Skip to main content

APARISYON AT IBANG MGA KABABALAGHAN: PAANO UNAWAIN?

 


 


 

Naglabas ang simbahan ng mga bagong patakaran sa pagsusuri sa mga nababalitang aparisyon ng Mahal na Birhen at iba pang mga kababalaghang kaugnay ng pananampalataya ng mga tao at mga deboto (NORMS FOR PROCEEDING IN THE DISCERNMENT OF ALLEGED SUPERNATURAL PHENOMENA, Mayo 17, 2024). Sinabi dito na kailangan ang pag-iingat sa pag-aaral ng mga nasabing mga kaganapan upang hindi maligaw ang mga tao sa pananampalataya at magabayan sila sa tamang debosyon at paniniwala.

 

Sa mga bagong patakaran, may anim na maingat na pahayag o pasya ang maaaring ilapat sa mga napababalitang mahiwagang kaganapan matapos pag-aralan at suriin ang mga ito. Narito ang mga posibleng pasya:

 

NIHIL OBSTAT ("walang humahadlang"): Bagamat wala pang katiyakan sa pangyayari na magiging huling pasya ng simbahan, ang isang kababalaghan ay maaaring kakitaan ng mabuting ibubunga sa espirituwal at pastoral na buhay ng mga tao, at maaaring gawin ng isang obispo na tumulong upang mapalaganap ang isang debosyon, tulad ng pagpayag at paghikayat sa pagdalaw o pilgrimage sa lugar kung saan ito sinasabing nagaganap. Sa bandang huli, tanging ang Santo Papa lamang ang may karapatan at kapangyarihang magpahayag kung ang kaganapan ay tunay na maituturing na supernatural o mula sa Panginoong Diyos.

 

 

PRAE OCULIS HABEATUR ("kailangang magmasid"): Sa pasyang ito naman, may pagkilala sa mga positibong tanda na kalakip ng sinasabing aparisyon o himala, subalit may nakikita ding mga bagay na dapat pang kilatisin nang malaliman upang hindi magdulot ng kalituhan sa mga tao.

 

 

CURATUR ("binabantayan"): Sa pahayag na “curatur,” may napatunayan na mga mabubuting bungang espirituwal ang kaganapan at hindi makakabuting ipagbawal ang debosyon ng mga tao, pero ang obispo ng lugar ay hindi manghihikayat na tangkilikin ang sinasabing himala at sa halip ay dapat gumawa ng mga ibang paraan ng debosyon na makapag-aakay sa mga tao sa mas mayamang espirituwal at pastoral na pagpapayabong ng pananampalataya nila.

 

 

SUB MANDATO ("nasa ilalim ng pangangasiwa"): Ang pasyang ito ay ibibigay sa isang itinuturing na kababalaghan kung saan may tao, pamilya, o grupo na tiyak na gumagalaw sa likod ng pangyayari upang gamitin sa mali  o kaya ay kasangkapanin ang mga tao para sa kanilang pansariling motibo.

 

   

PROHIBETUR ET OBSTRUATUR ("ipinagbabawal at hinahadlangan"): Dito ang pangyayaring napabalita ay mayroon ngang mabuting mga sangkap subalit mayroon ding mga seryosong panganib na kaakibat ng pagsunod o paniniwala sa kaganapan. Ang obispo ng lugar ay dapat gumawa ng hakbang upang maiwasan ang kalituhan o eskandalo, at magpahayag na hindi dapat paniwalaan ang kaganapan, kaya ipagbabawal niya ito. Dapat din siyang mabilis na gumawa ng paraan upang maturuan ang mga tao ng tamang katekesis at aral upang magabayan sila sa pang-unawa sa pasya niya at maakit sila sa higit na tamang espirituwal na landas.

   

DECLARATIO DE NON SUPERNATURALITATE ("pasya na ito'y hindi supernatural o mula sa Diyos"): Ang pasyang ito ay naglalaman ng konklusyon ng masusing pag-aaral kung saan napatunayan na ang sinasabing aparisyon o himala o kababalaghan ay hindi nag-uugat sa Diyos, at hindi isang milagro.

