Skip to main content

ANG MAHAL NA PUSO NI HESUS AT ANG MGA SANTO AT SANTA NA NAGDEBOSYON SA KANYA

 




Ilang santo at santa ang inilahad ni Pope Francis na may kinalaman sa pagkalat ng debosyon sa Mahal na Puso nI Hesus, ayon sa kanyang 2024 encyclical na “Dilexit Nos,” isang liham tungkol sa pamimintuhong ito. Sinu-sino at ano ang kanilang kontribusyon sa kasalukuyang pamamanata ng mga tao sa Mahal na Puso?

 

SAN FRANCISCO DE SALES

Malaki ang ambag ni San Francisco de Sales sa debosyon sa Mahal na Puso ni Hesus. Madalas niyang pinagnilayan ang bukas na puso ni Kristo, na nag-aanyayang Manahan tayo sa kanya, sa personal na ugnayan ng pag-ibig. Nilabanan niya ang espiritualidad na batay sa mahigpit at istriktong moralidad at kabanalan sa pamamagitan ng paglalahad ng Puso ni Hesus na tumatawag sa atin na magtiwala, magpaubaya sa kanyang pagmamahal. Ayon sa kanya, nakasulat sa Puso ni Hesus ang lahat ng ating mga pangalan, dahil bitbit niya tayong lahat sa kanyang Puso. Kaya ang pag-ibig ng Panginoon ay hindi nakalutang sa alapaap kundi tunay na personal at nararamdaman, para sa bawat tao sa mundo. Dama natin sa Pusong ito ang pagkilala at paggalang ng Isang tunay na nagmamahal.

 

SANTA MARGARITA MARIA ALACOQUE

Si Santa Margarita Maria Alacoque ay anak na espirituwal ni San Francisco de Sales. Sa kanya, bilang mongha ng Visitation convent na itinatag si San Francisco de Sales at Sta. Juana de Chantal, nagpakita ang Panginoon mula Disyembre 1673 - Hunyo 1675. Sa unang aparisyon pa lamang, ipinahayag na ng Panginoon ang kanyang naglalagablab na pagmamahal sa mga tao, na nais niyang ibuhos sa buong daigdig upang makinabang ang lahat sa mga kayamanang angkin nito.

 

SAN CLAUDE DE LA COLOMBIERE

Ang gabay espirituwal ni Santa Margarita Maria ay si San Claude de la Colombiere. Sinuportahan niya ang mongha at ipinakilala ang debosyon sa Mahal na Puso ni Hesus kalakip ang paliwanag sa mas malalim na pang-unawa dito, lalo na sa liwanag ng Mabuting Balita. Hindi dapat tuluyang maging tamad at pabayaan na lang ang biyaya ng Diyos o maging sobrang mapaniwala sa sariling lakas, kundi dapat ang malayang pagsuko kay Kristo na nagdadala ng kapayapaan, katiyakan at mabuting pasya sa ating buhay.

 

SAN CARLOS DE FOUCAULD

Si San Carlos de Foucauld ay nasanay sa pagdalaw sa Banal na Sakramento at minsang ipinakita ng kanyang pinsang si Marie de Bondy ang isang larawan ng Mahal na Puso, nabuhay sa kanya ang kamulatan sa pagmamahal ni Hesus. Ito ang naging pinakamahalaga sa kanya, ang debosyon sa Puso ni Hesus, na nag-uumapaw sa awa sa mga dukha at mga makasalanan. Inialay niyang buong-buo ang sarili niya sa Mahal na Puso ni Hesus, na batid niya ay walang hangganan ang pag-irog. Nang dumating ang panahon na dahil mag-isa lamang siya at hindi maaaring makapag-Misa noong panahong iyon, hinayaan niyang manahan sa kanyang kalooban ang Mahal na Puso upang manatili doon tulad nang pananatili ni Hesus sa Nasaret. Tinularan ni San Carlos de Foucauld ang Puso ni Hesus at nabuhay siyang dukha at handang mag-alay ng buhay para sa kapwa hanggang sa kanyang kamatayan.

