Skip to main content

EPEKTO NG KLERIKALISMO: PAGLAYO NG MGA KATOLIKO

 



 

Teka, ano ba muna ang klerikalismo? Sa isang naunang post, napag-usapan na ang kahulugan ng “clericalism” o “klerikalismo” na namamayani sa simbahan natin. Ito ang paniniwala na “ang kaparian natin ay natatangi at hiwalay sa ibang miyembro ng simbahan at sila ay dapat pagtuunan ng malaking pribilehiyo, walang pasubaling paggalang, at kapangyarihang walang limitasyon sa kanilang kaugnayan sa mga layko o binyagang Katoliko.” Ito ay isang attitude na buhay hindi lang sa mga pari, kundi pati sa mga obispo, diyakono, at seminarista din. Hindi lahat ng nabanggit ay nabahiran ng pananaw na ito pero marami na ang nahulog sa patibong.

 

Ano ang epekto ng klerikalismo? Tingnan natin ang isa muna. Huwag na tayong lumayo sa parokya kung saan may tahasan at personal na karanasan ang mga tao sa kanilang mga pari. Hindi ba’t maraming mga tao ang nagsasabi na hindi approachable o madaling lapitan ang kanilang pari? 

 

Hindi kumportable ang mga tao na makipag-usap sa pari na may attitude ng klerikalismo. Takot sila, nangingimi, umiiwas na lang. Sa larangan naman ng mga obispo, ang obispong may bahid ng klerikalismo ay hindi maka-konek sa kanyang mga pari at sa mga ordinaryong Katoliko dahil pakiramdam niya siya ang supreme court ng simbahan, prinsipe na itinalaga ng Roma, punong-pari na pinili ng Diyos. Mas gusto niyang siya ay kinatatakutan at pinagsisilbihan at sinusunod na walang tanung-tanong. Bagamat isang pastol, sabi nga ni Pope Francis, ang mga ito ay hindi amoy-tupa.

 

At iyan naman ang talagang gusto ng mga klerikal na pari at obispo. Nais nilang maitatag na talagang may distansya sa pagitan nila at ng mga tao. Hindi nila nais na ibantad sa mga tao ang kanilang tunay na sarili. Gusto nilang i-project lamang ang kanilang kalakasan at talino at hindi mapansin ang kanilang kahinaan at kakulangan. 

 

Bagamat tama naman na sa lahat ng ugnayan ay mayroong tinatawag na boundaries o hangganan, ang klerikal na pari ay sobrang nagtatayo ng pader sa palibot niya upang huwag siyang tunay na makilala ng kanyang mga pinaglilingkuran. Kumbaga, propesyunal lang, at walang personalan. Trabaho lang. At ang trabaho, kalimitan, nagiging career na sa kanilang isipan.

 

Magtataka ba tayo na maraming mga Katoliko ang taun-taon ay nawawala sa ating mga simbahan? Madaling mahatak sa ibang relihyon o sa ibang sekta dahil kailanman hindi nakaranas ng personal na engkuwentro sa kanilang mga pari na talaga namang hindi nagpakita sa kanila ng interes na makilala sila o maging bahagi ng kanilang buhay bilang ama o gabay espirituwal.

 

Ang mahirap pa, ang tanging naaalala nila o naiisip tungkol sa mga pari ay nagmumula sa pagpuna ng iba: laging may bayad bawat kilos, mukhang pera, sosyal, pang-mayaman, masungit, mailap, walang pakialam o malasakit sa buhay ng mga tao. 

 

May katotohanan sa likod ng bawat pagpunang ito at ito ang naglalayo sa mga tao hindi lamang sa kanilang mga pari, kundi sa simbahan ni Kristo. Maraming ding hindi umaalis sa simbahan, pero nananatiling "sugatang puso" dahil sa attitude na nakita nila sa kanilang mga lider espirituwal. O kaya, hindi na sila nakikiisa nang lubusan kundi tumatanggap na lang ng mga sakramento pero walang interes na maging aktibong bahagi ng pamayanan o parokya; nawalan ng gana, nawalan ng tiwala. Sana malunasan na ito. Sana matapos na ang klerikalismo at umusbong ang mga tunay na kinatawan ni Kristo sa hanay ng mga pari at mga lingkod ng simbahan.

