Ang titulo na “Monsignor” ay hindi nangangahulugan ng isang hiwalay na antas ng kaparian, kundi ng isang karangalan. Ito ang paraan ng simbahan ng pagtatalaga ng ilang mga pari na ang paglilingkod, kaalaman, o pananagutan ay nakarating sa pansin ng Santa Sede (Vaticano).
Ang salitang ito, na ang kahulugan ay “aking amo/ ginoo” ay nagpapahayag ng paggalang at hindi ng isang ranggo (rank). Sa likod nito ay isang pagkilala sa isang maayos na kalakaran sa simbahan na nabuo sa loob ng ilang siglo ng mga reporma.
Ngayon, may tatlong bahagdan ng pagiging monsignor: Chaplain of His Holiness/ Papal Chaplain (Cappellanus Sanctitatis Suae), Prelate of Honour (Prelatus Honoris) , at Apostolic Protonotary (Protonotarius Apostolicus o P.A.). Ang mga titulong ito, na ipinaliwanag at pinasimple ng mga reporma ni Pope Saint Paul VI noong 1968, ay nagpapahayag ng isang makahulugan subalit limitadong pagsasaad ng karangalang eklesiyastikal. Tanging ang Apostolic Protonotary ang karaniwang ginagamitan ng abbreviated letters (halimbawa P.A.) sa pormal na komunikasyon.
Upang maunawaan ang tatlong bahagdan na ito, mainam magkaroon ng maigsing paliwanag. Ang pinakamataas na bahagdan o Apostolic Protonotary ay ang natitirang bahagi ng mga notaryo na naglilingkod sa Santo Papa noon pang transisyon ng klasikong mundo hanggang sa Middle Ages.
Matindi ang gampanin nila: pagsusulat ng mga dokumento ng Santo Papa, pagtulong sa mga kanonisasyon at ang pagsasaayos ng legalidad sa gawain ng Kuria (mga opisina sa Vaticano). Ngayon, ang mga Monsignor na Apostolic Protonotary na nasa Roma (numerary members) ay patuloy sa mga ganitong gampanin, samantalang ang pinagkalooban ng titulo sa labas ng Roma (supernumerary members; o nasa sa iba’t-ibang diyosesis) ay may taglay lamang ng titulo kahit walang gampanin. Ang kanilang kasuotan, sutana na kulay madilim na rosas (kapag naka-choir dress), ay tanda ng kanilang malapit na paglilingkod sa Santa Sede sa loob ng mga nagdaang panahon sa kasaysayan.
Kasunod na bahagdan nito ang Prelate of Honor, dating tinatawag na Domestic Prelate. Ang kategoryang ito naman ay patungkol sa mga paglilingkod o posisyon na dati nang tradisyonal na kaugnay ng gawaing patungkol sa misyon ng Santo Papa, tulad ng pagiging Kanon ng isang katedral, pagiging opisyal ng tribunal Romano, o mga pari na pinagkalooban ng titulo sa hiling ng kanilang mga obispo dahil sa kahanga-hangang paglilingkod. Ang karangalang Prelate of Honor ay karaniwang seremonyal na lamang, bagamat hindi nawawalan ng tunay na kahulugan.
Ang pinaka-karaniwang bahagdan at makabuluhan sa panahon natin ay ang Chaplain of His Holiness. Simpleng sutanang itim na may matingkad na rosas na kulay (fuchsia) ng sablay sa baywang (sash). Ang titulong ito ay tahasang pinanatili ni Pope Paul VI nang gawin niya ang reporma ng Papal Court at gawin itong Papal Household of Pontificalis Domus.
Bilang Chaplain of His Holiness, bahagi siya sa Familia Pontificia, kalipunan ng mga katuwang ng Santo Papa sa kanyang misyong espirituwal at administratibo (bagamat karamihan sa mga Chaplain of His Holiness ay nakakalat sa iba’t-ibang diyosesis sa mundo). Kaya ang reporma ng paggamit sa titulo ay tahasan: ang mga titulong ito ay kaakibat ng tunay na paglilingkod at hindi mga pribilehiyo lamang.
Ang “personal secretary” naman ng Santo Papa sa Vaticano na kalimitang ginagawang Chaplain of His Holiness ay malapit na kaugnay niya sa pangaraw-araw na buhay at gawain, katuwang sa pagsasaayos ng schedule, komunikasyon, at ng mga sensitibong confidential na kalakaran o mga plano at pasya.
Ang pagiging monsignor ay pagsasaad na isang sinaunang kaisipan na ang mga malapit sa Santo Papa sa kanyang misyon at gawain ay hindi batay sa lahi o posisyon kundi sa katapatan, kagalingan, at debosyon.
(salamat sa catholicphilly.com sa larawan)