 

SANTA TERESITA NG BATANG HESUS

Si Santa Teresita ng Batang Hesus o St. Therese of Lisieux ay nagkaroon ng debosyon sa Mahal na Puso dahil ang pamilya niya ay natulungan ng kanilang gabay-espirituwal na si Fr. Almire Pichon, na kilalang deboto at alagad ng Mahal na Puso. Sa murang edad, alam niyang ang puso niya ay kaisa ng tibok ng Puso ng Panginoon. Sa panalangin, itinuring niya na kabiyak ng puso niya ang Mahal na Puso ni Hesus na pinanabikan niyang makaharap balang araw. Ang pinakamahalagang pagninilay ni Sta. Teresita sa Mahal na Puso ay ang kanyang pagkilala ng napakalalim na pagmamahal at habag ng Panginoon para sa mga makasalanan, na nais niyang patawarin at basbasan kung lalapit lamang ang mga ito sa kanya. Anumang dami ng kasalanan ay tila isang patak lamang ng tubig na kakainin ng masidhing alab ng pagmamahal ng Diyos.

 

Tularan din sana natin ang mga banal na taong ito na hanapin, yakapin, tanggapin, at pagyamanin ang pamamanata sa Mahal na Puso ng Panginoong Hesukristo na siyang larawan ng nag-uumapaw at dumadaloy na pag-ibig ng Ama, Anak at Espiritu Santo.

 

11/5/24

 photo: ctto

Popular posts from this blog

RECYCLABLE: ANG POWER NG KUMPISAL SA TAO

  Nagmamadali kami patungong airport noon dahil medyo nakalimot kami sa oras at malapit na ang aming flight patungong Cambodia. Todo dasal ako at ang aking kasama na sana walang trapiko sa daan at maging alerto ang aming drayber para malaman kung saan pinakamagandang dumaan. Kapos na talaga sa oras. Pero sa kalagitnaan ng biyahe, biglang may pumasok na call sa aking cell phone at ito ay mula sa isang parishioner na hindi ko pa gaanong kakilala noon dahil bagong assigned lang ako sa parokya nila. Nakikiusap ang babae na kung maaari ay puntahan ko ang kanyang bayaw na may malubhang karamdaman at tila nalalapit na ang huling hininga. Maaari daw bang kumpisalin ang maysakit dahil tila matagal na itong hindi nagkukumpisal.   Nakiusap ako sa babae na kung maaari ay tumawag sa parish office at doon mag-request ng pari dahil ipinaliwanag kong paalis kami ng bansa at kapos na nga sa oras patungong airport. Nakiusap uli ang babae na kung maaari ay ako na daw ang pumunta dahil it...

PUMAPATOL SA “FAKE PRIESTS?”

    Eksena sa isang elevator ng isang malaking funeral chapel. Pumasok ang tatlong kamag-anak ng isang yumao at natagpuan nilang may nauna na sa kanila na isang lalaki sa loob ng elevator. Ang lalaking ito ay nakasimpleng T-shirt lamang at may malaking kuwintas na krus at may dalang isang bag. Mabait na inalam ng taong ito sa mga bagong sakay sa elevator kung sino ang namatay sa kanilang pamilya. Pagkatapos, ipinahayag niya ang kanyang pakikiramay at nagparinig na kulang na kulang ang mga pari ngayon na maaaring magmisa sa mga lamayan sa patay. Pagkatapos naglabas ang lalaki ng isang calling card at sinabing kung kailangan ng tulong sa Misa, tawagan lamang ang numero dito.   Unang-una, walang matinong paring Katoliko ang tatambay sa mga funeral chapels dahil mas marami pang ibang gawain sa mga parokya o misyon nila. Ikalawa, wala lalong matinong paring Katoliko ang magpapamigay ng calling card o tarheta niya para sa pagkontak tungkol sa Misa. Gin...

MGA AKLAT SA LUMANG TAHANAN

    Madaling araw nang umalis ng probinsya ang aking inaanak at ang aking kaibigan gamit ang sasakyan na lulan ang aking sangkatutak na koleksyon ng mga aklat o libro. Karamihan sa mga librong ito ay pinag-ipunan ko at pinagsikapang bilhin sa ibang bansa lalo na sa Europa noong nag-aaral pa lamang ako doon. Kaya mahalaga sa akin at hindi ko agad mabitiwang ipamigay ang mga ito kahit ang mga iba dito ay luma na dn. Subalit kailangang ilipat na sa bago kong tirahan ang mga aklat dahil ang tahanang kinalakihan ko, ang tahanang puno ng kasaysayan ng aking Kabataan ay ipinagbili na at iba na ang nagmamay-ari nito.   Dahil wala na akong mga magulang, ang tanging kaugnayan ko na lamang sa dating bahay naming ay ang mga librong nakalagak doon. Ngayon sa wakas, masasabi kong naputol na, napatid na ang kahuli-hulihang pisi na humahatak sa akin paminsan-minsang umuwi sa tahanan ng aking mga nasirang magulang.   Ano ba ang tahanan? Karaniwang iniis...