Sa pamamagitan ng isang dokumento, ang “The Queen of Peace: Note About the Spiritual Experience Connected with Medjugorje,” binigyan na ng Vatican ng pahintulat at paghikayat ang mga debosyong nagaganap sa Medjugorje, isang munting bayan sa Bosnia-Herzegovina, bahagi ng dating Yugoslavia. Dito sinasabing may 6 na bata na nakakita ng aparisyon ng Mahal na Birheng Maria sa ilalim ng titulo na “Reyna ng Kapayapaan.” Nagpapatuloy ang sinasabing mga pagpapakita ng Mahal na Birhen magpahanggang ngayon. At sa haba ng panahon, nagkaroon ng maraming kontrobersya, pagtatalo, at alitan tungkol sa pagiging tunay ng aparisyon na ito.
Sa kabila ng lahat ng mga isyu na nakapalibot sa Medjugorje, dagsa ang mga tao na gumaganap ng mga pilgrimage sa mga orihinal na lugar sa bayan na may kinalaman sa aparisyon. Hindi naging madali ang mga panukala tungkol sa aparisyon lalo na nang maging ang mga pinuno ng simbahan ay nagpahayag ng alinlangan sa katotohanan ng aparisyon, ng mga himala, at ng mga mensahe mula sa mga visionaries. Hindi naman mapigilan ang mga tao na maniwala at magtiwala na may kakaibang nagaganap sa lugar sa tulong ng Mahal na Birhen.
Sa wakas, sinang-ayunan ng Vatican at may pahintulot ni Pope Francis, ang debosyon sa Panginoong Hesus at sa Mahal na Birhen kaugnay ng aparisyon. Ito ay dahil daw sa maraming mga positibong bunga ng pagdalaw ng mga tao sa lugar, at maging sa mga hindi dumadalaw dito subalit nagdebosyon sa diwa ng Medjugorje. Marami ang nagkaroon ng pagbabagong-loob, pagsisisi, pagbabalik sa pananampalataya o pag-anib sa simbahan, pagdulog sa mga sakramento, pagkilatis ng bokasyon sa pagpapari at pagmamadre, at pagpapatibay ng buhay ng mag-asawa at ng pamilya. Kinilala ang presensya ng Espiritu Santo sa lahat ng mga mabubuting nagaganap sa mga tao na nagdedebosyon sa Medjugorje. Kaya ang minsang ipahintulot at minsang ipagbawal at minsang bigyang-babala na debosyon, ay ngayon isa nang may malayang pagtanggap ng simbahan.
Subalit madiin na sinasabi ng dokumento na hindi pa din tinatanggap ng simbahan na ang naturang aparisyon ay tunay ngang nagmula sa langit; hindi din isinasaad na ganap at perpekto ang buhay ng mga visionaries; at lalo na, hindi tinatanggap lahat ng mga sinasabing mga mensahe ng Birhen sa mga bata lalo na ang nagpapakita ng larawan ng Mahal na Birhen na taliwas sa aral ng simbahan. Ang mga naunang mensahe ay mas pinapaboran kaysa sa mga nahuling mga mensahe na sinasabi ng mga visionaries.
Kaya bagamat magandang balita ito sa mga deboto ng Mahal na Birhen sa Medjugorje, dapat tandaang ang binibigyang-pahintulot ay ang debosyon at ang mga mabubuting resulta nito. Hindi kasama sa pagkilala ang pagiging tunay na makalangit ng aparisyon o ang lahat ng mga mensaheng ipinagkaloob daw sa mga visionaries.
Sana ganito din ang ginawa ng mga may katungkulan tungkol sa sinasabing aparisyon sa ating bansa sa lungsod ng Lipa. Masyadong binigyang pansin ang pasya ng simbahan na hindi daw totoo ang pagpapakita ng Mahal na Birhen kay Teresing. Dahil dito, maraming nalungkot, nagalit, at nasiphayo. Marami ding gulo ang bumalot sa mga usapin na may kinalaman sa visionary, mensahe at mga sinasabing mga himala tulad ng dancing sun, shower of roses at miraculous petals.
Subalit mismong si Cardinal Victor Fernandez ng Dicastery of the Doctrine of the Faith ang sumulat kay Bishop Pablo David ng CBCP na bagamat hindi maire-rekomenda ang laganap na pagpapakalat ng imahen ng Mahal na Birhen sa Lipa, mabuting pag-aralan din ang kinakailangang pastoral na paghikayat sa mga tao sa tamang debosyon. Ayon sa kanya, sa kabila ng hindi pagtanggap ng simbahan sa ilang mga aparisyon o himala, kumikilos pa din ang Espiritu Santo sa mahiwagang paraan upang gumawa ng mabubuting bagay mula sa mga ito. Kaya ang mga may debosyon sa Mahal na Birhen ng Lipa ay dapat hikayating lumago sa buhay Kristiyano sa iba’t-ibang paraan ng paghubog at pagsamba.
Sa ating bansa naging kontrobersyal lamang ang pasya ng mga nakatataas tungkol sa katotohanan o hindi ng aparisyon at mga himala. Doon naman tayo nagkukulang sa mga pastoral na plano para sa paggabay sa pagtuturo at pagtatama ng mga debosyong umusbong kaakibat ng Lipa. Sa totoo lang, napakarami ding mga bunga ng kabanalan, pananampalataya, pagbabalik-loob at maging pagsapi sa simbahan, pagdulog sa mga sakramento, at bokasyon ang humugot at humuhugot pa ng sigla at lakas sa tahimik na lungsod ng Lipa at sa pagmamahal ng mga tao sa Mahal na Birhen na kaakibat ng lungsod na ito at ng monasteryo sa puso ng simbahan dito.
9/22/24