanilang buhay. Subalit kahit mga taong mayayaman at kumportable ang buhay ay dumadanas din ng krisis ng dangal na panloob kapag wala silang kapayapaan, kagalakan, o pag-asa.
Ang dangal ng tao ay hindi batay sa pakiwari ng kapwa niya. Walang sinumang makapanghuhusga na ang isang tao ay walang halaga o saysay sa mundong ito. Ang dangal ng tao ay ibinigay ng Diyos at dapat pagyamanin at gamitin nang tama.
4/22/24
photo credit: https://www.eternitynews.com.au/opinion/the-image-of-god-a-nice-idea-but-what-does-it-really-mean/
