Skip to main content

MENSAHE SA MAY MENTAL HEALTH PROBLEM

 



 

Napakaraming mga tao ngayon ang dumaranas ng mental health problems. Iba’t-iba ang uri ng karamdamang pangkaisipan: nariyan ang depresyon, anxiety o lubhang pagkabahala, stress disorder, eating disorder, iba’t-ibang adiksyon, pag-iisip ng suicide, at marami pang iba. Nakakalungkot lamang na marami din sa mga nagdurusa nito ang walang matakbuhan o makausap man lamang dahil kulang ang ating pang-unawa sa ganitong kalagayan.

 

Akala ng iba ay drama lamang ito. Sabi ng iba, iniisip lang daw ito. Lakasan lang daw ang loob o kaya tibayan ang pananampalataya. Mahirap pa, minsan sa pari dinadala para i-pray over. Walang masamang basbasan ng pari ang maysakit, subalit dapat tandaang hindi basbas ang magpapagaling sa taong ito kundi tulong na propesyunal tulad ng counseling, therapy at konsulta sa mga eksperto. Bahagi ang pananampalataya ng paggaling ng tao, dahil nagpapalakas ito ng loob at nagbibigay pag-asa, subalit nais ng Diyos na gamitin natin ang mga lunas  na mula sa siyensya na siya din ang pinagmulan kung tutuusin. Lahat ng biyaya ng teknolohiya at agham ay kabutihang kasangkapan ng Diyos sa ating buhay.

 

Isa pang mahirap na binubuno ng mga may mental health problem ay iyong tinatawag na stigma o kalakip na pagpapahiya o pagturing ng negatibo sa kanila ng kapwa tao. sinasabing sira-ulo daw, may kulang sa turnilyo, nalipasan ng gutom, nasawi sa pag-ibig, nawalan ng bait, at iba pang uri ng masasakit na salita. Kaya tuloy ikinakahiya sila maging ng kanilang mga pamilya at pilit na itinatago sa iba, kung hindi man itaboy sa tahanan.

 

Sa mata ng pananampalataya, hindi dapat ganito ang turing sa mental health isyu. Noong 1996, sinabi ni St. Pope John Paul II na ang bawat taong ay karamdaman sa pag-iisip ay laging taglay pa din ang pagiging “kawangis ng Diyos.” Dahil dito, sila ay mga anak ng Diyos tulad ng lahat ng tao, at dapat igalang at ituring ng tama ayon sa puso ng Panginoon. Dapat daw silang tulungan at gabayan hanggang maka-ahon sa kondisyong ito dahil sila ay bahagi ng mga dukha na mahal ng Panginoon. Mismong ang Panginoong Hesukristo ang nagmahal at nagpagaling sa mga maysakit; ang kanilang paghihirap ay laging kaugnay ng paghihirap ng Panginoon para sa kaligtasan ng daigdig.

 

Sinabi naman ni Pope Benedict XVI na kailangang tulungan ang mga may mental health problem dahil lumalala ang situwasyong ito sa mundo ngayon; dumarami ang nakakaranas nito dahil sa mga pangyayari sa buhay at sa kasaysayan. Napansin niyang ang mga may karamdamang ganito ay lalong lantad sa pangungulila, sa kawalang ng suporta ng pamilya at Lipunan, at ang pagsasantabi at pagsasawalang-bahala sa kanila ng kapwa.

 

Sinabi naman ni Pope Francis na lahat ng nagdaranas ng mental health sickness ay tao pa din na minamahal at kinakalinga ng Diyos. Kahit pa anong pagkawasak ng buhay ng tao dahil sa bisyo, o maling pasya, o kagagawan ng iba, ang Diyos ay nasa puso pa din niya. Kahit libot daw ng tinik at dawag ang buhay ng isang taong may problema sa kaisipan, may mabuting binhi pa ding tutubo sa kanyang buhay.

 

Inamin ni Pope Francis at hindi niya ikinahiya na noong isa siyang bata-bata pang pari, siya mismo ay naghanap ng tulong ng isang psychologist upang makayanan niya ang mga pagsubok ng kanyang buhay bilang superior ng mga Jesuits sa Argentina. Nabawasan ang kanyang anxiety o  lubhang pag-aalala at stress at naturuan siya kung paano ang tamang gawin sa pagharap sa mga situwasyon ng hamon sa buhay.

 

Hinimok niya ang lahat na huwag mahiya na humingi ng tulong kapag nakakaramdam ng anumang pagkabagabag sa isipan. Dapat din daw na ang mga pari ay magkaroon ng konting kaalaman sa psychology upang maunawaan ang pinagdadaanan ng mga taong may kondisyon sa mental health.

