Nagkagulo ang Catholic social media sa Pilipinas nang gabi ng October 6, 2024, nang mapabalitang ibinunyag ni Pope Francis ang kanyang mga bagong hirang na 21 bagong Kardinal ng simbahan na gagawaran ng karangalan at katungkulan sa darating na December 8 sa Roma.
Napako ang pansin ng lahat kay Bishop Pablo Virgilio Siongco David, obispo ng Diyosesis ng Kalookan sa kalakhang Maynila, na ngayon ay malapit nang tanghalin bilang Pablo Cardinal David ng pandaigdigang simbahang Katoliko.
Bagamat simple at tahimik ang landas na tinahak ng kanyang bokasyon, ang bagong Kardinal ay pumukaw sa atensyon ng marami sa kanyang masipag na pamumuno sa kanyang diyosesis. Pinalitan niya si Bishop Deogracias Iniguez, ang unang obispo ng batang simbahang local na sumasakop sa mga bayan ng Kalookan, Malabon at Navotas (dating tinatawag na district ng Kalmana, noong bahagi pa ito ng Archdiocese of Manila).
Maaalalang isa si Bishop David sa bihirang mga tinig na pumailanglang sa gitna ng mga extra-judicial killings na nagaganap sa bansa kaugnay ng anti-drug campaign ng dating pangulong Duterte. Masigasig na isinulong ni Bishop David ang katarungan para sa mga taong pinapatay na walang karampatang katarungan dahil lamang naituro, napagbintangan o kaya ay nahuli sa aktibidad kaugnay ng droga. Lahat ng tao ay may karapatan sa buhay at pangangalaga ng batas, lalo na at walang laban. Halos lahat ng namatay sa campaign ng gobyerno ay mga maralita at walang boses sa lipunan.
Napabalita noon na nagkaroon ng mga death threat sa buhay ni Bishop David kaugnay ng kanyang pakikibaka para sa mga “walang mukha” ng lipunan, mga tao na hindi nakaranas ng karapatan bilang tao.
Habang nagsasaliksik ako sa usaping mental health sa simbahan sa ating bansa, natuklasan kong tila ang diyosesis ng Kalookan lamang ang nagsikap na magkaroon ng isang buhay na programa para sa mental health. Bagamat maraming mga anunsyo ang CBCP tungkol dito, sa Kalookan ko lang natagpuan ang isang tunay na programa para sa mental health, lalo na ng mga kabataan, kababaihan, at mga mahihirap na mamamayan. Ito ay dahil din sa pamumuno ni Bishop David.
Ang magiging bagong Kardinal ay produkto ng edukasyon ng mga Heswita sa San Jose Seminary, Ateneo de Manila at Loyola School of Theology. May malaking bahagi ang paghubog na ito sa malawak na pang-unawa niya sa mga usaping panlipunan kung saan kinakailangan ang boses ng simbahan bilang gabay, inspirasyon, at guro.
Sa unang news release ng Rappler, sinabi nila na sa pagkakahirang sa bagong Kardinal, dalawa na ang aktibong Kardinal ng Pilipinas (ang isa ay si Cardinal Luis Antonio Tagle sa Roma; ang dalawa pang buhay na Kardinal, Cardinal Gaudencio Rosales at Cardinal Orlando Quevedo ay retirado na). Nakalimutan na may isa pang aktibong Kardinal, Cardinal Jose Advincula ng Maynila, at ito ay itinama sa pagsasaayos ng ginawa sa news release ng Rappler. Kunsabagay, maituturing nga bang aktibo kung hindi naman naririnig o nagpaparamdam sa lipunan?
Isang kaloob at karangalan ng bayang Pilipino, hindi lang ng mga Katoliko, ang pagkakaroon ng ika-10 Kardinal mula sa ating lahi. Congratulations, Cardinal-designate Pablo Virgilio David!
photo: https://cbcpnews.net/cbcpnews/bishop-david-confirms-getting-death-threats/
10/7/24
