Madalas tayong tanungin kung ano ang kaluluwa, ano ang itsura nito, ano ang timbang, ano ang kulay, kung nakikita ba o talagang nagpaparamdam ba ito sa mga tao. Mahirap ipaliwanag ang kaluluwa kasi hindi nga ito nakikita ng mata dahil ito ay espirituwal na bahagi ng tao, hindi materyal, pero kasing-totoo at higit pa ngang totoo dahil hindi ito nawawasak ng kamatayan.
Sa pagbabasa ko kay Ron Rohlheiser, naliwanagan ako sa paliwanag niya sa kaluluwa. Ang kaluluwa daw ay ang batayan ng buhay at ng sigasig, ang “apoy” (principle of life and energy) ng tao at ang batayan ng pagkaka-buo, ang “pandikit” (principle of integration) ng tao.
Mas madali itong maunawaan kapag nakakita ka na ng taong namamatay o namatay. Ang taong naghihingalo ay may buhay pang ipinaglalaban kaya makikita mong kumikilos, umuungol, umiiyak, lumuluha, nagsasalita. Kahit bahadya man, may lakas o sigasig pa itong sinisikap na panghawakan. Pero sa sandaling bawian ng buhay, sa sandaling kumalas ang kaluluwa sa katawan, mapapansin na ang naghihingalo ay titigil nang magpakita ng kilos, ng damdamin, ng komunikasyon sa mga nakapaligid sa kanya. Wala na ang kaluluwa kaya wala nang bahid ng buhay at lakas; wala na siyang “apoy.”
Gayundin, ang taong buhay ay taong buo, buo ang katawan, buo ang mga bahagi, buo ang pagkatao. Sa punto ng kamatayan, kapag umalis ang kaluluwa sa katawan, ang pagkaka-buo ng tao ay unti-unting nauuwi sa paghihiwalay. Ang dating isang buong tao, ngayon ay isa nang kumpol ng mga bahagi na kanya-kanya nang maaagnas, matutuyot, mabubulok. Bawat maliit na cell ng katawan ay unti-unti nang bibitaw sa iba pang mga cell at molecule. Wala nang “pandikit” na mag-uugnay sa bawat bahagi ng katawan.
Hindi lamang sa kamatayan nawawala ang kaluluwa ng tao. Sabi ng Panginoong Hesukristo, ano daw ang mapapala ng isang tao kung kamtin man niya ang buong mundo subalit mapahamak naman ang kanyang kaluluwa/ sarili (Mk 8: 36). Kahit buhay pa pala ang tao, kahit pa nga nasa kanya na ang lahat ng bagay, maaari pa ring mawala o mapahamak ang kaluluwa. Paano? Kapag nawala ang batayan ng buhay, ang “apoy” o nawala ang batayan pagkakabuo ng tao, ang “pandikit.”
Mahalagang alagaan ang kaluluwa habang nabubuhay tayo. Kumustahin ang “apoy” sa puso mo. Nawawala na ba ang lakas, pag-asa, kabutihan, pananampalataya? Sa halip nito, tila ba lumalakas ang galit, panlalamig, pag-iwas sa kapwa, pagwawalang-bahala o walang pakialam sa mundo o sa kapwa-tao? Kumustahin ang “pandikit” sa kaluluwa mo. Ang mga pinagkakaabalahan mo ba ay nagdadala sa iyo sa pagkapagod, depresyon, kawalan ng kahulugan at misyon; nagiging kalat ba ang isip at kilos mo; nalalayo ba sa Diyos at sa kapwa? Ang kalaban ng apoy ng kaluluwa ay ang panlalamig ng kaluluwa… ang kalaban ng pandikit ng kaluluwa ay ang pagiging kalat at walang direksyon… Alagaan ang kaluluwa…
5/2/24
photo: fr tam nguyen