 

Sa bagong dokumentong Dignitas Infinita, sinabi dito na isa sa mga kailangang ayusin sa larangan ng dangal ng tao ay ang pagkabawas ng dangal dahil sa pagtataboy sa mga may mental health disability. Hindi dapat itapon, itaboy, o itago ang mga taong nagdurusa dahil sila ay kabilang sa mga pinaka-kawawa sa Lipunan. Walang anumang bahid ng imperfection ang maaaring bumura sa dangal ng isang tao.

 

Kaya kung ikaw ay may mental health problem ngayon, tandaan mong mahal ka ng Panginoon at nais niya ang iyong patuloy na paghilom ng puso, isip, at damdamin. Sana matagpuan mo ang mga taong makatutulong sa iyo. Huwag mawawalan ng pag-asa; huwag mawawalan ng pananampalataya. Pagpalain ka ng Panginoon!

 

 6/24/2024

photo:https://www.washingtonpost.com/health/covid-pandemic-helped-depression/2020/10/09/59bfd000-e7a6-11ea-970a-64c73a1c2392_story.html

Popular posts from this blog

MALI BA SI CARDINAL AMBO DAVID?

    Nagkagulo na naman ang mga Katolikong mabilis mataranta at ito ay dahil sa pahayag ni Cardinal Ambo David sa isang panayam na ibinigay niya sa isang conference. Nasabi kasi ng Cardinal ang ganito: “Huwag kayong maniniwala na ang kaligtasan ay para sa mga Katoliko lamang. Hindi ka Katoliko kung ang iniisip mo na ang maliligtas ay Katoliko lamang. Ang kaligtasan ay laan para sa lahat… sa buong sangkatauhan.”   Nag-alala ang ilan at naisip na baka daw maraming magsi-alisan sa pagiging Katoliko dahil maliligtas naman pala kahit hindi Katoliko. Baka din daw isipin ng ilang nagbabalak maging Katoliko na huwag ituloy dahil hindi naman pala ganoon kahalaga maging Katoliko. May mga nagalit, may mga nasaktan, may mga nagbintang na mali ang turo ng Cardinal tungkol dito.   Pero tingnan natin kung ganito ang sinabi ng Cardinal, magiging tama kaya ang lahat? Halimbawa ganito niya sinabi: “Maniwala kayo na tayong mga Katoliko lamang ang maliligtas...

Wala Ka nang Pag-asa?

    May mga pagkakataon bang nasabi mo sa sarili mo: Wala na akong pag-asa! Huli na ang lahat! Hindi na ako makakahabol! Wala nang magagawa pa! Hopeless situation na!   Subalit ang ganitong pakiramdam ay hindi tunay na pagkawala ng pag-asa. Natural sa mga tao ang manlumo (ma-depress sabi natin ngayon), dahil sa panghihinayang at pagkukulang. At sa mga panahong ganito ang damdamin natin, mas matingkad ang katotohanan na darating muli ang pag-asa at papalitan nito ang mga huwad na nagpapanggap na pag-asa – ang “sana” at ang “ok lahat.”   Ang “sana” (o mas palasak ngayon, “sanaol” ay katumbas ng tinatawag sa Ingles na “wishful thinking.” Ito iyong hinagap na makakamtan mo lahat ng hangarin mo; wala itong kinalaman sa pag-asa. “”Sana” tumama ako sa lotto; “sana” gumanda ang buhay ko ngayon.” Wala itong batayan sa katotohanan dahil ito ay isang guni-guni lamang. Mapalad ka kung maganap ang “sana” sa buhay mo.   Ang “ok lahat” ay katu...

MGA AKLAT SA LUMANG TAHANAN

    Madaling araw nang umalis ng probinsya ang aking inaanak at ang aking kaibigan gamit ang sasakyan na lulan ang aking sangkatutak na koleksyon ng mga aklat o libro. Karamihan sa mga librong ito ay pinag-ipunan ko at pinagsikapang bilhin sa ibang bansa lalo na sa Europa noong nag-aaral pa lamang ako doon. Kaya mahalaga sa akin at hindi ko agad mabitiwang ipamigay ang mga ito kahit ang mga iba dito ay luma na dn. Subalit kailangang ilipat na sa bago kong tirahan ang mga aklat dahil ang tahanang kinalakihan ko, ang tahanang puno ng kasaysayan ng aking Kabataan ay ipinagbili na at iba na ang nagmamay-ari nito.   Dahil wala na akong mga magulang, ang tanging kaugnayan ko na lamang sa dating bahay naming ay ang mga librong nakalagak doon. Ngayon sa wakas, masasabi kong naputol na, napatid na ang kahuli-hulihang pisi na humahatak sa akin paminsan-minsang umuwi sa tahanan ng aking mga nasirang magulang.   Ano ba ang tahanan? Karaniwang iniis...