Bugso ng isang matinding ideyalismo, isang seminarista ang nagtanong sa kanyang gabay-espirituwal na isang marunong na pari. Tanong ng seminarista: “Sa dami ng aking mga dasal at sakripisyo sa seminary, sa tingin po ba ninyo ay nararating ko na ang aking kabanalan?” Tumugon ang pari: “Hindi mo problema ang bagay na iyan; problema iyan ng Diyos. Siya lang ang nakakaalam ng puso at espiritu ng tao.”
Kahit tinatawag nating “Santo” Papa o “Holy” Father ang mga kahalili ni San Pedro bilang obispo ng Roma at pinuno ng mga obispo sa buong mundo, hindi nangangahulugan na nang mahalal sila bilang Santo Papa, naging banal na sila. Kung gayun, hindi na nila kailangang ipagdasal tulad ng bawat Kristiyano, at sa Banal na Misa, sa panalanging liturhikal, sa pagro-Rosaryo at iba pang debosyon; pero hindi ba at laging nababanggit ang panalangin para sa ating Santo Papa sa mga dasal na ito? Ito ay sapat na upang alisin sa isip ng mga tao, lalo na ng mga hindi Katoliko ang kaisipan na ginagawa nating diyus-diyosan ang Santo Papa. Tulad nating lahat, kailangan niya ng panalangin. Ang Diyos lamang ang makapanghuhusga kung narating na ng Santo Papa ang kabanalan ng kanyang buhay.
Minsan naitanong din ng seminarista sa paring gabay niya kung kailan kaya matatapos o maiibsan ang mga tukso sa kanyang isip at puso. Muli, nilinaw ng pari, na ang seminarista ay hindi nag-iisa sa kanyang iniisip, na ang tanong na iyan ay tanong din ng Santo Papa sa kanyang sarili, dahil bilang tao, hindi siya ligtas sa lahat ng uri ng tukso, kahinaan, at kasalanan – sa isip, sa salita, sa gawa, laban sa sarili, sa Diyos o sa kapwa tao man. Tulad ng lahat, ang buhay ng Santo Papa ay isang pakikipagbuno araw-araw laban sa kasamaan, una sa kanyang puso, at isang pagsusumikap na matapat na sundan ang yapak ng Panginoong Hesukristo.
Ang pagkahalal sa pinakamataas na posisyon sa simbahan ay hindi nagbibigay ng biglaang lisensya sa Santo Papa upang makapasok sa langit; hindi tumitiyak na may naka-reserbang lugar sa kanya sa harap ng Diyos sa kabilang buhay.
At kung kailangan nating mga ordinaryong Kristiyano ang panalangin upang magpunyagi sa pagiging tapat kay Kristo, higit na kailangan ito ng mga taong naatasan ng mabigat na pananagutan ng paglilingkod sa simbahan at pamayanan. “Ang binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng marami; at ang pinagkatiwalaan ng lalong maraming bagay ay pananagutin ng lalong marami” (Lk 12: 48b) – ito ang bahagi ng tugon ng Panginoong Hesukristo sa tanong ni San Pedro. Hindi madaling maging isang Santo Papa dahil hindi ito libreng tiket sa langit kundi isang mas masusing pagsusuri pala ang gagawin ng Diyos sa kanya.
Kung tutuusin, maging sakristan man, pari, obispo, guro, labandera, tsuper, kolektor, dyanitor, o Santo Papa, pare-pareho ang magiging pinakabatayan ng Diyos sa pagsusuri sa ating mga buhay. Inilaan ba natin ang ating sarili sa kapwa o sa sariling kapakanan lamang? Naging liwanag ba tayo ng mundo o naging madilim na anino dito? Naghasik ba tayo ng pagmamahal at awa o naging sagabal sa kaligayahan ng kapwa? Nagbunga ba ang binhi ng pananampalatayang itinanim sa ating puso nang binyagan tayo at maging Kristiyano?
Sa panahong ito na ipinagdarasal natin ang kalusugan ng Santo Papa at umaasa ng awa ng Diyos para sa kanya, mahalagang tandaan na sa dulo ng buhay, pantay ang pagmamahal at ang pagsusuri ng Diyos sa atin na kanyang mga anak.