Skip to main content

PAANO MAGMAHAL?

 

Photo: https://www.christianity.com/wiki/jesus-christ/why-are-we-called-to-remain-
in-christs-love.html


 

Narito na naman tayo sa buwan ng Pebrero, buwan ng pagmamahalan dahil sa kapistahan ni San Valentino, isang santong martir na sinasabing lihim na nagkasal ng mga nag-iibigan sa gitna ng panahon ng pag-uusig sa mga sinaunang Kristiyano. Napakaganda magpakita ng pagmamahal sa kapwa, at lalo na sa itinatangi ng puso, subalit hindi nagiging tama kung ang isip natin ay nakatuon lamang sa kalakal na bahagi ng pagdiriwang. Sa panahong ito magmamahal ang mga bulaklak, ang mga tsokolate, ang mga tagpuan, ang mga romantikong hapunan, at masaya ang mga lugar at bahay aliwan – napakalayo sa tunay na pakay at kahulugan ng pagmamahal.

 

Ano ba ang kahulugan ng pagmamahal? Tingnan natin ito sa pagsusuri sa apat (4) na uri ng pagmamahal ngayon.

 

Una, ang pagmamahal na siyang pagkahalina sa anumang nagbibigay sa iyo ng ligaya o lugod. Dahil dito, masasabi nating halos lahat ng nagpapaligaya sa atin ay mahal natin. Subalit limitado ang pagmamahal na ito dahil may udyok sa ating puso na gamitin, angkinin, at sarilinin lamang ang sinuman o anumang nagpapaligaya sa atin. Tamang magmahal ng pagkain, ng libangan, ng alagang hayop, o ng tao subalit mali na gamitin lamang ang mga ito para sa atin sariling kapakanan, para punuan lamang ang ating sariling kagustuhan. At madalas nangyayari ito.

 

 

Ikalawa, ang pagmamahal na nagnanais marating ang higit na mataas kaysa atin; dito nagmamahal tayo sa isang bagay o tao upang umangat tayo sa kanilang kinaroroonan. Mahal mo ang trabaho dahil nais mong umasenso, ang pag-aaral dahil nais mong makaahon sa hirap, ang pag-eehersisyo sa gym dahil nais mong hangaan at kainggitan ang iyong katawan. Ito ang proseso ng paglago mula sa hindi buo tungo sa pagiging buo, sa hindi pa sapat tungo sa pagiging ganap na, sa kaanyuan tungo sa tunay na kahulugan, sa kamangmangan tungo sa karunungan. Dahil ang pagmamahal na ito ay tutok sa pag-angat, at ang mundo ay nasa prosesong paitaas lagi, kung magiging tama, hahantong ang lahat sa Bathalang Maykapal, dahil ang Diyos ang siyang nasa itaas at higit na mataas sa lahat ng tao at bagay.

 

Ang una at ikalawang uri ng pagmamahal ay bunsod ng pangangailangan: kailangan kong lumigaya at kailangan kong umangat. Ang mga ito ay ang mababang antas ng pagmamahal ng isang tao. At may higit na uri ng pagmamahal na makikita natin sa susunod na dalawang uri nito.

 

Ikatlo, ang pagmamahal na naghahangad na tulungan ang nangangailangan ng gabay at pagdamay. May talinghagang ginamit ang Panginoong Hesukristo ukol dito sa Lukas 10: 25-37, ang salaysay ng Mabuting Samaritano. Ang nagmamahal nang ganito ay walang pinipili, at hindi naghahangad ng kapalit, laan ang puso sa sinumang may tunay na pangangailangan ng kalinga. Makikita natin ito unang-una sa Panginoon na laging handang tumulong sa mga maysakit, nagdurusa, at nawawalan ng pag-asa. Ito ang nakikita natin ngayon sa mga proyekto ng kawanggawa sa Lipunan man o sa personal na pagkukusa ng mga tao. Bagamat bukas ang puso para sa lahat, hindi naman masama na may natatanging minamahal din tulad ng asawa, anak, pamilya, o grupong kinabibilangan – ang mga taong malalapit sa ating puso.

