Naibigan ng Panginoong Hesukristo na tuklasin ang malalim at mabathalang kahulugan ng mga bagay sa kalikasan, sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga kahanga-hangang katangian ng mga ito, na madalas hindi napansin ng ibang tao: ang mga damo sa parang at ang mga bulaklak na mas marangya pa ang kasuotan kaysa hari (Lk 12: 27-28), ang mga halamang tambo na humahapay sa hangin (Lk 7: 24), ang minsang madilim at minsang maaliwalas na langit (Mt. 16:2), ang hinog na trigo na malapit nang anihin (Jn 4: 35), ang makipot na pintuan (Mt 7: 13-14), ang kidlat na gumuguhit sa kalangitan (Mt. 24: 27), ang ilaw na nagliliwanag sa kadiliman (Jn 1: 5, 8:12, 12: 35, 35-36f), pati mga payak na hayop na karaniwan sa atin: ang inahing manok (Mt 23: 37), ang mga ibong pinapakain ng Diyos Ama (Mt 6: 26), ang maamong kalapati (Mt 10: 16), ang mga maamong tupa (Jn 10), at iba pa. Anumang bahid ng kagandahan ay sapat na para mapaligaya ang Panginoong Hesus. Bawat galaw ng kalikasan ay tila naghatid sa kanya ng mensahe ng Ama, kaya’t nagawa niyang ihayag ang sarili niya sa pamamagitan ng mga larawan ng mga umiiral na bagay sa kalikasan at sangnilikha…
Ako ang tubig na magbibigay ng buhay na walang hanggan… (Jn 4: 13/ 7:38)
Ako ang liwanag… (Jn 8: 12)
Ako ang daan… (Jn 14: 6)
Ako ang tinapay… (Jn 6: 35)
Ako ang bato… (Mt 21: 42)
Ako ang pintuan… (Jn 10:7)
Ako ang rosas sa Saron… (Awit ni Solomon 2:1)
Sa kanyang sariling pagtugon sa bawat kagandahan ng kalikasan, ginagawa tayo ni Hesus na mas mulat sa mga ito, at ipinapakita niya sa atin kung paano ba natin dapat ituring ang mga ito.
Ang Diyos ay nasasa-atin at ang Diyos ay nasasa-kalikasan na kanyang kapwa nilikha. Nagdadala ito ng isang mabathalang pagkakaugnay ng sangnilikha (transcendent synchronicity). Ang pulso ng sangnilikha ay sumasabay sa pulso ng ating puso. Dahil dito, nadarama natin ang Diyos sa lahat ng ito; una sa ating puso, pagkatapos sa huni ng ibon, sa lagaslas ng ulan, sa indayog ng dahoon, sa pag-iyak ng sanggol, at maging sa tambutso ng motorsiklo at ugong ng refrigerator. Lahat ay pulso ng Diyos… saanman at sa anuman… Narito ang mabuting espiritung tinutukoy ni San Ignacio, ang kilos na banayad, kahanga-hanga, maselan… Malapit ang Diyos at abot-kamay…
5/2/24
photo credit: fr tam nguyen