Bahagi ng 2024 na deklarasyon ng simbahan ukol sa mga diumano’y mga aparisyon at iba pang mga kababalaghan ang ilang batayan kung paano makikilatis ang kanilang pagiging tunay; narito ang apat na tanda ng mula sa Diyos (supernatural) ang mga ito:
Una, ang kredibilidad o mabuting reputasyon ng tumanggap ng kababalaghan at ng iba pang mga saksi dito;
Ikalawa, ang tamang doktrinang kaakibat ng anumang mensahe mula sa aparisyon o sa pangitain;
Ikatlo, ang hindi maipaliwanag na likas ng kababalaghan; ibig sabihin walang patunay na natural o tao lamang ang pinagmumulan nito;
Ika-apat, ang pangyayari ay nagbunga ng espirituwal na kabutihan sa mga tao, sa tumanggap nito at sa mga nahikayat na maniwala dito.
Ayon sa dokumento, ang Panginoong Hesukristo ang siyang kaganapan at katuparan ng lahat ng pagbubunyag ng Diyos. Lahat ng nais ng Ama na ibunyag ay ginawa na niya sa Anak, ang Salitang Nagkatawang-tao sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria. Matapos kay Kristo, wala nang iba pang inaasahang pagbubunyag tungkol sa kaligtasan ng sanlibutan. Bagamat, ang Espiritu Santo naman ay patuloy na kumikilos sa kasaysayan at tumutulong magpalalim ng pang-unawa ng mga tao sa pagbubunyag na ginawa ng Diyos. Kabilang sa kilos na ito, pagka-minsan, ay ang mga kakaibang karanasan na mula sa Diyos o supernatural, at itinuturing na mga “pribadong pagbubunyag.”
Ang mga pribadong pagbubunyag ay hindi bahagi ng Deposito ng Pananampalataya na kumpleto na at naganap na sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo at ng kanyang simbahan. Kaya ang mga pribadong pagbubunyag, tulad ng aparisyon, pangitain, o iba pang pagpapahayag ng Diyos ay hindi sapilitang dapat paniwalaan ng mga mananampalataya, kahit pa malakas ang debosyon ng simbahan sa mga ito, at kahit pa may kaakibat na mga kapistahan sa ating kalendaryo. Ang mga ito ay hindi bahagi ng nakumpleto nang pagbubunyag at hindi din bahagi ng opisyal na mga turo ng simbahan.
Ang mga ito ay itinuturing na mga “tulong” sa pagpapalalim, pang-unawa, at pagsasabuhay ng mga aral ng Diyos sa personal at pangaraw-araw na buhay ng mga tao.
Maaaring maging mabuting Katoliko na ang tanging pinanghahawakan ay ang Salita ng Diyos, ang Tradisyon (mga aral) ng simbahan, ang tinig ng mga pastol (magisterium), at ang mga Sakramento – sapat na iyan. Subalit maraming bunga ng kabanalan at katapatan din ang dulot ng debosyon sa Rosaryo, sa Eskapularyo, sa pinagtibay na mga aparisyon (tulad ng Lourdes, Fatima, Guadalupe, atbp.), sa mga mensahe ng mga santo, at maraming pang yaman ng pananampalataya. Bagamat kahit wala ng mga ito, mananatili pa din tayong tapat ng mga Katoliko.
5/26/24
photo: https://www.irishtimes.com/news/social-affairs/religion-and-beliefs/virgin-mary-apparitions-remembered-30-years-on-1.2321273