 

Ika-apat, ang pagmamahal na nagpapahalaga sa kapwa o sa bagay, at hindi lamang tumutulong sa kanila. Iba ang basta lamang tumutulong sa isang taong ang nais ay pahalagahan ang minamahal. Sa Mabuting Balita ng Panginoong Hesukristo may salaysay din ukol dito sa Mk. 12: 41-44. Sa Templo, itinuon ng Panginoong Hesukristo ang pansin ng mga alagad sa alay ng isang maralitang biyuda na ibinigay ang lahat, ang kahuli-hulihang kusing, na kanya sanang ikabubuhay. Malaking palaisipan: Bakit naman ibibigay lahat? Hindi ba maaaring konti lang? Barya lang? Katiting lang? Sa ganitong uri ng pagmamahal, hindi iniisip ng nagbibigay ang sarili niya, kundi ang iba… ang iba higit pa sa sarili niya.

 

Ano ang mapapala niya doon? Wala naman… subalit dito makikita ang tunay na kagandahan ng pagmahamahal… ang pagmamahal na walang ibang pakay o layunin kundi ang magmahal. At ang ganitong uri ng pagmamahal ay nagbibigay sa minamahal ng isang uri ng dangal o kadakilaan na nagpapahalaga dito. Sa ginawa niya, ipinakita ng biyuda na higit na mahalaga at dakila ang Templo kaysa sa kanyang sariling buhay. Subalit sa ginawa niyang ito din, napatunayan ang kadakilaan at dangal niya bilang taong nagmamahal.

 

Minsan kapag nagmahal tayo at tumulong, nagkakaroon tayo ng pakiramdam na mas mataas tayo at mas mahalaga; nagiging dahilan na bigyan natin ng importansya ang sarili. Subalit sa ika-apat na uri ng pagmamahal, ang nagiging mahalaga ay ang tao o bagay na tinutulungan; ang mga ito ang tunay na mas dakila at marangal.

 

Ang ikatlo at ika-apat na uri ng pagmamahal ay hindi nagmumula sa pangangailangan (na lumigaya o umangat) kundi sa pagnanais na isuko ang sarili sa kapwa at sa Diyos, sa minamahal. Sino lang ang makagagaw nito kundi ang mga taong matatag ang kalooban at puso, kahit pa may sariling kahinaan o pangangailangan din. Mayroon siyang pakiramdam na matibay siya, malakas siya, ligtas siya, buo siya, may kakayahan siya (kahit payak pa ang buhay) na magbahagi at tumulong ng sarili o ng pag-aari niya sa kapwa. Kaya niyang lumusong sa daigdig ng mga mahihina at maliliit na tao, dahil umaapaw ang kanyang kaligayahan at kapayapaan ng puso. Hindi siya nagmamahal dahil may kailangan; nagmamahal siya dahil sa pag-ibig lamang.

 

At dito natin makikita ang uri ng pagmamahal ng Panginoong  Hesus sa atin. Sa sulat ni San Pablo sa Fil. 2: 6-8, sinabi niyang ang Panginoong Hesus, “Kahit taglay niya ang kalikasan ng Diyos, hindi niya ipinagpilitang manatiling kapantay ng Diyos. Sa halip, kusa niyang binitawan ang pagiging kapantay ng Diyos, at namuhay na isang alipin. Ipinanganak siya bilang tao.At nang siya'y maging tao, nagpakumbaba siya at naging masunurin hanggang kamatayan, maging ito man ay kamatayan sa krus.”

 

Ito ang pag-ibig na tinularan at isinabuhay ng mga banal na tao noon at ngayon. Naalala ko tuloy si Laureana “Ka Luring” Franco, isang banal na katekista sa Maynila. Sa kapayakan ng kanyang buhay, pinaglingkuran niya ang simbahan, hindi sa institusyon kundi sa anyo ng mga mahihirap na bata sa public school, sa mga matatanda sa squatter’s area, sa mga mag-aaral na kailangan ng suporta, at sa matinding buhay panalangin at pagsa-sakripisyo. Naaalala ko din si Bro. Danilo “Danny” Hernandez, tulad ni Ka Luring, isang payak na katekista, na bagamat may asawa at mga anak, ay hindi naging hadlang para ialay ang sarili sa higit na pagmamahal sa Diyos at kapwa sa pagiging lingkod simbahan, mabuting kapwa-tao, sariling pagkakawanggawa, tapat na pakikipagkaibigan, at paglimot sa sarili makatulong lamang at magbigay ligaya sa iba. Ang dalawang ito ay hindi perpekto sa pagmamahal tulad ng Panginoon, subalit sinikap nilang tularan at tupdin ang atas ng Diyos sa kanilang sariling paraan.

