Skip to main content

HAMON NG SUPER-BAGYO

 



 

Hindi lang nagbago ang mga bagay at tao sa paglipas ng panahon. Pati ang panahon ngayon ay pabagu-bago na din. Dati, mangilan-ngilang bagyo lang ang dumadalaw sa bansa sa isang taon. Ngayon, halos walang pahinga ang bawat buwan ng tag-ulan sa sunud-sunod na dalaw ng bagyo. Dati ang bagyo ay karaniwan lang ang lakas subalit ngayon iba na ang tindi ng hangin, tubig at pinsala. Dati kaya pa nating maligo sa ulan kapag may bagyo pero ngayon, maraming mga tao ang walang pagpipilian kundi ang lumangoy sa baha na sumasalanta hindi lamang sa mga lungsod kundi maging sa mga kanayunan ng ating bayan.

 

Nakakalungkot din isipin na madalas ngayon, pagkaraan ng isang bagyo, may mga taong lumuluha dahil sa mga nawasak na kabahayan, mga nasirang kabuhayan, at mga nawalang buhay ng mga kapamilya, kaanak, at kapitbahay.

 

Sa bawat bagyo, dumadaing ang mga tao sa gobyerno. Mabilis na nagpapakitang-gilas ang mga ahensya ng pamahalaan sa paghahanda ng mga lugar na lilikasan, ng mga tulong sa mga lumikas, at pakikiramay sa mga nasalanta. Bagamat marami din katiwalian sa mga ahensyang dapat ay tumutulong, kahit papaano maraming tao ang nakikinabang sa malasakit ng mga lokal na pamahalaan.

 

Sa panahong nagiging mas malupit ang kalikasan, lalong umiigting ang nagpupuyos na damdamin ng mga tao laban sa mga tiwaling opisyal ng bayan na nagnanakaw ng pondong nakalaan para sa pagpigil ng baha at mga iba pang masamang epekto ng hagupit ng hangin at ulan.

 

Paano tayo tutugon sa panahong ito ng pagsubok at tunay na paghihirap ng mga tao sa lipunan. Naalala ko noong bata pa ako sa probinsya, kapag may malakas na bagyo, napupuno ang munti naming bahay ng mga panauhin. Maliit lang ang bahay naming subalit kongkreto ito, sementado, mababa at nababakuran. Ang marami naming kapitbahay sa gawing bukid o sa may gubat-gubat na bahagi ng baryo ay nakatira pa noon sa bahay-kubo o mga lumang bahay na kahoy na pawid ang bubong at mahina ang pundasyon.

 

Bukas-loob na pinalilikas ng aking mga magulang ang ilang kapitbahay na ganito kahina ang mga tahanan. Kaya, nagugulat na lang ako na ang daming tao na sa amin. Nandoon sa sala naming ang isang pamilya na binubuo ng tatay, nanay, at mga malillit na anak at minsan kasama pa ang aso nila. Balumbon nila ang kanilang mga damit, dala ang kaldero, at ilang banig at unan. Nakikitulog sila sa amin hanggang humupa ang bagyo. Walang tigil ang mommy ko sa pagluluto ng simpleng pagkain na ibinabahagi sa kanila. Walang tigil din ang kwentuhan buong magdamag dahil hidni naman talaga kami nakakatulog sa paghihintay ng balita sa transistor radio na siyang tanging pinagmumulan ng kalagayan ng panahon.

 

Sa tuwing may malakas na bagyo, nananariwa sa aking gunita ang aking mga magulang na bagamat sapat lang ang aming kakayanan, ay kumukupkop pa sa mga kapitbahay namin na nanganganib ang kalusugan at buhay tuwing darating ang daluyong ng bagyo. Nangyayari pa kaya ang mga ganitong eksena sa mga pamilya at mga magkakapit-bahay tuwing may bagyo? Sa panahong iniaasa na ang lahatt ng tulong sa gobyerno, simbahan at mga institusyon, nagbubukas pa ba ng pinto ang mga tao sa mga kapitbahay na nangangailangan?

 

Maraming mga tao ang nagtatanong o nagtatampo o nagagalit sa Diyos kapag may dumarating na kalamidad. May isang nagtanong: Kung ang Diyos ang siyang sanhi ng lahat ng kabutihan, bakit sa kanya tayo nagagalit kapag may masamang kaganapan? Hindi ba, ika, ang demonyo ang sanhi naman ng kasamaan, kaya bakit wala tayong naririnig na reklamo laban sa kanya kapag may mga sakuna?

