Sa bagong dokumentong Fiducia Supplicans, pinapayagan na ng simbahan, na may pagsang-ayon ng Santo Papa Pope Francis, ang pagbabasbas ng mga taong nasa situwasyon ng “same-sex” relationship, mga “hiwalay at nag-asawa muli,” at iba pang nasa kalagayang hindi regular sa mata ng simbahan (o ng lipunan man). Bagamat ang unang nagbunyi ay ang mga LGBTQ na mga Katoliko, dapat malaman ng lahat kung ano ang nilalaman ng dokumento at ang kahulugan ng development na ito sa paggabay-pastoral at espirituwal sa bawat miyembro ng buong simbahan. ANO ANG HINDI SINASABI NG DOKUMENTO? Ang pagbabasbas na tinutukoy sa mga taong nasa kalagayan ng ugnayan na hindi regular (same-sex o hiwalay at muling nag-asawa) ay hindi katumbas ng kasal. Hindi ito dapat ituring na tulad ng tunay na Sakramento ng Pag-iisang Dibdib, na madiin pa ring nakalaan lamang sa babae at lalaki na malayang pumapasok sa banal na ugnayang panghabambuhay. ...