 

Ngayong buwan ng pagmamahal, paano ka naman nagpapakita at nagsasabuhay ng pag-ibig mo?

 

 

Popular posts from this blog

MALI BA SI CARDINAL AMBO DAVID?

    Nagkagulo na naman ang mga Katolikong mabilis mataranta at ito ay dahil sa pahayag ni Cardinal Ambo David sa isang panayam na ibinigay niya sa isang conference. Nasabi kasi ng Cardinal ang ganito: “Huwag kayong maniniwala na ang kaligtasan ay para sa mga Katoliko lamang. Hindi ka Katoliko kung ang iniisip mo na ang maliligtas ay Katoliko lamang. Ang kaligtasan ay laan para sa lahat… sa buong sangkatauhan.”   Nag-alala ang ilan at naisip na baka daw maraming magsi-alisan sa pagiging Katoliko dahil maliligtas naman pala kahit hindi Katoliko. Baka din daw isipin ng ilang nagbabalak maging Katoliko na huwag ituloy dahil hindi naman pala ganoon kahalaga maging Katoliko. May mga nagalit, may mga nasaktan, may mga nagbintang na mali ang turo ng Cardinal tungkol dito.   Pero tingnan natin kung ganito ang sinabi ng Cardinal, magiging tama kaya ang lahat? Halimbawa ganito niya sinabi: “Maniwala kayo na tayong mga Katoliko lamang ang maliligtas...

Wala Ka nang Pag-asa?

    May mga pagkakataon bang nasabi mo sa sarili mo: Wala na akong pag-asa! Huli na ang lahat! Hindi na ako makakahabol! Wala nang magagawa pa! Hopeless situation na!   Subalit ang ganitong pakiramdam ay hindi tunay na pagkawala ng pag-asa. Natural sa mga tao ang manlumo (ma-depress sabi natin ngayon), dahil sa panghihinayang at pagkukulang. At sa mga panahong ganito ang damdamin natin, mas matingkad ang katotohanan na darating muli ang pag-asa at papalitan nito ang mga huwad na nagpapanggap na pag-asa – ang “sana” at ang “ok lahat.”   Ang “sana” (o mas palasak ngayon, “sanaol” ay katumbas ng tinatawag sa Ingles na “wishful thinking.” Ito iyong hinagap na makakamtan mo lahat ng hangarin mo; wala itong kinalaman sa pag-asa. “”Sana” tumama ako sa lotto; “sana” gumanda ang buhay ko ngayon.” Wala itong batayan sa katotohanan dahil ito ay isang guni-guni lamang. Mapalad ka kung maganap ang “sana” sa buhay mo.   Ang “ok lahat” ay katu...

MGA AKLAT SA LUMANG TAHANAN

    Madaling araw nang umalis ng probinsya ang aking inaanak at ang aking kaibigan gamit ang sasakyan na lulan ang aking sangkatutak na koleksyon ng mga aklat o libro. Karamihan sa mga librong ito ay pinag-ipunan ko at pinagsikapang bilhin sa ibang bansa lalo na sa Europa noong nag-aaral pa lamang ako doon. Kaya mahalaga sa akin at hindi ko agad mabitiwang ipamigay ang mga ito kahit ang mga iba dito ay luma na dn. Subalit kailangang ilipat na sa bago kong tirahan ang mga aklat dahil ang tahanang kinalakihan ko, ang tahanang puno ng kasaysayan ng aking Kabataan ay ipinagbili na at iba na ang nagmamay-ari nito.   Dahil wala na akong mga magulang, ang tanging kaugnayan ko na lamang sa dating bahay naming ay ang mga librong nakalagak doon. Ngayon sa wakas, masasabi kong naputol na, napatid na ang kahuli-hulihang pisi na humahatak sa akin paminsan-minsang umuwi sa tahanan ng aking mga nasirang magulang.   Ano ba ang tahanan? Karaniwang iniis...