Madalas nating marinig ngayon ang mga salitang “manifest” o “manifesting.” Kapag may gusto ang isang tao na maganap sa kanyang buhay, sasabihin, ima-manifest daw niya sa universe para makamit niya ito. Kapag may magandang nangyari naman, bunga daw ito ng pagma-manifest niya sa bagay na iyon. Isang pinsan ko ang nagmungkahi sa akin na kung mayroon akong gusto, basta i-manifest lang.
Ano ba itong bagong trend na “manifesting?” Bahagi ito ng isang bagong kaalaman na may kinalaman sa sumikat na aklat na The Secret. Nabasa ko ang aklat na ito at napanood din ang dokumentaryo tungkol dito. Ang “secret” na tinatawag ay ang “law of attraction.” Kung ano ang nais mo, gawan mo ng paraan na i-attract ito sa iyong buhay, akitin ito sa iyong buhay, sa pamamagitan ng isip mo.
Nais mo ng isang malaki at magandang bahay? Lagi mo itong iisipin na magaganap para sa iyo. Nais mo ng tagumpay sa negosyo o propesyon? Lagi mong isaloob na yayaman ka o tataas ka sa posisyon. Lahat ng iniisip mo, iyan daw ang ibinibigay sa iyo ng universe. Basta akitin mo patungo sa iyo ang mga nais mo, magaganap ito dahil ito ang hinihila mo sa sarili mo. Ngayon kung laging negatibo ang iniisip mo at isinasaloob mo, patay na; iyan naman ang lalapit sa iyo.
Pansining mabuti: sa manifesting, ang gumagana ay utak mo, ang saloobin mo. ikaw ang may hawak ng kahihinatnan ng buhay mo. Ikaw ang bida dito. At ang universe din, syempre. Ang universe ay ang tila puwersang makikinig at makikiramdam sa lagi mong minimithi o pinapangarap. May kapangyarihan ang universe na tuparin ag nasa isip at puso mo.
Bilang mga Kristiyano, makikita na natin agad ang panganib sa pananaw na ito. Ang buhay mo ay nakasalalay sa sarili mo, lalo na sa sarili mong isip at kalooban. Huhugot ka ng lakas at kapangyarihang matupad ang lahat mula sa universe. Napansin ba ninyo, na walang binabanggit na Diyos, dito. Ikaw ang sentro, ang universe ang kakampi mo.
At ito ang kaibahan ng panalangin. Sa panalangin, alam mo na lahat ng bagay ay nasa kamay at kalooban ng Panginoon. Hindi masamang ipahayag ang iyong nais, ang gusto mo, ang pangarap mo sa harap ng Diyos. Mas maganda nga na sabihin sa Kanya lahat ng iyan; magandang isipin lagi ang mga bagay na iyan; magandang maging positive thinker. Pero bilang mga Kristiyano, hindi sa iyong isip nakasalalay ang katuparan. Lahat ay biyayang dadaloy mula sa kamay ng Panginoon. Healing, kayamanan, tagumpay, katanyagan, o katiyakan man sa buhay – lahat ng ito ay Diyos ang makapagbibigay sa iyo sa lakas ng pananampalataya mo at sa tulong ng pagsisikap mo sa buhay. Magsisikap ka, magta-trabaho ka, kikilos ka dapat – pero sa lahat ng oras nakasandig ang iyong tiwala at pag-asa sa Panginoon (Mk 4: 26ff).
Ang manifesting ay hindi din realistic o makatotohanan. Dahil kahit ano pa ang isipin o akitin ng iyong damdamin, hindi laging mabuti ang karanasan ng tao. Dahil mortal o marupok ang ating pagkatao, dadapo at darating ang mga pagsubok, sakit, pagkatalo, pagkabigo at iba pang mga hadlang sa buhay. Iwaglit mo man iyan sa isip mo, darating iyan dahil may hangganan ang buhay ng tao. Pero sa panalangin, anumang pagsubok ay kinikilalang paraan ng Diyos upang hubugin tayo, turuan tayo, liwanagan tayo, padalisayin tayo at palaguin at patatagin pa tayo. Hindi natin iwinawaglit o iniiwasan ang mga negatibo sa buhay dahil alam nating sa kabila ng mga iyan ang mananaig ay ang awa, pag-ibig, at kalooban ng Amang Mapagpala at Mapagmahal.
Hindi Kristiyanong kaisipan ang manifesting. Pero, napatunayan nang mabisa ang panalangin. Kaya, saan ka pa, kundi doon sa subok na! Start to pray, do not manifest!
5/14/24
photo: https://positiveaffirmationscenter.com/prayer-for-manifesting/