 

2/20/24


photo: https://medium.com/backyard-theology/does-leaving-the-church-mean-that-people-will-lose-their-faith-78e6d704fdf6

Popular posts from this blog

MALI BA SI CARDINAL AMBO DAVID?

    Nagkagulo na naman ang mga Katolikong mabilis mataranta at ito ay dahil sa pahayag ni Cardinal Ambo David sa isang panayam na ibinigay niya sa isang conference. Nasabi kasi ng Cardinal ang ganito: “Huwag kayong maniniwala na ang kaligtasan ay para sa mga Katoliko lamang. Hindi ka Katoliko kung ang iniisip mo na ang maliligtas ay Katoliko lamang. Ang kaligtasan ay laan para sa lahat… sa buong sangkatauhan.”   Nag-alala ang ilan at naisip na baka daw maraming magsi-alisan sa pagiging Katoliko dahil maliligtas naman pala kahit hindi Katoliko. Baka din daw isipin ng ilang nagbabalak maging Katoliko na huwag ituloy dahil hindi naman pala ganoon kahalaga maging Katoliko. May mga nagalit, may mga nasaktan, may mga nagbintang na mali ang turo ng Cardinal tungkol dito.   Pero tingnan natin kung ganito ang sinabi ng Cardinal, magiging tama kaya ang lahat? Halimbawa ganito niya sinabi: “Maniwala kayo na tayong mga Katoliko lamang ang maliligtas...

Wala Ka nang Pag-asa?

    May mga pagkakataon bang nasabi mo sa sarili mo: Wala na akong pag-asa! Huli na ang lahat! Hindi na ako makakahabol! Wala nang magagawa pa! Hopeless situation na!   Subalit ang ganitong pakiramdam ay hindi tunay na pagkawala ng pag-asa. Natural sa mga tao ang manlumo (ma-depress sabi natin ngayon), dahil sa panghihinayang at pagkukulang. At sa mga panahong ganito ang damdamin natin, mas matingkad ang katotohanan na darating muli ang pag-asa at papalitan nito ang mga huwad na nagpapanggap na pag-asa – ang “sana” at ang “ok lahat.”   Ang “sana” (o mas palasak ngayon, “sanaol” ay katumbas ng tinatawag sa Ingles na “wishful thinking.” Ito iyong hinagap na makakamtan mo lahat ng hangarin mo; wala itong kinalaman sa pag-asa. “”Sana” tumama ako sa lotto; “sana” gumanda ang buhay ko ngayon.” Wala itong batayan sa katotohanan dahil ito ay isang guni-guni lamang. Mapalad ka kung maganap ang “sana” sa buhay mo.   Ang “ok lahat” ay katu...

MGA AKLAT SA LUMANG TAHANAN

    Madaling araw nang umalis ng probinsya ang aking inaanak at ang aking kaibigan gamit ang sasakyan na lulan ang aking sangkatutak na koleksyon ng mga aklat o libro. Karamihan sa mga librong ito ay pinag-ipunan ko at pinagsikapang bilhin sa ibang bansa lalo na sa Europa noong nag-aaral pa lamang ako doon. Kaya mahalaga sa akin at hindi ko agad mabitiwang ipamigay ang mga ito kahit ang mga iba dito ay luma na dn. Subalit kailangang ilipat na sa bago kong tirahan ang mga aklat dahil ang tahanang kinalakihan ko, ang tahanang puno ng kasaysayan ng aking Kabataan ay ipinagbili na at iba na ang nagmamay-ari nito.   Dahil wala na akong mga magulang, ang tanging kaugnayan ko na lamang sa dating bahay naming ay ang mga librong nakalagak doon. Ngayon sa wakas, masasabi kong naputol na, napatid na ang kahuli-hulihang pisi na humahatak sa akin paminsan-minsang umuwi sa tahanan ng aking mga nasirang magulang.   Ano ba ang tahanan? Karaniwang iniis...