 

Pero lalo’t higit na mainam, kung may mga nagaganap na kalamidad, bakit hindi natin tanungin ang ating sarili kung anong magandang mga bagay ang ating maiaalay sa kapwang nangangailangan? Maaaring hindi na uso ngayon ang pagbubukas ng tahanan sa mga lumilikas, subalit ang pusong bukas, ang palad na bukas, ay maraming magagawa upang tugunan ang hamon sa buhay ng mga taong dumadanas ng paghihirap at kawalan.

 

 

11/9/25 

 

 

 

photo:  https://iloilo.bomboradyo.com/bagyo-uwan-nagbaskog-nahimo-na-nga-super-typhoon/

Popular posts from this blog

MALI BA SI CARDINAL AMBO DAVID?

    Nagkagulo na naman ang mga Katolikong mabilis mataranta at ito ay dahil sa pahayag ni Cardinal Ambo David sa isang panayam na ibinigay niya sa isang conference. Nasabi kasi ng Cardinal ang ganito: “Huwag kayong maniniwala na ang kaligtasan ay para sa mga Katoliko lamang. Hindi ka Katoliko kung ang iniisip mo na ang maliligtas ay Katoliko lamang. Ang kaligtasan ay laan para sa lahat… sa buong sangkatauhan.”   Nag-alala ang ilan at naisip na baka daw maraming magsi-alisan sa pagiging Katoliko dahil maliligtas naman pala kahit hindi Katoliko. Baka din daw isipin ng ilang nagbabalak maging Katoliko na huwag ituloy dahil hindi naman pala ganoon kahalaga maging Katoliko. May mga nagalit, may mga nasaktan, may mga nagbintang na mali ang turo ng Cardinal tungkol dito.   Pero tingnan natin kung ganito ang sinabi ng Cardinal, magiging tama kaya ang lahat? Halimbawa ganito niya sinabi: “Maniwala kayo na tayong mga Katoliko lamang ang maliligtas...

Wala Ka nang Pag-asa?

    May mga pagkakataon bang nasabi mo sa sarili mo: Wala na akong pag-asa! Huli na ang lahat! Hindi na ako makakahabol! Wala nang magagawa pa! Hopeless situation na!   Subalit ang ganitong pakiramdam ay hindi tunay na pagkawala ng pag-asa. Natural sa mga tao ang manlumo (ma-depress sabi natin ngayon), dahil sa panghihinayang at pagkukulang. At sa mga panahong ganito ang damdamin natin, mas matingkad ang katotohanan na darating muli ang pag-asa at papalitan nito ang mga huwad na nagpapanggap na pag-asa – ang “sana” at ang “ok lahat.”   Ang “sana” (o mas palasak ngayon, “sanaol” ay katumbas ng tinatawag sa Ingles na “wishful thinking.” Ito iyong hinagap na makakamtan mo lahat ng hangarin mo; wala itong kinalaman sa pag-asa. “”Sana” tumama ako sa lotto; “sana” gumanda ang buhay ko ngayon.” Wala itong batayan sa katotohanan dahil ito ay isang guni-guni lamang. Mapalad ka kung maganap ang “sana” sa buhay mo.   Ang “ok lahat” ay katu...

MGA AKLAT SA LUMANG TAHANAN

    Madaling araw nang umalis ng probinsya ang aking inaanak at ang aking kaibigan gamit ang sasakyan na lulan ang aking sangkatutak na koleksyon ng mga aklat o libro. Karamihan sa mga librong ito ay pinag-ipunan ko at pinagsikapang bilhin sa ibang bansa lalo na sa Europa noong nag-aaral pa lamang ako doon. Kaya mahalaga sa akin at hindi ko agad mabitiwang ipamigay ang mga ito kahit ang mga iba dito ay luma na dn. Subalit kailangang ilipat na sa bago kong tirahan ang mga aklat dahil ang tahanang kinalakihan ko, ang tahanang puno ng kasaysayan ng aking Kabataan ay ipinagbili na at iba na ang nagmamay-ari nito.   Dahil wala na akong mga magulang, ang tanging kaugnayan ko na lamang sa dating bahay naming ay ang mga librong nakalagak doon. Ngayon sa wakas, masasabi kong naputol na, napatid na ang kahuli-hulihang pisi na humahatak sa akin paminsan-minsang umuwi sa tahanan ng aking mga nasirang magulang.   Ano ba ang tahanan? Karaniwang iniis...