 

Nilinaw ding ng dokumento na ang mga aparisyon, himala o kababalaghan, kahit pa ang mga ito ay tinanggap at pinagtibay ng simbahan, ay hindi ang pinakamahalagang batayan ng pananampalataya. Ang pagpapahayag ng Diyos sa pamamagitang ng kanyang Anak, ang ating Panginoong Hesukristo ang kumpleto o ganap na pagbubunyag ng kalooban ng Diyos at sapat na ito para sa lahat ng kailangang mabatid tungo sa kaligtasan at kabanalan. Ang mga supernatural na pangyayari ay mga “tulong” lamang upang mapalalim ang pananampalataya at pang-unawa ng mga tao sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Bahagi ang mga ito ng patuloy na pagkilos ng Espiritu Santo sa puso ng mga mananampalataya at sa buhay ng simbahan.

 

 5/18/24

photo:  https://media.ascensionpress.com/2020/05/30/the-ultimate-guide-to-marian-apparitions/


Popular posts from this blog

MALI BA SI CARDINAL AMBO DAVID?

    Nagkagulo na naman ang mga Katolikong mabilis mataranta at ito ay dahil sa pahayag ni Cardinal Ambo David sa isang panayam na ibinigay niya sa isang conference. Nasabi kasi ng Cardinal ang ganito: “Huwag kayong maniniwala na ang kaligtasan ay para sa mga Katoliko lamang. Hindi ka Katoliko kung ang iniisip mo na ang maliligtas ay Katoliko lamang. Ang kaligtasan ay laan para sa lahat… sa buong sangkatauhan.”   Nag-alala ang ilan at naisip na baka daw maraming magsi-alisan sa pagiging Katoliko dahil maliligtas naman pala kahit hindi Katoliko. Baka din daw isipin ng ilang nagbabalak maging Katoliko na huwag ituloy dahil hindi naman pala ganoon kahalaga maging Katoliko. May mga nagalit, may mga nasaktan, may mga nagbintang na mali ang turo ng Cardinal tungkol dito.   Pero tingnan natin kung ganito ang sinabi ng Cardinal, magiging tama kaya ang lahat? Halimbawa ganito niya sinabi: “Maniwala kayo na tayong mga Katoliko lamang ang maliligtas...

Wala Ka nang Pag-asa?

    May mga pagkakataon bang nasabi mo sa sarili mo: Wala na akong pag-asa! Huli na ang lahat! Hindi na ako makakahabol! Wala nang magagawa pa! Hopeless situation na!   Subalit ang ganitong pakiramdam ay hindi tunay na pagkawala ng pag-asa. Natural sa mga tao ang manlumo (ma-depress sabi natin ngayon), dahil sa panghihinayang at pagkukulang. At sa mga panahong ganito ang damdamin natin, mas matingkad ang katotohanan na darating muli ang pag-asa at papalitan nito ang mga huwad na nagpapanggap na pag-asa – ang “sana” at ang “ok lahat.”   Ang “sana” (o mas palasak ngayon, “sanaol” ay katumbas ng tinatawag sa Ingles na “wishful thinking.” Ito iyong hinagap na makakamtan mo lahat ng hangarin mo; wala itong kinalaman sa pag-asa. “”Sana” tumama ako sa lotto; “sana” gumanda ang buhay ko ngayon.” Wala itong batayan sa katotohanan dahil ito ay isang guni-guni lamang. Mapalad ka kung maganap ang “sana” sa buhay mo.   Ang “ok lahat” ay katu...

MGA AKLAT SA LUMANG TAHANAN

    Madaling araw nang umalis ng probinsya ang aking inaanak at ang aking kaibigan gamit ang sasakyan na lulan ang aking sangkatutak na koleksyon ng mga aklat o libro. Karamihan sa mga librong ito ay pinag-ipunan ko at pinagsikapang bilhin sa ibang bansa lalo na sa Europa noong nag-aaral pa lamang ako doon. Kaya mahalaga sa akin at hindi ko agad mabitiwang ipamigay ang mga ito kahit ang mga iba dito ay luma na dn. Subalit kailangang ilipat na sa bago kong tirahan ang mga aklat dahil ang tahanang kinalakihan ko, ang tahanang puno ng kasaysayan ng aking Kabataan ay ipinagbili na at iba na ang nagmamay-ari nito.   Dahil wala na akong mga magulang, ang tanging kaugnayan ko na lamang sa dating bahay naming ay ang mga librong nakalagak doon. Ngayon sa wakas, masasabi kong naputol na, napatid na ang kahuli-hulihang pisi na humahatak sa akin paminsan-minsang umuwi sa tahanan ng aking mga nasirang magulang.   Ano ba ang tahanan? Karaniwang iniis...