Bagamat hindi naging laganap ang promotion ng tinatawag na Year of Prayer na paghahanda sa Jubilee Year 2025, may ilang mga pagkukusa naman na ginawa sa ilang lugar, karamihan mababaw nga lang. May ilang lugar kung saan hinihimok ng mga obispo ang mga tao na magdasal, isang bagay na ginagawa na ng marami. Tila walang nakakaisip ng mga initiative para tulungan ang mga tao na mahubog sa kahulugan at kahalagahan ng panalangin, dahil sabi nga ni St John Paul II, ang bawat parokya ay isang “school of prayer.” Kaya marami ang alam lamang sa panalangin ay mga sauladong dasal, binabasang dasal, mahahabang dasal na walang puwang sa katahimikan at pagninilay, madaliang dasal tulad ng “Bless us, O Lord” bago kumain, o simpleng pagku-krus na lamang. Mahina na at hindi na dama ang impluwensya ng mga movements na dating nagpaigting ng buhay-panalangin ng mga tao. Tila hindi na uso ang mga Catholic charismatic groups, na tuluyan nang natalo ng mga fellowship tulad ng Victory at CCF. Nasaan na din kaya ang mga Cursillo sa mga parokya? Lumalakas ba ang Legion of Mary, ang Block Rosary Movement, o ang BEC Bible sharing? Kayo na ang bahalang magsuri sa inyong lugar.
Isang bagay na maaaring imungkahi ngayong Year of Prayer ay ang pagdadasal para sa mga pari. Sa totoo lang, marami ang magtatanong: Bakit kailangan sila ipagdasal e sila nga dapat ang nagdadasal para sa amin? Bakit sila kailangang ipagdasal e malapit na sila sa Diyos? Bakit kailangang ipagdasal e lagi namang nagdadasal ang mga pari?
Totoo na bahagi ng misyon ng mga pari na ipagdasal ang mga tao. Pero tandaan nating ang mga pari ay tao din at kung ano ang kailangan ng mga karaniwang tao, ganun din naman sa kanila. Hindi superman ang mga pari, tulad ng akala ng iba. Dapat silang ipagdasala na maging matatag, masigasig, at matapat sa paglilingkod kay Kristo at sa kapwa. Maraming mga Katoliko ang walang pakialam sa mga pari. Basta ang alam lang nila, kapag kailangan ng pamisa, binyag, kumpisal at anointing, tiyak may pari na gagawa nito kapag nag-request ka sa simbahan. Higit sa lahat ng suporta, kailangan ng mga pari na maramdamang pinahahalagahan sila ng mga tao, hindi sa pamamagitan ng regalo, pagkain, salapi, o papuri, kundi sa pamamagitan ng tapat na panalangin na sila ay patnubayan lagi ng Diyos.
Totoo din na dahil sa kanilang buhay, ang pari ay malapit sa mga hiwaga ng Diyos na nasa mga sakramentong kanilang ipinagdiriwang. Malapit ang Diyos sa mga pari, tulad ng malapit ang Diyos sa lahat ng kanyang mga anak. Pero ang mga pari din ay malapit… sa mga tukso! Bakit? Dahil bilang tao, marami silang kahinaan. Nasasaktan ang pari sa mga masasamang salita. Nababagabag ang pari sa pambabastos ng ilang mga parishioner. Nalulungkot sila kapag walang pagkakaisa ang pamayanan at hindi umuusad ang mga plano para sa mga tao. Kaya marami sa mga pari ang naghahanap ng lugod sa ibang bagay. Natutukso silang magkulong na lang sa kumbento, na mag-aksaya ng oras sa internet, na maging tamad sa pagtanggap ng trabaho, na gawing priority ang pera, na mamuhay binata o milyonaryo. Malapit ang Diyos sa mga pari, pero hindi lahat ng pari ay malapit sa Diyos. May ibang mga bagay, maraming bagay na mas gustong lapitan ng mga pari. Dahil marupok at mahina din sila. Kaya kailangan ng kapangyarihan ng panalangin ng mga nagmamalasakit.
Totoo din na inaasahan sa mga pari na sila ay laging nagdadasal. Tiyak na totoo ito sa mga pari sa loob ng monasteryo kung saan nakatakda ang mga oras ng panalangin. Maraming mga pari ang hindi na nagdadasal tulad nang natutunan nila sa seminaryo o itinatak sa isip nila sa kanilang formation. Dati may survey na ang unang binibitawan ng isang bagong ordenang pari ay ang kanyang buhay panalangin. Dahil karamihan sa mga paring kilala natin ay nasa parokya, school, o opisina, bukod sa pagmimisa nila, maraming mga pari ang nakakalimot na sa tunay na personal na panalangin. Pansinin ninyo ang mga parokya, hindi ba’t maraming regular na nasa adoration chapel na parishioners pero bihirang o baka ‘never’ makita ang pari na naglalaan ng oras doon? Hindi lahat ng pari ay nagro-rosaryo araw-araw tulad ng mga manang sa simbahan. Hindi lahat ng pari ay nagkukumpisal taun-taon tulad ng akala ng marami. Hindi lahat ng pari ay nagbabasa ng Bible para sa kanilang personal na pakikiniig sa Diyos. Marami ang kulang sa buhay-panalangin o nanlamig na dito.
Kaya ngayong Year of Prayer, para sa mga taong tapat manalangin, ugaliin nating ipagdasal ang mga pari. Alam natin ang kahalagahan ng mga pari sa pamayanang Katoliko. Kung mahal natin ang simbahan, ipagdasal natin ang mga namumuno sa atin na mapuno ng kabanalan.
4/23/24
photo credit: https://www.davaocatholicherald.com/2022/02/why-we-should-pray-for-our-priests/
